ILANG beses na huminga nang malalim si Dawn habang patungo siya sa classroom ng pamangkin na si Knight. Siya ang natokang sumundo sa limang taong gulang na pamangkin dahil nagkaroon ng emergency sa pinagtatrabahuan ng mama nito at matatagalang makauwi. Pero mahal niya ang nag-iisang pamangkin at walang problema sa kanya na sunduin ito. May isang tao lang siyang iniiwasang makita.
“Hoy!”
“Ay palaka!” bulalas niya nang gulatin siya ng kaibigang si Gian na gaya niya ay susunduin din ang ‘anak’ nito sa paaralang iyon. “Bakit ka nanggugulat?” asik niya.
“Hindi ka naman sana magugulat kung napansin mo lang na kanina pa ako sumusunod sa’yo sa likuran mo. Ang seryoso mo kasi at para kang sasabak sa giyera eh nasa school tayo,” puna nito na ikinawala ng kanyang imik. “Period mo?”
“Gusto mo lagyan kita ng exclamation point sa noo?”
“Hindi ka naman ganyan sa opisina kanina. Ano’ng nangyari? Pinagalitan ka ni Boss?” sunod-sunod nitong usisa at sunod-sunod din siyang umiling. Iisa sila ng pinagtatrabahuang kompanya ni Gian. Nagkakilala sila nang magsimula silang magtrabaho doon four years ago at maayos naman ang samahan nila bilang magkaibigan.
“Hindi mo kasama si Geri?” tanong niya patungkol sa fiancée ng kaibigan na pareho rin nila ng pinagtatrabahuan pero nasa ibang departamento.
“Papunta na siya rito. Nauna lang ako nang konti,” sagot nito na abot-tainga ang ngiti. Naiintindihan naman niya na sobrang saya ng love life nito kaya ‘di na siya nagkomento.
Nasa harap na sila ng kindergarten classroom at naupo sa bench kasama ng ibang mga magulang at yaya habang naghihintay sa mga bata. Ang alam niya ay playtime ng mga ito kaya malamang nasa playground ang mga bata pati na ang mga teachers.
“Daddy!” masayang sigaw ng isang batang babae na lumapit kay Gian. Nagsidatingan na ang mga batang pawisan pero cute pa rin sa suot nilang mint green na uniform.
“Baby Girl!” tuwang-tuwa na sigaw ni Gian sabay yakap sa bata. Hindi napigilan ni Dawn na mapangiti habang nakatingin sa mag-ama na tuwang-tuwa sa isa’t isa. Daig pa ng dalawa ang tunay na mag-ama. Ang limang taong gulang na si Celestine ay anak ng fiancée ni Gian na si Geri sa una nitong asawa na maagang namatay. Baby pa lang ang bata nang mamatay ang ama nito na isang sundalo at dumating si Gian sa buhay ng mag-ina two years ago. Saksi siya sa mala-pelikulang love story ng dalawa at masasabi niyang deserve ng mga ito na lumigaya sa piling ng isa’t isa. Kumpiyansa rin siyang tapat na lalaki si Gian at hanga siya sa kabaitan na meron ito na hindi ito nagpatalo sa anumang sasabihin ng mga tao tungkol dito.
Minsan ay naiisip niya na kung hindi lang siya naging ‘super’ demure at kung sana nagparamdam man lang siya ay baka siya ang naging girlfriend ng kaibigan.
Yeah. May gusto siya kay Gian. Period.
“Sad?”
Binalingan niya ang pamangkin na hindi niya napansing nasa tabi na pala niya at kanina pa nakatingin sa kanya na magkasalubong ang mga kilay.
“Knight! Hello!” bati niya sa pamangkin saka hinaplos ang buhok nitong basa sa pawis. “Nag-enjoy ka ba sa playtime ninyo?” tanong niya. Hindi sumagot ang bata, sa halip si Celestine ang bumwelta ng sagot.
“Nag-hide and seek kami ni Nat, Tita Dawn!” bibang sagot ng bata. “Naghabulan din kami at ako parati ang taya,” dagdag nito saka tumawa.
“Mabagal ka kasing tumakbo,” sabi ni Knight. Nat ang tawag ni Celestine sa pamangkin niya dahil nahihirapan itong bigkasin ang pangalan ng kaibigan nito.
“’Wag ka ngang nega masyado. Bibilis din ang takbo ni Tin-tin kalaunan. Mas mabilis pa siyang tumakbo kesa sa’yo someday,” aniya saka kinindatan si Celestine.
“Wrap-up time!”
Pagkadinig ng mga bata sa boses na iyon ay nagmamadaling pumasok ang mga ito sa classroom at naghanda na para sa uwian. Hindi na niya kailangan na tumingin pa sa may-ari ng boses dahil sigurado siya kung sino iyon, walang iba kundi ang teacher ng kindergarten class.
“Ang cool niyang teacher ‘no?” narinig niyang sabi ni Gian.
“Sino?”
“Si Teacher Yuu.”
Hindi kumibo si Dawn pero agad na lumipad ang tingin niya sa tinutukoy na tao ni Gian. Nakatayo malapit sa pinto ang nasabing teacher. Dalawa ang teacher ng kindergarten class since morning at afternoon session ang naroon. Si Teacher Yuu ang nakatoka sa hapon na klase at ito ang tao na ayaw niyang makita. Last year noong nasa nursery pa si Knight ay ito rin ang naging teacher ng pamangkin niya at doon nagsimula ang mabigat na pakiramdam niya sa guro.
Actually, hindi lang siya ang ilag sa nasabing guro, maging ang ibang mga magulang at guardians. Hindi ito ang tipong palakaibigan o masalita sa mga magulang pero pagdating sa mga bata, walang duda na mahusay ito sa pagtuturo at natutuwa ang mga bata rito. Katunayan, naiingayan siya minsan kay Knight dahil bukambibig nito madalas ang teacher. Hindi niya kinukwestiyon ang kakayahan nito bilang teacher pero may socialization issue ito.
“Hon, sorry natagalan ako,” nagmamadali at hinihingal na sabi ni Geri na kararating lang at may dalang isang box ng donuts. “Na-traffic ako eh. Hi, Dawn!” kumaway ang babae sa kanya at lumapit saka nakipag-beso-beso. “Salamat at nandito ka. Hindi nainip sa paghihintay si Gian.”
“Hindi naman talaga ako nainip,” sabi ni Gian. “Malapit na rin naman ang uwian.”
“Kahit matagalan ka pa eh hihintayin ka pa rin ng isang ‘yan kasi alam niyang may dala kang donuts,” biro niya na ikinatawa nila ni Geri. Mahilig sa pagkain na iyon ang kaibigan at sa ilang taong relasyon ng dalawa, alam na ng mga ito ang gusto ng isa’t isa. Katunayan, masasabing na-spoil ni Geri nang husto si Gian while na-spoil naman ni Gian si Celestine.
Hindi niya maiwasang maalala na naman ang mga nangyari noon kaya nakadama siya ng kirot sa dibdib. Masaya naman siya sa magkasintahan pero hindi niya rin mapigilang mainggit.
“Auntie, nagugutom ako ng pizza,” sabi ni Knight sa kanya nang makalapit ang bata dala-dala ang maliit nitong bag. Isinuot niya sa ulo ng pamangkin ang cap na terno ng suot nitong uniform. Gano’n ang linyahan nito kapag may gustong kainin.
“Ililibre kita ng pizza kapag ininom mo ang carrot juice sa hapunan mamaya.” Hindi nakaimik ang bata at nag-isip pa kung papayag o hindi. Ayaw nito ng carrots.
“Half-glass?”
“Deal,” aniya saka ngumiti.
“Mommy, Daddy, tingnan mo ang drawing ko,” narinig niyang sabi ni Celestine kina Geri at Gian sabay pakita sa drawing nito. Napuno ng papuri ang bata.
“May drawing ka rin ba, Knight?” tanong niya sa pamangkin upang maalis ang atensyon niya sa pamilyang kasama. Tahimik na ipinakita ni Knight sa kanya ang drawing nito at agad siyang napangiti. Tatlong tao ang nasa drawing ng pamangkin: ang mama nito, ang sarili at siya. Nakalagay sa itaas ng drawing niya ang salitang ‘Anti’. “Ang galing naman. Ang ganda ko riyan, infairness,” puri niya sa pamangkin kahit na nga ba puro stick figures lang ang naroon. “I-workout natin ang spelling mo para hindi ako mapagkamalang kontrabida,” biro niya pa.
Napansin ni Dawn na may nagpapaalam na mga magulang kay Teacher Yuu. Halos walang expression ang mukha nito kapag kaharap ang mga magulang pero kapag sa bata, doon lang lumalabas ang ngiti ng guro. Tiningnan niya ang pamangkin na sambakol na naman ang mukha. Para yatang nahahawa na ang pamangkin niya sa facial expression ng teacher nito.
“Teacher, salamat po,” sabi ni Geri sa guro. Isang walang kabuhay-buhay na ‘You’re welcome’ ang isinagot ng lalaki.
“Teacher, bye-bye!” sigaw ni Celestine habang kumakaway.
“Bye!” abot-tainga ang naging ngiti nito sa bata.
“Dawn, mauna na kami ha? See you tomorrow,” sabi ni Gian sa kanya.
“Okay. See you tomorrow,” nakangiti niyang sabi. Habang hinahatid niya ng tingin sina Gian, Geri at Celestine, binalot ng matinding lungkot ang puso niya. Kung naging maganda lang ang takbo ng buhay niya more than five years ago, malamang meron na rin siyang pamilya at masaya na rin siguro siya gaya ni Gian at ng pamilya nito ngayon.
“Hanggang tingin ka na lang ba?”
Nagulat siya sa narinig sabay baling sa nagtanong. Seryosong nakatitig sa kanya ang teacher ng kanyang pamangkin at sa mukha nito, tila alam nito ang damdamin niya ng mga sandaling iyon. Ang hindi niya nagustuhan ay ang tingin nito sa kanya na parang nagmamaliit at ang manliit ay ang huling damdamin na gugustuhin niyang muling maramdaman.
BINABASA MO ANG
Fall For Yuu
RomanceAsar na asar si Dawn sa teacher ng kanyang pamangkin kaya hanggang maaari ay iniiwasan niya ang bugnuting lalaki kapag sinusundo niya ang bata mula sa school. Para sa kanya ay may attitude ang guro dahil maliban sa mga estudyante ay wala na itong ib...