Prologue:
Pumasok ako sa loob ng aking kwarto. Umupo ako sa aking silya at binuksan ang aking laptop. Sinimulan ko rin ang magtipa ng mga salita.
Habang nagtitipa ay nanginginig ang aking mga kamay. Malakas ang kabog ng aking dibdib. Hindi mapapangalanan ang emosyong nararamdaman ko ngayon.
Mabigat ang aking dibdib, malakas ang kabog ng aking puso. Pakiramdam ko ay huminto ang pag-ikot ng aking mundo. Nawawalan ako ng ganang mabuhay.
Nagtuloy-tuloy naman ang buhos ng mga luha sa aking mata. Pumikit ako nang mariin at huminga nang malalim. Buong puso kong isinulat sa draft ang mga salitang gusto kong iparating sa lahat.
Sinimulan ko ito mula sa umpisa.
Ang tahimik na bayan ay nabulabog ng isang nakagigimbal na pag-atake ng mga kalaban, ang mga Kezuro, mga kampon ni Ambros— isang demonyong walang magawa sa buhay kundi ang manira ng ari-arian at nais na maghari sa buong sanlibutan. Siya ang kasalukuyang pinakamalakas at pinakamakapangyarihang nilalang sa kaharian ng Amesa na dating pinamunuan ng matatapang at natatanging hari't reyna na kanyang pinatay dalawampung taon na ang nakalilipas.
Hatid niya ay isang kilabot at takot sa mga tao. Kaya niyang wasakin ang mundong ginagalawan ng mga tao sa isang pitik lamang. Maraming bayan at lugar na ang kanyang nawasak. Lahat ng mga taong sumasalungat sa kanyang kagustuhan ay kanyang pinapatay nang walang pag-aalinlangan gamit ang itim na kapangyarihan na kahit ang puting kapangyarihan ay hindi siya kayang talunin. Kung kaya't marami ang mga taong takot na kalabanin siya.
Ngunit may mga iilan pa rin ang pursigido at matatapang na mga tao ang nais siyang puksain upang muling maibalik sa dating tahimik at mapayapang lugar ang kaharian ng Amesa.
Kabilang na rito ang isang matandang lalaki na siyang kasalukuyang namumuno sa maliit na hukbo— si Mergos. Sila ay kasalukuyang nagtatago sa maliit na parte ng bayang Beruso. Ito ang kanilang naging pansamantalang lugar upang mag-ensayo ng mahika at espada upang maging handa na lusubin ang kahariang nararapat lamang sa kanila.
Kabilang sa mga taong nag-i-ensayo ang tatlong dalaga at binata na mas binibigyan ng pansin ng matanda. Gayunpaman, kahit gaano pa kaliksi at kalakas ang kapangyarihang mayro'n sila ay alam ng matanda na hindi nila kayang talunin si Ambros nang ganun-ganun na lang. Nangangailangan ito ng kapangyarihang mas malakas at kayang pantayan ang kapangyarihang mayroon ang kalaban.
Kung kaya't gumawa ng hakbang ang matanda. Siya'y lumapit sa isang diwata upang humingi ng tulong. Masyadong sensitibo ang mga diwata, hindi sila basta-bastang humaharap sa kung sino-sino lang lalo na kung alam ng mga itong gulo lamang ang maging dulot ng mga tao sa kanilang teritoryo.
Ngunit dahil alam nilang nanganganib ang buong mundo at kaharian ng Amesa ay nagawa nilang magpakita sa matanda at sabihin ang nag-iisang sulosyon na mahirap gawin. Pero dahil pursigido ang matandang matalo ang kasamaan ni Ambros ay gagawin niya pa rin ang nararapat kahit mahirap.
Nalaman ni Ambros ang tungkol sa lihim na pagbuo ng hukbo ni Mergos at sa pagbabalak nito na lusubin ang kaharian, kung kaya't agad niyang nilusob ang bayan ng Beruso, kasama ang mga maraming hukbo. Kanilang sinira ang lahat ng ari-arian at bahay ng mga taong naninirahan doon. Kanila ring pinatay ang mga inosenteng tao, kung kaya't marami ang nagtatakbuhan kung saan-saan upang makalayo sa panganib na dala nito.
BINABASA MO ANG
Elements Of Stone
FantasyAng pagsulat na yata ng isang magical novel ang pinaka-wirdong pinagawa sa kanila ng professor ni Senti. Love story nga, nami-mental black siya? Fantasy pa kaya? Kaya hindi niya alam kung paano sisimulan ang prohekto na iyon. Hanggang isang gabi, m...
