Chapter 5

38 8 9
                                    

Klara.

Kinailangan kong magpalit kaagad dahil hindi ako komportable sa damit at sapatos na suot ko. Pero wala akong choice kanina kundi magsuot ng blusa, pencil cut na palda at may kaunting heels na sapatos. Kasama kasi ang attire sa rubrics na ibinigay ni Prof. Dolores para sa presentation.

Napagdesisyunan kong sa CR ng building ng pinanggalingan kong lecture room ako pupunta masakit na rin ang paa ko at hindi ko na kayang lumayo.

Bago ko pa tuluyang buksan ang pinto noon ay hinubad ko na agad ang aking sapatos at binitbit yon papasok sa unang cubicle.

Tahimik sa loob ng CR pero may mga nakapatong na bagsa sa sink at occupied din ang dalawa pang cubicle.

Kakapasok ko pa lang sa unang cubicle nang marinig ko ang magkasunod na pagbukas ng mga pinto ng dalawang cubicle na katabi ng kinaroroonan ko.

At nagsimula silang magsalita na bumalong sa kalooban ng comfort room. Parang sinasadya nilang marinig ko lahat.

“Kung mapuri naman ni Prof. Dolores si Klara, akala mo siya lang ang may ginawa ah!” inis na sabi ng babae nasa labas. Mukhang mag-aayos muna sila doon bago tuluyan lumabas.

“P-pero t-totoo naman yon. Siya ang gumawa ng halos lahat, inaral lang natin yung handouts.”

“Hindi pa din! Kung hindi diretso yung pagsasalita mo kanina at kung hindi namin inaral ni Ping yung handouts e di wala din. Tara na nga!”

Hindi ko akalaing ganito pa ang isusukli niyo sa akin. Malinaw na malinaw pa sa isipan ko kung paanong iniasa niyo sa akin ang lahat at hindi lang ito ang unang pagkakataon.

Pinagbigyan ko kayo at pilit pinakisamahan. Mabuti sana kung hindi ko ito narinig.

Ewan ko pero parang binuhay na kaunti ng pag-uusap na iyon ang kung anumang meron ako na pinilit kong pigilan at itago sa loob ng dalawang taon. Parang umulit lang ang nakaraan.

Napakababaw na pag-uusap na ‘yon para makaramdam ako ng ganito.

Naikuyom ko ang aking kanang kamay ngunit agad ko ding pinakalma ang aking sarili. Kahit tapos na akong magpalit ay hindi agad ako lumabas. Nang maramdaman kong wala na sila ay saka ko binuksan ang pinto at umalis doon. Pilit kong ikinubli ang hindi ko maintindihan na emosyon.

Ngunit hindi ako maaaring magkamali, hindi lang ako ang nakarinig ng lahat.

                                     ***

Nagmadali akong umuwi dahil sa pagod at puyat na rin. Napakatingkad ng sikat ng araw at marami na ang naglalakad sa field. Mabilis kong narating ang gate kung saan may mga nag-aabang na jeep. Bukod ito sa gate na daanan ng mga estudyanteng may kanyang sasakyan.

Malapit lang ang subdivision kung nasaan ang aming apartment pero mas pinili ko na lang sumakay sa jeep para mas madali akong makauwi at mas maagang makpagpahinga.
Kahit anong kontra ko sa aking sarili ay hindi pa rin maalis sa isipan ko ang lahat ng narinig ko. Napakababaw..

Napakababaw na dahilan para manalo ang emosyong pinilit kong labanan sa nakalipas na panahon. Hindi pwedeng dahil don ay masira ako.

“Hello.” sagot ko sa kabilang linya na sa aking ina habang pumapasok ako sa gate ng aming apartment. Muli ko iyong isinara at isinabit ang padlock.

“Nagpadala na ako ng allowance para sa’yo,” matabang niyang sagot sa akin at pagkatapos noon ay kanyang buntong hininga.

‘Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang mangyari ito sa atin, Mommy.’

KLARA ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon