"Senti, c'mon, smile!" Tinapik ko ang kamay ni Kensly na kinurot ang magkabilang pisngi ko.
"Tigilan mo ako, Kensly. Hindi na ako natutuwa," inis kong sabi.
Natawa lang siya. "Bakit ba labag sa kalooban mong pumunta rito sa Bar? Aren't you having some fun? Ang dami kayang mga boylet! Ang gagwapo! Look, oh!" May itinuro siyang isang lalaki sa kabilang table, malapit dito sa kinaroroonan namin. May kasama pa itong apat na lalaking tingin ko ay kaibigan niya. Nag-uusap silang lahat at nagtatawanan.
Pinagmasdan ko ang mukha nito. May hitsura nga, kaso hindi naman papasa sa type ko.
Bigla itong lumingon sa gawi namin at saka kumindat. Agad namang napatili ang walang hiyang kaibigan ko saka pabebeng nag-hi roon.
Napaikot na lang ako ng mata. Kahit kailan talaga, napakalandi ng kaibigan ko. Wala namang jowa.
Ininom ko na lamang ang isang whiskey na nasa harapan ko. Umiinom ako ng alak, pero hindi naman ako lasinggera. Minsan lang ako nalalasing kapag frustrated ako o malungkot. At karamay ko roon ang babaeng katabi ko ngayon na nagpapa-cute na roon sa lalaki.
"Oh my gosh, Senti! Papunta siya sa table natin! Oh my gosh, this is it!" Niyuyugyog ni Kensly ang balikat ko. Muntikan tuloy matapon ang alak na iniinom ko. Putek itong babaeng ito!
"Ano ba, Kensly! Ang hindot mo!" iritadong sambit ko at nilingon ang lalaking sinasabi niya. Tama nga ang sinabi ng kaibigan ko, papunta nga sa table namin ang lalaki dala ang isang malanding ngiti sa labi. Malagkit din ang tinging ibinibigay nito sa kaibigan ko.
Napairap na lang ako sa kawalan.
"Hi, miss," sabi ng lalaki pagkalapit. Nasa kaibigan ko ang buong atensyon niya na ngayon ay mukhang tangang nagpapabebe. May pakagat-labi pa siyang nalalaman. Parang gusto ko tuloy masuka sa kanya.
"H-hi," pabebeng sagot ng katabi ko, impit ang boses. Jusko, ako ang kinilabutan para sa kanya!
"I'm Jacob. You are?" Inilahad ng lalaki ang kamay sa kanya.
"I'm Kensly." Ngumiti siya sa lalaki at mahinhing tinanggap ang kamay. Umangat na lang ang sulok ng labi ko sa kanila. Talagang sa harapan ko pa, ah? At kailan pa siya naging pabebe at mahinhin? Hindi ko tuloy alam kung tatawanan ko ba siya o masusuka na lang. Putek, sumasakit ang ulo ko sa kanila.
Napagpasyahan ko na lang na ibaling sa alak ang atensyon ko. Iniisip ko na lang na wala akong kasama. Putek, kung hindi lang ako pinilit ni Kensly ay hindi talaga ako pupunta rito!
Nandito nga ako, kaso hanggang ngayon ay wala pa ring panibagong senaryo ang pumapasok sa utak ko para sa gagawing story na naiisip ko. Mas lalo lang naging magulo ang plot na iniisip ko dahil sa babaeng kasama ko.
Mukhang wrong decision ang pagpunta ko rito sa Bar, ah? Imbis na makatulong, aba, gumulo pa lalo ang isip ko. Isali mo pa diyan ang isang magical novel na pinagawa sa amin ng weird professor ko. Hays, tumambling na lang kaya ako? Baka sakaling magkaroon ako ng idea kapag ginawa ko iyon?
Hindi ako mahilig magsulat ng fantasy novel, pero dahil sa letseng project namin ay mapipilitan akong gumawa ng sabaw na istorya. Paniguradong ako na naman ang may pinakamababang score pagdating sa field na iyon.
Napahawak na lang ako sa kulay itim, kulot at mahaba kong buhok at muling tumungga ng alak. Libre naman lahat ito ni Kensly kaya lulubos-lubusin ko na. Hindi naman siya mauubusan ng pera, e. Araw-araw ka ba naman makakatanggap na sandamakmak na pera? Iba na talaga 'pag mayaman. Mapapa-sana all ka na lang.
Hindi ko alam kung ilang oras na kaming nanatili sa lugar na ito. Nakarami na rin ako ng inom kaya medyo nahihilo na ako. Putek, mukhang nilasing ko na naman ang sarili ko. Magaling!
BINABASA MO ANG
Elements Of Stone
FantasyAng pagsulat na yata ng isang magical novel ang pinaka-wirdong pinagawa sa kanila ng professor ni Senti. Love story nga, nami-mental black siya? Fantasy pa kaya? Kaya hindi niya alam kung paano sisimulan ang prohekto na iyon. Hanggang isang gabi, m...