NAKAHANDA na ang cellphone niya at ng kanyang ate para kunan ang presentation ni Knight sa kanilang school. Nag-leave pa sila pareho ng ate niya para sa araw na iyon. Ini-expect na ni Dawn na darating din sina Gian at Geri upang suportahan at panoorin si Celestine. Talent Show ang tema ng school presentation at wala silang ideya kung ano’ng talent na ipapakita ni Knight dahil surprise raw iyon.
Magkatabi sila nga ate niya sa audience at katabi rin nila sina Gian at Geri na ready na rin na kunan ng litrato at video ang anak. Habang nanonood ay hinanap ng mga mata ni Dawn ang teacher ng afternoon class na si Yuu at nakita niya ang lalaki na siyang tumutulong sa mga bata at ito rin ang nakatoka sa sound system at iba pang physical preparations kaya busy ito pero nakita niyang tumingin ito sa direksiyon nila and as usual ay hindi niya alam ang iniisip nito.
Nang si Celestine na ang nag-perform ay tuwang-tuwa sina Gian at Geri habang pinapanood na kumakanta ang batang babae. Napangiti si Dawn habang nakatingin sa kaibigang si Gian at walang duda na mahal na mahal nito ang bata na parang tunay na anak.
“Future singer,” aniya matapos ang presentation ni Celestine.
Ang sumunod na tumuntong sa makeshift stage ay si Knight at nagulat sila ng ate niya nang mapansing merong itong dalang ukulele. Nilagyan din ni Yuu ng mic sa harap ni Knight at lalo siyang na-excite dahil iyon ang unang beses na maririnig niya ang pamangkin na kumanta at may ukulele pa. Nang magsimula si Knight na tugtugin ang ukulele ay para silang namatanda ng ate niya dahil wala talaga silang ideya na marunong ang bata ng musical instrument. Nang magsimula itong kumanta ay lalo siyang namangha and at the same time ay napatanga nang maunawaan ang lyrics ng kanta.
Humagikhik si Dawn pati na ang ate niya habang nakikinig sa kanta na ang lyrics ay patungkol sa alaga nitong isda sa bahay nila. Pati ang iba ay hindi naiwasang maaliw sa presentation ni Knight lalo pa at seryoso ang bata habang tumutugtog at kumakanta.
“Mother Nature, Mother Nature, thank you. For creating my pet Fabio…”
Naiiyak na si Dawn sa sobrang pagkaaliw pero lalo niya talagang hinangaan ang pamangkin sa pagiging seryosong pet owner at pag-compose ng kanta para sa bugnutin at loner na isda na mula ng alagaan nila ay nakapagpasigla sa bata.
“May future sa music industry si Knight,” aliw na aliw na sabi ni Gian matapos ang presentation ng pamangkin niya.
“Malamang na si Eugene ang tumulong sa kanya,” sabi naman ng ate niya na ikinataka ni Dawn. “Creative si Eugenio pagdating sa mga presentation at madalas na manalo ang grupo niya noon kapag may group activities. He’s a jack of all trades. Pwede mo siyang ilagay kahit saan,” kwento ni Danica na ikinamangha niya.
“Pero gano’n naman talaga kapag teacher? Dapat maraming alam at creative,” ani Geri.
“Kaya nga bagay sa kanya ang trabaho niya.”
Matapos mag-perform ng kanya-kanyang talent ang mga bata ay nagpamalas ang buong klase ng isang song interpretation number. After that, the school presentation ended. Nagkaroon ng salu-salo ang lahat sa mismong venue at ang iba ay abala sa picture-taking.
“Ang galing mo ah!” puri niya sa pamangkin saka nakipag-high five rito.
“I’m so proud of you, little guy,” Danica hugged her son.
“Sabi kasi ni Teacher, kailangan gusto ko ‘yong gagawin kong presentation at tinulungan niya ako na gawing kanta ang poem na ginawa ko tungkol kay Fabio,” kwento ng bata.
“Siguradong proud din si Fabio sa’yo,” sabi ni Dawn and the boy smiled.
Habang abala ang lahat sa pagkain at pag-uusap, napansin ni Dawn na tahimik na nagliligpit ng mga gamit si Yuu at mukhang wala itong balak na makipaghalubilo sa iba gaya ng nakagawian nito. Nang magpaalam na rito ang ibang mga bata ay sa wakas nakita niya itong ngumiti at yumakap sa mga estudyante. As usual, pormal itong nakipag-usap sa mga magulang.
“Kung minsan talaga ay nahihiya na ako kay Teacher Yuu,” narinig ni Dawn na sabi ng teacher ng morning class na si Teacher Lyn na kasama nilang kumakain.
“Bakit naman, Teach?” tanong niya. Maliban sa kanya at sa kanyang ate ay kasama nila si Geri samantalang tumutulong sa paglilinis si Gian at ang ibang kalalakihan.
“Eh kasi naman, over-qualified siya para maging teacher ng school na ‘to.”
“Over-qualified?” paniniyak ni Geri.
Tumango si Teacher Lyn saka tumingin sa direksiyon ni Yuu. “Hindi niya masyadong pinagsasabi pero ang totoo niyan, tapos na siya ng doctorate degree.” Literal na napanganga siya at ang mga kasama niya. “Matapos niyang mag-graduate ng education degree ay nag-aral siya agad ng masters and after two years ay natapos niya iyon saka nag-proceed ng doctoral. Last year niya lang natapos ang doctorate niya at akala ko hihinto na siya sa pagtuturo rito pero nakiusap siya na bigyan siya ng slot sa kindergarten at ayos lang daw kahit hindi taasan ang sweldo. Kaya nga ako nahihiya eh.”
“May iba naman siguro siyang trabaho maliban dito. Hindi ko ma-imagine na ito lang ang trabahong bumubuhay sa kanya since sabi mo nga ay nag-aral siya ng sunod-sunod,” sabi ni Danica. “Pwera na lang kung suportado pa rin siya ng family niya. They’re well-off, y’know.”
“Ang alam ko nagtuturo siya sa isang university tuwing morning at weekends.”
“Ang galing naman pala niya pero bakit nananatili siya rito?” tanong ni Geri.
“Ang alam ko ay estudyante siya ng yumaong principal noon. Hindi ko alam kung ano ang totoong kwento pero talagang dedicated si Teacher Yuu sa pagtuturo. Kahit medyo hindi siya palangiti sa mga parent ay walang duda na mahal na mahal niya ng mga bata at gusto rin siya ng mga ito,” nakangiting sabi ng guro.
Maliban sa pagiging unsociable sa mga magulang ay wala siyang ibang makitang pangit kay Yuu at hindi na siya gaanong naiirita rito dahil alam na niya kahit papaano na hindi ito masamang tao at sadyang nagsasabi lang ng totoo.
Nang umuwi sila ay agad na pinakain ni Knight ang alagang isda. Kinagabihan ay sabay silang nanood ng TV ng bata at habang commercial ay itinuro ng pamangkin ang isang lalaki na nasa commercial.
“Auntie, kapatid siya ni Teacher Yuu,” sabi ni Knight patungkol sa gwapong lalaki na nasa commercial ng sikat na shampoo.
“Totoo?” nagulat siya siyempre. Hindi na siya gaanong updated sa mga bagong artista o modelo kaya ‘di niya kilala ang lalaki sa screen pero walang duda na gwapo iyon at charming.
Tumango si Knight. “Minsan ay dumalaw siya sa school at nakita kong kausap ni Teacher. Tinanong ko si Teacher kung sino at sabi niya kapatid daw niya.”
“Oh yeah,” sang-ayon naman ng Ate Danica niya na nakikinood din pala. “Tama. ‘Yon ang bunso sa mga Rosales. Mas bata ‘yon sa’yo ng ilang taon, Dawn. Bata pa lang ay model na ‘yon at pumasok nga sa showbiz,” dagdag ng kapatid.
“’Yong kuya niya ay doktor tapos ang bunso niyang kapatid ay model at artista pa,” namamangha niyang sabi. “At siya naman ay teacher at doctor of education. Ang galing! Pamilya yata sila ng mga achiever.”
“Ang ama nila ay doctor din samantalang ang ina nila ay dating sikat na modelo at hanggang ngayon ay active pa rin yata sa fashion industry.”
“Mukhang gusto niya nga talaga ang pagtuturo dahil nagpapaka-low profile siya.”
“Teacher Yuu loves us,” singit ni Knight.
“Wala akong duda roon. Wala nga yatang ibang mahal ‘yon kundi kayo lang,” aniya saka natigilan nang maisip kung meron bang lovelife ang seryosong teacher. “Knight, may nakita ka bang babae na nagpunta sa school ninyo at kasama ng teacher niyo?” usisa niya sa pamangkin na agad umiling. Tumawa naman ang ate niya.
“Bakit ‘di na lang si Eugenio ang tanungin mo?” natatawang tanong ni Danica.
“Ayoko nga. Baka mag-isip pa ‘yon ng kakaiba. Curious lang ako kung may panahon pa ba ang isang ‘yon na manligaw o magka-lovelife o kung may babaeng magkakagusto sa bugnutin na ‘yon,” aniya.
“Kung ‘di mo naitatanong, kahit bugnutin at mukhang suplado si Yuu, marami akong mga kaklase noon na nagka-crush sa kanya at ang iba pa ay nagkalakas-loob na magpadala ng love letter at meron pang taga-ibang section na nag-confess,” kwento ni Danica.
“Weh? Gano’n siya kasikat sa mga babae?”
Tumango ang ate niya. “Karamihan sa mga babae ay gusto ang mga lalaking mysterious at may pagka-suplado, thinking na kung mapapa-ibig nila ang lalaki ay magbabago ‘yon para sa kanila. Spoilert alert, bihira lang ‘yong mangyari sa totoong buhay. Kaya nga dumadami ang kaso ng domestic violence dahil sa ideya na ‘yon; na kayang baguhin ng isang tao ang iba kung pag-ibig ang dahilan. Change must come from within and it is only possible with the determination of the person added by the support of the people around him. Without those two, change is impossible,” paliwanag ng ate niya na lumabas na naman ang pagka-counsellor. “Balik tayo kay Eugenio. Tinatanggap niya ang mga love letter at nakikinig siya sa mga confession at kung iniisip mo na binabastos niya ang mga babaeng nagpakita ng pagkagusto sa kanya, hindi ‘yon kailanman nangyari dahil kahit gano’n ang taong iyon, hindi niya kayang mambastos ng feelings. He usually declined confessions in a gentle way, kaiba sa ugali niyang harsh magsabi ng totoo. When a person is honest to him, he tries his best to be honest too, without hurting the feelings of the person.”
“Decline? Ano ang sinasabi niyang dahilan?”
“Na focus siya sa pag-aaral at wala pa sa isip niya ang relationship. Kung ikaw na babae ang makikinig sa mga sinabi niya, hindi ka talaga magagalit dahil una sa lahat, nagustuhan mo siya dahil honest siya at hahangaan mo siyang lalo dahil seryoso siya sa pag-aaral. At kapag sinabi niyang focus siya sa pag-aaral, totoo ‘yon dahil ni minsan, walang nakakita sa kanya na may girlfriend. Ang buhay niya sa school ay classroom at library lang o ‘di kaya ay ‘yong mga lugar na related sa school.”
“Ang talino pala niya kung gano’n.”
“Wala kami sa pilot section, Dawn. I can describe him as an average person. Hindi siya ubod ng talino pero nakakapasa siya dahil nagsusumikap siyang mag-aral. Ang masasabi kong sobrang matalino ay si Yuri, ang kuya niya na ngayon ay doktor na. Naging school valedictorian ‘yon sa batch niya and that’s one against more than two hundred other students.”
“At si Yuu?”
“He graduated just like the majority of us. Kaya nga siguro…” biglang parang lumungkot ang itsura ng ate niya bago ngumiti ulit at tumabi ng upo sa anak na si Knight. “Anuman ang achievements ni Eugene ngayon, pinaghirapan niya iyon at kahit noon pa, alam kong magaling siya at hindi niya ‘yon kailangang patunayan.”
“Ate, may gusto ka rin ba noon kay Teacher Yuu?” usisa niya.
Tumawa si Danica saka umiling. “Ang tingin ko sa kanya at maging hanggang ngayon ay parang kapatid. Mas bata naman kasi siya sa akin ng isang taon kahit magkaklase kami noon. Humahanga ako sa determinasyon niya at pagiging masikap,” sagot nito saka tumingin sa anak. “Knight, magaling ba si Teacher Yuu na teacher?”
Mabilis pa sa kidlat ang naging pagtango ng bata. “Opo! Super!”
“Kung magkakagusto si Auntie Dawn kay Teacher Yuu, ayos lang sa’yo?”
“Oy! Bakit ako nasali diyan?” reklamo niya. Tumingin si Knight sa kanya. “O, bakit?”
“May gusto ka kay Teacher, Auntie?”
“Oy, wala ah! Ate naman, kung anu-ano ang sinasabi!”
“Pero hindi kayo bagay ni Teacher.”
“Ano?” nainis siya. “At bakit?”
“Hindi ka gano’n kaganda.”
“Pamangkin ba kita o ano?” reklamo niya saka kiniliti ang tagiliran ni Knight. “Hindi pala ako gano’n kaganda ah. Makikita mo ngayon kung sino ang maganda,” aniya habang patuloy na kinikiliti ang pamangkin na tawa nang tawa at halatang pinag-tripan siya.
DAHIL day-off ng ate niya ay may magbabantay sa pamangkin niya ng araw na iyon at nagkaroon ng panahon si Dawn na gumala sa mall. Matagal na noong huli siyang makagalang mag-isa at na-miss niya ang pagkakaroon ng ‘me time’. Hindi rin naman niya mayaya si Geri at Gian dahil family time ng mga ito ang araw na ‘yon kaya wala siyang choice kundi mamasyal nang mag-isa. Nag-window shopping siya at tumambay sa arcade na tambayan nila ni Knight kapag silang dalawa ng pamangkin ang namamasyal. Nang magutom ay naghanap siya ng pagkain at matapos kumain ay gumala ulit.
Sa paggala ay napadaan siya sa sinehan at tiningnan kung ano ang mga pelikulang pwede niyang panoorin. Matagal na rin siyang hindi nakakanood ng sine kaya bigla siyang nagka-interes na manood sa araw na ‘yon.
Nakatayo siya malapit sa pila nang may tumawag sa kanya.
“Dawn, long time no see.”
Nagulat siya nang makita roon ang ex niya na nakangiti pang lumapit sa kanya.
“Ikaw pala,” matabang niyang sabi.
“Manood kami ng sine ng girlfriend ko,” anito kahit hindi niya tinanong sabay turo sa isang babaeng nakalinya sa ticket booth. Hindi iyon ang babaeng ipinalit nito sa kanya noong maghiwalay sila five years ago. “Manonood ka rin ng sine? Sino ang kasama mo?” tanong nito na tumingin sa paligid at naghahanap ng kasama niya. Kahit hindi na niya mahal ang dating boyfriend ay biglang nanariwa sa isipan niya ang dahilan ng paghihiwalay nila noon. Kahit hindi niya sadyain ay sumama ang kanyang loob. Para bang sinasabi nito sa kanya na hindi pa siya nakaka-move on. “Wala ka bang kasama? Don’t tell me…”
Maiiyak na talaga sana si Dawn nang biglang may umakbay sa kanya. “Ano ang gusto mong panoorin?” tanong ng lalaking nasa tabi niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala ang biglang sumulpot at may dala itong popcorn.
“Yuu?”

BINABASA MO ANG
Fall For Yuu
RomantikaAsar na asar si Dawn sa teacher ng kanyang pamangkin kaya hanggang maaari ay iniiwasan niya ang bugnuting lalaki kapag sinusundo niya ang bata mula sa school. Para sa kanya ay may attitude ang guro dahil maliban sa mga estudyante ay wala na itong ib...