MATAPOS matanggap ang tawag mula sa kanyang ate ay hindi na bumuti ang mood niya after lunch. Napansin iyon ng mga kasamahan niya kaya hindi siya kinulit ng mga ito. Kahit si Gian na madalas nangungulit ay mukhang napansin na ayaw niyang magpa-istorbo. It’s not that she’s totally busy; it’s just that she’s annoyed.
It’s been two weeks mula ng huli niyang sunduin ang pamangkin sa school nito at mula ng magdeklara ng ‘cold war’ ang bugnutin nitong teacher laban sa kanya. Gigyerahin na sana niya ang Yuu na iyon noon kung hindi lang nangulit na umuwi si Knight. Kanina habang nanananghalian ay tinawagan siya ng kanyang Ate upang makiusap na sunduin ang anak nito mamaya at naipaalam na raw nito sa teacher na siya ang kukuha sa bata. Para siyang sinindihan ng apoy sa sobrang gigil.
“Kalma lang. Kaya mo’to. Think positive,” sabi niya sarili habang nasa harap ng computer. Hanggang sa matapos ang trabaho at magtungo siya sa school ay iyon pa rin ang paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili. Huminga siya nang malalim bago pumasok sa gate ng school. Napaaga ang dating niya kaya naghintay pa siya ng mga sampung minuto.
Bago pa man mag-uwian ang mga bata ay sabay na dumating sina Gian at Geri.
“May problema ka ba? Kanina ka pa sa trabaho ah,” may kasamang pag-aalala na sabi ni Gian. Ayaw niya itong mag-alala pa kaya napilitan siyang ngumiti.
“Period ko,” maikli niyang sagot kahit na nga ba hindi, matigil lang.
Agad na lumapit sa kanya ang pamangkin na si Knight nang mag-uwian na. nagmamadali niyang inayos ang mga gamit nito pero naunahan pa rin siya nina Gian at Geri na agad nagpaalam matapos makuha si Celestine.
“Auntie, nagugutom ako.”
“Ng ano?”
“Ng fried chicken pero ‘wag mo na akong painumin ng carrot juice,” pakiusap nito.
“Oo na pero ngayon lang,” aniya para wala ng maraming satsat at makauwi na sila agad. Ilang metro na ang layo nila mula sa pinto nang biglang sumigaw si Knight.
“Naiwan ko ang favorite pencil ko!”
“Marami ka pa namang pencil.”
“I want that,” pamimilit ng bata kaya napilitan silang bumalik. Konti na lang ang mga bata sa classroom nang pumasok si Knight. Kating-kati na siyang umalis nang lumabas mula sa classroom ang taong ayaw niyang makita. Nagpanggap siyang hindi ito nakikita pero walang kwenta ang pagpapanggap niya dahil lumapit ito sa kanya at may iniabot na papel.
“Ibigay mo ‘yan sa mommy ni Knight. Gawa niya iyan kanina,” walang kaemo-emosyon nitong sabi sa kanya. Tahimik niyang kinuha ang papel at ipinasok sa bag niya. “Kung parati mo siyang titingnan sa ganoong paraan, hindi lang ako ang makakahalata.”
Tinitigan niya ang guro na titig na titig din pala sa kanya. “Ano ba ang sinasabi mo?” uminit na ang ulo niya sa tila panghihimasok nito.
“Kapag narito ka at ang lalaking iyon, madalas kong mapansin na iba ang tingin mo sa kanya. I wonder kung hindi ba niya napapansin ang damdamin mo.”
Kinabahan siya at namawis ang mga palad niya pero wala siyang balak na basta na lang tanggapin ang pamamahiya nito sa kanya. “It’s none of your business, Teacher,” idiniin niya nang husto ang salitang ‘teacher’ upang ipaalala rito na hindi niya ito kaano-ano upang manghimasok ito sa pribado niyang buhay kahit pa nga ba napansin nito ang damdamin niya para kay Gian. Wala itong karapatan na pagsabihan siya sa kung ano ang dapat at hindi niya dapat maramdaman para sa kahit na sino!
“I’m just stating a fact.”
“Mind your own business.”
“In my opinion, hindi maganda na tingnan mo sila nang may inggit.”
“I don’t need your opinion,” matigas pa sa pagmumukha nito ang naging sagot niya. Tiyempong lumabas si Knight mula sa classroom dala-dala ang lapis nitong may Ironman figure sa dulo. Sa inis niya ay kinarga niya si Knight upang mabilis silang makaalis sa lugar na iyon. Masama ang loob niya hindi lang dahil sa napansin ng guro ang kanyang tinitikis na damdamin para kay Gian kundi dahil din sa mga bumubukang sugat sa kanyang dibdib na pilit niyang itinatago at akala niya ay naghilom na.
MAAGANG nakatulog si Knight at hindi na nito nahintay ang pagdating ng mama nito. Nasa sala siya at bukas ang TV pero wala sa palabas ang isip niya kundi nasa mga bagay na ayaw na niya sanang maalala pero dahil sa pakialamerong teacher ay naalala na naman niya.
Napatingin siya sa kalendaryo. Ilang buwan na lang and she will be officially thirty. Single yet not ready to mingle after her last failed relationship five years ago. Matapos ang naging heartbreak, hindi na niya muling isinugal ang puso sa laro ng pag-ibig, kahit kay Gian pa.
“Aba milagro, nanonood ka ng TV,” pambungad na sabi ng ate niya nang dumating mula sa trabaho. “’Di ba ayaw mo sa mga telenobela dahil kakalawangin ang TV natin sa kakaiyak ng mga artista?” panunukso pa nito. Mahilig siya noon sa mga telenobela lalo na ang mga love stories pero matapos ang pangyayari five years ago, nawalan na siya ng interes. Tinigilan na niya ang panonood ng telenobela, romantic films o ang pagbabasa ng romantic novels. Naniniwala pa rin naman siya sa pag-ibig pero mukhang hindi para sa kanya ang bagay na iyon.
“Wala na kasi akong kausap dahil nakatulog na ang anak mo,” sagot ni Dawn habang tinutulungan ang ate niya na i-arrange ang mga pinamili nito. Nagtungo ang ate niya sa kwarto ni Knight at mula sa kanyang kinatatayuan ay naririnig niya ang mag-ina na nag-uusap.
Pakiramdam niya ay isinumpa sila ng Ate Danica niya pagdating sa pag-ibig. Naging single mom ang ate niya matapos humiwalay sa asawang nahuli nitong nakikipaglaro sa ibang ‘team’. Knight’s father, a total loser, was her sister’s first and last man. Mabuti na lang at hindi martir ang ate niya dahil nang malaman nito ang ginawa ng asawang nangaliwa kahit hindi kaliwete, hindi nito ipinagsiksikan ang sarili bagkus ay tuluyang nakipaghiwalay at mag-isang itinaguyod ang nag-iisang anak. Wala pang one year old ang pamangkin niya noon pero matatag na bumangon ang ate niya at nagpatuloy. And yeah, within that year, pareho sila ng ate niya na nawalan ng love life.
Masakit, mahirap, nakaka-frustrate pero hindi sila pwedeng panghinaan ng loob dahil meron silang munting kabalyero na kailangang alagaan at palakihin nang maayos, may takot sa Diyos at may paninindigan. Kahit noon pa man, siya at ang ate na niya ang parating magkasama sa laban ng buhay. Ito ang bumuhay sa kanya nang sunod-sunod na mawalan sila ng mga magulang dahil sa sakit kaya naman ang simpleng hiling nito na sunduin si Knight sa school ay ginagawa niya kahit pa nga ba ayaw niyang makita ang pagmumukha ng teacher na ‘yon.
“Pagod na ang kabalyero. Bukas na raw niya kakainin ang dala kong pizza. Ima-microwave ko na lang,” sabi ng ate niya saka napakunot-noo nang mapansing nakasimangot siya. “Miss Dawn Lazzaraga Cariño, nakakain ka ba ng bulok na ampalaya?”
Umiling siya saka inumpisahang lantakan ang pizza sa harap niya. “Nakakaasar kasi ‘yong teacher ni Knight eh,” hindi na niya natiis ang magreklamo.
“Si Eugenio?” paniniyak nito saka naupo at kumain na rin ng pizza.
“Eugenio pala ang pangalan ng ungas na ‘yon?”
“’Yon ang madalas na tawag namin sa kanya noong highschool. Well actually, Eugene Rosales ang totoo niyang pangalan pero dahil parang matanda siyang magsalita, nakatuwaan namin siyang tawaging Eugenio. Bakit? Ano’ng nangyari?” curious nitong usisa.
“Sabi niya, tigilan ko daw ang mainggit sa kapwa ko.”
Nagulat siya nang tumawa ang kapatid niya. “Si Eugene nga ‘yan.”
“Ate, hindi naman kami close pero kung makapagsalita siya eh parang may karapatan siyang pagsabihan ako ng kung anu-ano. Kahit totoo pa ang mga napansin niya, hindi niya dapat iyon sinabi sa akin. Nakakaasar,” patuloy niyang reklamo.
“Nakakaasar o nakakahiya?” tanong ni Danica at biglang naumid ang dila ni Dawn. “Madalas na kinaaasaran ng mga kaklase namin noon si Eugene lalo na ng mga lalaki. Hindi lang dahil sa nagkakagusto kay Eugene ang mga crush nila kundi dahil kapag si Eugene na ang nagsalita, maaasar ka talaga. Punto kung punto magsalita ang isang iyon at walang pakialam kung may masaktan. Pero infairness naman kay Eugene, nagsasabi lang siya ng totoo at madalas, hindi naiintindihan ng iba na concern lang siya.”
“I don’t need his concern,” mataray niyang sabi.
“Siguro kaya ka niya sinabihan ay dahil kailangan mo talaga iyon, ayaw mo lang tanggapin,” panunukso nito sa kanya.
“Kapatid kita kaya sa akin ka kumampi!”
Tumawa na naman ito. “Isang beses ko lang naging kaklase si Eugene noon at hindi ko masasabi na close kami pero kilala ko siya. He’s a good man but very straightforward. Kampante ako na siya ang teacher ni Knight dahil alam ko na mahusay siyang teacher sa mga estudyante niya at kaya siya iniidolo ng anak ko,” nakangiting sabi ni Danica. “Every behavior has meanings so what do you think causes him to tell you his observations?” tanong nito at lumabas na naman ang pagiging social worker slash counsellor ng kapatid niya.
“Because pakialamero lang talaga siya?”
“C’mon, be creative naman sa theory mo,” panghihimok pa nito.
Naitirik niya ang mga mata. “Wala akong maisip na dahilan, Ate!”
“Ako, meron,” sabi nito na may makahulugang ngiti sa mga labi.
“Ano?”
“Never mind. Baka ako naman ang bansagan mong pakialamera.”
“Ate!”
WEEKEND iyon pero dahil may agarang lakad ang kapatid na work-related ay siya ang kasa-kasama ng pamangkin sa pamamasyal sa park. Madalas na weekend ang bonding ng mag-ina pero dahil sa trabaho ay na-cancel sa weekend na iyon. Sa kabila ng kabataan ni Knight, never niyang narinig ang pamangkin na magreklamo o umiyak kapag may lakad na hindi natutuloy. Para bang ito pa ang umiintindi sa mga nakakatanda rito.
“Auntie, look!” Knight happily exclaimed as he waved a small frog at her. Napasigaw siya sa takot at pandidiri sa nilalang na hawak ng pamangkin niya.
“Put it down! Release it!” sigaw niya. Gusto niyang alisin sa kamay ng pamangkin ang palaka pero nandidiri siya sa mukha no’n.
“Pwedeng pet ito.”
“No, no, no, no, no! Pakawalan mo ‘yan at ibalik kay Mother Nature.”
“Bakit alam mo ang pangalan ng mother niya, Auntie? May kilala kang palaka?” takang-taka na sabi ni Knight saka tinitigan ang hawak na hayop.
“What?” napatanga siya.
“Pakawalan mo na siya, Knight. Hinahanap na siguro siya ng mommy niya,” sabad ng isang pamilyar na boses at nang lumingon siya ay nakita niya ang lalaking ayaw niyang makita. Pinaglalaruan ba siya ng tadhana? Bakit parang kahit saan siya magpunta ay naroon ito?
“Si Mother Nature?” inosenteng tanong ng bata.
“Well, yes,” sagot ng guro at tuluyan na ngang pinakawalan ni Knight ang kawawang palaka. “May mga hayop na pwedeng gawing pet, meron ding hindi at dapat tinitingnan lang.”
“Opo, Teacher,” magalang na sagot ng bata.
Nilapitan ni Dawn ang pamangkin at agad na pinunasan ng wet wipes ang kamay nito. Matapos maglinis ng mga kamay ay sinabi ni Knight na maglalaro ito pero ‘di niya agad pinayagan kung hindi ito mangangako na hindi na mamumulot ng palaka.
“Nakagawa ka na ba ng paraan para maagaw ang kaibigan mo mula doon sa girlfriend niya?” tanong ng guro na agad na nakapagpakulo ng kanyang dugo.
“Bakit ko naman iyon gagawin? Hindi maitim ang budhi ko gaya ng iniisip mo,” galit niyang sabi sa lalaking hindi niya malaman kung ano ang iniisip dahil sa pagiging poker face.
Namulsa ito. “So ayos lang sa’yo ‘yong tinatawag nilang unrequited love?” tanong nito na hindi niya malaman kung nang-aasar o nagsasabi lang ng trivia.
“Bakit ba napakapakialamero mo? Hindi ko naman pinapakialaman ang buhay mo? At sa tingin mo kapag sinabi ko sa kanya na gusto ko siya eh magkakagusto rin siya agad sa akin at okay na ang lahat? Ano ‘to? Larong pambata?” inis na inis niyang bwelta pero sa loob ng kanyang puso ay masakit na talaga. Parati na lang ipinapaalala ng taong ito ang mga nagawa niyang mali noon kaya siya bitter observer ngayon. “The last time na naging over affectionate ako at ipinagpilitan ko ang sarili ko sa isang tao, nasakal lang siya at iniwan ako. Wala akong pakialam kung nagsasawa ka ng makita ako na naiinggit sa kaligayahan ng iba. Mind your own business, Mr. Eugene Rosales,” mariin niyang utos dito.
Hindi umimik ang lalaki pero napansin niyang nagulat ito. At least nalaman niyang hindi lang pala poker at annoying face ang kaya ng pagmumukha nito.
Biglang humupa ang galit niya nang mapansing umaambon. Agad niyang kinuha ang kanyang payong sa loob ng bag saka walang salitang umalis upang hanapin ang pamangkin. Ni hindi siya lumingon ulit kaya hindi na napansin ang lungkot na rumehistro sa mukha ng guro.
“KNIGHT, kain na.”
Naiinis pa rin siya sa teacher ng pamangkin kaya ibinuhos niya sa pagluluto lahat ng inis niya sa lalaki. Nailabas niya tuloy dito ang mga hinanakit na tinatago-tago niya lang. Naulanan pa sila kanina kaya lalo siyang nainis.
“Knight, halika na. Nangako ang mama mo na magdadala siya ng ice cream pag-uwi niya,” tawag niya sa pamangkin na nasa sala pero wala siyang nakuhang sagot kaya pinuntahan na niya ito. Inabutan niya si Knight na natutulog sa sofa. Aakalain na niya sanang napagod ito sa kakalaro kanina pero kinutuban siya ng masama nang mapansing para itong nahihirapan kaya dinama niya ang leeg nito at bigla siyang kinabahan sa taas ng lagnat ng bata.
Tinawagan niya ang ate niya upang sabihin dito ang nangyari pero hindi niya ito makontak. Hindi sakitin si Knight kaya hindi niya alam ang gagawin. Wala na siyang maisip na gagawin kaya kinuha niya ang bag niyang may lamang pera at jacket para kay Knight. Nagmamadali niyang binuhat ang pamangkin upang dalhin ito sa ospital. Sobra ang kaba sa kanyang dibdib at kung anu-ano ng masasamang bagay ang pumasok sa isip niya habang karga-karga ang pamangkin palabas ng kanilang bahay. Ang kotse nila ay dala ng kanyang ate kaya kailangan pa niyang pumara ng taxi pagkalabas niya ng subdivision. Wala rin siyang kilalang paediatrician kaya ospital na lang talaga ang naisip niyang takbuhan.
Nasa labas na siya ng subdivision at naghihintay ng taxi nang biglang may huminto na kotseng kulay grey sa harap niya. Nang lumabas ang nagmamaneho ng kotse na gaya niya ay nagulat din, hindi na siya nag-atubili pa. Aanhin niya ang kanyang pride kung ang pamangkin niya ang nasa panganib?
Luhaan siyang lumapit sa lalaki. “Tulungan mo si Knight.”

BINABASA MO ANG
Fall For Yuu
Roman d'amourAsar na asar si Dawn sa teacher ng kanyang pamangkin kaya hanggang maaari ay iniiwasan niya ang bugnuting lalaki kapag sinusundo niya ang bata mula sa school. Para sa kanya ay may attitude ang guro dahil maliban sa mga estudyante ay wala na itong ib...