Nat-Nat - 13. SA 'YO by Silent Sanctuary (Kanta)

256 2 3
                                    

Kailan nga ba magiging tama ang mali?

Paano gagawing oo ang sagot na hindi?

Ang damdaming ito'y may mararating ba?

Kung humahadlang ang mga bibig at matang mapanghusga.

 

Mataman niya kong tinitingnan habang binibigkas sa harap ng klase ang tulang kanyang isinulat. Ramdam ko ang pagtagos ng bawat salita sa kaloob-looban ng aking puso. Ramdam kong para sa akin ang mga salitang iyon.

 

Nang matapos siyay agad na bumalik sa kaniyang kinauupuan na nasa may likuran ko. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa aking magkabilang balikat at pinisil ito. Naramdaman ko ang panlalamig ng mga ito ngunit nang nagtagal ay naramdaman ko ang pag-iinit nito na tumatagos sa suot kong uniporme papunta sa aking balat. Biglang bumilis ang tibok ng puso ko kasabay ng pagbagal ng pag-ikot ng mundo.

 

Pilit kong pinakalma ang aking sarili bago ko siya nilingon. "Naks naman, Nat-Nat! Ang galing no'n, a. Inspirado ka ba ngayon?" pagpuri ko sa kanya. Huminga ako nang malalim. "Sino naman ang masuwerteng pinaglalaanan mo no'n?" pagpapanggap ko pa.

 

Kumunot ang noo niya pero agad ding nawala iyon. Ginulo niya ang aking buhok at sinabing, "Alam mo naman kung para kanino 'yon, 'di ba?" Kumindat siya na para bang walang ibang nakakaalam kung para kanino ang tula gayong alam kong kahit paanoy pansin na ng iba iyon.

 

Oo, alam ko kung para kanino iyon. Sinabi niya iyon sa akin - matagal na. Inamin niyang mahal niya ako. Noong una, nag-alangan ako. Hindi dahil sa hindi ko siya gusto at ayaw kong masira ang pagkakaibigan namin kundi alam ko sa sarili kong mali ito. Hindi niya ako dapat mahalin nang higit pa sa isang kaibigan - nang higit pa sa isang matalik na kaibigan. At ganoon din ako. Kahit saang anggulo man tingnan, hindi namin iyon dapat maramdaman.

 

Madalas kaming magkasama ni Nat-Nat. Alam kong naiintindihan iyon ng iba dahil matalik kaming magkaibigan. Pero alam kong iba na ang nakikita nila sa mga ikinikilos namin. Alam kong hindi normal para sa kanila ang mga iyon. Kung titingnan kami ng ibang tao, para kaming dalawang pirasong tsinelas - pareho nga lang kanan. Magkapareho kami sa lahat ng bagay, pero kailanmay hinding-hindi kami puwedeng maging magkapareha. Mahalin man namin ang isat isa, hindi rin maiintindihan ng mga tao ang aming nararamdaman.

 

Inaamin ko, masaya ako sa t'wing magkasama kami. Pakiramdam ko, ligtas ako sa t'wing nakakulong ang kamay ko sa palad niya. Pakiramdam ko, ako na ang pinakamas'werteng babae sa buong mundo kapag dumadampi ang mga labi niya sa noo ko, sa bunbunan ko at sa pisngi ko. Hindi ko maipagkakailang naramdaman ko ang hindi ko dapat maramdaman. Mahal ko na siya.

 

Pero hindi ko iyon ipinakita sa kaniya. Hindi ko ipinaramdam sa kaniya. Ayaw ko siyang paasahin sa isang bagay na hindi ko pa kayang isugal. "Nat-Nat naman, e. H'wag na lang nating pag-usapan 'yan." Iyon ang lagi kong sagot sa kaniya sa t'wing tinatanong niya ako tungkol sa bagay na iyon.

 

"Oo o hindi lang naman, Eka. Oo o hindi? Para naman alam ko kung may p'wede pa ba akong asahan sa ating dalawa. Pakiusap Sagutin mo lang 'to ngayon tapos hindi na natin 'to pag-uusapan pa kahit kailan. Mahal mo ba ako? May pag-asa ba tayong dalawa? Dapat pa ba nating ipagpatuloy 'to?" pamimilit niya sa akin.

Royal Rumble Season Two: Round Three EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon