Klasikal - 10. SPOLARIUM by Eraserheads (Kanta)

265 6 3
                                    

Problemado si Yohan sa kanyang darating na art exhibit na idaraos sa Museo de Taal. May isa pang kulang sa kanyang obra na hanggang ngayo’y hindi pa rin niya masimulan. Palagi siyang tinatanggihan ng mga kakilala niya ‘pag sinasabi niyang ‘nude painting’ ang kanyang gagawin. Nahihirapan siyang humanap ng magmomodelo para sa kanya. Kinapos na siya sa oras. Isang buwan na lang ang natitira para matapos niya ang kanyang panghuling obra.

Isa na lang ang naiisip niyang paraan na solusyon sa problema niya – ang matalik niyang kaibigan na si Joey. Isa itong retradista. Marami itong kilalang modelo dahil sa trabaho nitong pagkuha ng iba’t ibang larawan. Maaari siyang matulungan nito sa paghahanap ng magmomodelo para sa kanya. Kaya naman nang magkita sila’y agad niyang sinabi ang kanyang pakay. Ngunit agad siyang tinanggihan nito nang malaman ang kanyang ipipinta.

“Pambihira naman! Ngayon na nga lang ako humingi ng tulong sa ‘yo, tinanggihan mo pa ‘ko. Samantalang noong magkaklase pa tayo, lagi kitang pinapakopya. Hindi naman kita tinatanggihan noon. Ilang taon nga tayong magkaklase? Sampu? Tapos hindi mo pa ako mapagbigayan!” hinanakit niya sa kaibigan.

“Sabi ko nga, ihahanap na kita ng modelo mo. Gagong ‘to! Kinonsensiya pa ‘ko!”

---

Ilang araw na rin ang lumipas simula nang huli nilang pag-uusap ng kaibigan ngunit wala pa ring balita rito. Tinakasan na siguro siya nito. Nawawalan na talaga siya ng pag-asa. Hindi niya matutukan ang bago niyang ipinipinta dahil sa okupado ang kanyang pag-iisip.

Hanggang sa lumipas ang isang linggo, akala niya’y hindi na siya sisiputin ng kaibigan. Dumating ito isang araw sa kanyang tinitirahan kasama ang magiging modelo niya. Ang laki pa ng pagkakangisi ni Joey nang makita siya, na para bang ipinagmamalaki nitong solb na ang kanilang problema.

Napakunot naman ang noo niya nang matitigang mabuti ang sinasabi nitong modelo. Nakasuot ng maluwang na pantalon, parang pandalawahang tao ang magsusuot ng pang-itaas nito, naka-rubber shoes at nakapang-jeje pang sumbrero. Sa isip-isip niya, ito ang magmomodelo sa akin?

Hinila niya palayo si Joey sa babae at pasimpleng tumalikod para bulungan ito. Aniya’y hindi naman iyon mukhang modelo. Tinatanggihan daw ito ng mga kakilalang modelo dahil takaw oras lang daw.

“Babayaran ko naman ‘yung oras na gugulin sa pagmomodelo. Ayaw pa nila?” giit niya.

Napakamot na lang sa ulo ang kaibigan. “Ayaw nga, e!”

“Pero bakit naman iyan? Nahila mo lang yata ‘yan sa may tapat ng bahay ko,” reklamo niya.

“Yabang mo, ah!” singit noong babae sa kanilang usapan. Gulat na napaharap sila rito. “Pasalamat ka nga’t hindi ko tinanggihan ang alok nitong kaibigan mo,” maangas nitong sabi.

“Paano mong tatanggihan Felicity e, kusa—” Napatigil sa pagsasalita si Joey dahil agad siyang pinandilatan ng mga mata ni Felicity. “Ah! Ang ibig kong sabihin ay oo nga naman, ‘tol! Pasalamat ka’t may nakuha pa ‘ko,” pagbabago nito.

“Kukuha ka na rin lang, ‘yong tambay pa sa tapat ng bahay ko,” aniya.

Royal Rumble Season Two: Round Three EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon