MAKAPANGYARIHAN ang pag-ibig. Wala itong kinikilalang limitasyon tulad ng estado sa lipunan, edad, kasarian, at pagkakaiba ng mga pananaw.
"Pakisabi sa nanay mo na salamat dito," sabi ni Jose kay Nene. Samantalang ang dalagita naman ay lihim na kinikilig habang pinagmamasdan ang kaniyang kras. Walang kupas ang kakisigan nito. At mas lalo pa itong gumaguwapo sa kaniyang paningin habang tumatagal.
"Sasabihin ko," tugon ni Nene na pilit ikinukubli ang nararamdamang kilig. "Siguradong matutuwa iyon. Kuya Jose, paborito mo na ngayon ang biko?" Hindi kasi nito gusto ang mga kakanin noon. Ngunit kung paborito nga nito ang biko, magpapaturo siya sa kaniyang nanay kung papaano magluto nito at ipagluluto niya ang lalaki kahit araw-araw, hanggang sa mapurga ito sa biko. Napangiti siya sa naisip.
"Hindi. Paborito ni Misis."
Sa narinig ay biglaang naglaho ang kislap sa mga mata ni Nene.
Oo nga pala... May asawa na ito.
May kung anong tumarak sa kaniyang dibdib na naging dahilan para maglawa ang kaniyang mga mata. Nag-iwas siya ng tingin, baka kasi makita ni Jose. Baka magtaka ito at malaman nitong hanggang ngayon, ang pangalan pa rin nito ang nakaukit sa kaniyang puso.
Limang taon din itong namirmihan sa ibang bayan. Ngayon lang ito bumalik kasama ng asawa nito. Baka mag-alala si Jose kapag nalaman nito ang damdamin niya para rito. Mas masaklap, baka iwasan siya nito. Saka na lang pinakawalan ni Nene ang bigat ng kaniyang loob, pagdating niya sa kaniyang silid. Tahimik siyang napaluha habang titig na titig sa larawan ng lalaki.
"Bakit ba kasi nahuli akong ipinanganak ng sampung taon? Kung... kung magkasing-edad lang sana tayo, baka ako ang kasama mo ngayon at hindi ang babaeng iyon," himutok niya na may kasamang paghikbi.
Kababata niya si Jose. Mabait ito at matalino, kaya hindi nakapagtatakang umibig siya sa lalaki. Naiparamdam sa kaniya nito noon ang kalinga, lalo na n'ong mga panahong inaaway siya ng kaniyang mga kalaro dahil lalampa-lampa siya at may pagka-iyakin. Tapos, hindi pa ito nakuntento sa gan'on, nakipaglaro pa ito sa kaniya kahit nasa kolehiyo na ito noon, para lang hindi niya maramdaman na nag-iisa siya dahil ayaw na siyang isali ng ibang mga bata sa laro ng mga ito.
Simula noon, walang araw na hindi niya inasam na sana si Jose na ang lalaking makakatuluyan niya.Ngunit hindi iyon natupad, dahil ikinasal ito sa iba.
"Nene, napansin kong parang matamlay ka nitong mga huling araw," puna ng kaniyang itay na si Mang Isidro habang nagkakape ito sa isang umaga. "May dinaramdam ka ba?"
"Wala po."
"Siyangapala, dumaan dito ang ating hermana. Pinakiusapan ako na kung maaari raw kukuning Reyna Emperatriz itong ating si Nene sa gaganaping Santacruzan sa susunod na buwan," balita ng nanay ni Nene na inaasikaso ang pagluluto ng sinangag. Nakaramdam ng gutom si Nene. Saka niya lang naalala, hindi pala siya naghapunan kagabi.
"Siyanga? Naku, may dalaga na tayo, Belinda. Dati, plower gir lang itong si Nene, ngayong pang-Reyna Emperatriz na. Ah, kailangan ko na palang umalis at baka mahuli ako sa opisina,” sabi ni Mang Isidro nang makita nito ang oras.
"Hindi ka na mag-a-almusal?" tanong ni Aling Belinda na iniwan ang kaniyang niluluto upang humalik sa pisngi ng kaniyang esposo. Matibay pa rin ang samahan ng mag-asawa at hindi pa rin natitibag ng mahabang panahon ang kanilang pag-iibigan, respeto, at tiwala sa isa't-isa. "Umuwi ka nang maaga, ha."
"Sus! Naglambing na naman ang selosa kong asawa," ngiti ni Mang Isidro.
Nakadama ng inggit si Nene. Sa utak ay isinalarawan niya ang sariling nasa posisyon ng kanyang inay, ipinagluluto ng agahan si Jose at nagbibilin na umuwi ito nang maaga, na 'wag itong magpapalipas ng gutom at ingatan nito ang kalusugan nito habang nagtatrabaho.
![](https://img.wattpad.com/cover/30849229-288-k912523.jpg)