Chapter 26: Chased

20 3 3
                                    

Klara.

"Huy!" Inagaw ko sa kaniya yung plastic cup na puno na ng calamares. "Tama na naman 'to. Baka hindi ko maubos."

"Ate, ito bayad-"

"Tara na bayad na yan," sabi sa'kin ni Onyx. "Ate, salamat!" sabi niya kay Ateng tindera,

Nauna siyang maglakad. Sinundan ko lang siya hanggang sa makarating kami sa isang bakanteng upuan. Sa gitna ng mga upuang nakahilera na pabilog ay isang malaki at makulay na Christmas tree. Marami ang lumalapit doon para mag-picture.

"Akala ko ba ako ang magbabayad?" Sumubo ako ng calamares.

"Oo nga. Ikaw nga," sagot niya.

Sinundan ko kung saang ang tinitingnan niya. Naroon 'yon sa mga batang naglalaro nung maliliit na laruang umiilaw tapos inihahagis sa taas gamit lang goma.

"Eh, ikaw pa rin naman ang nagbayad eh." Iniabot ko sa kaniya 'yung ibabayad ko sana kanina. "Ito ang bayad ko."

"Hindi na kailangan." Tiningnan niya ako saka tinawanan. "Bayad ka na nga."

"Nasaan ang 'bayad na ako' sa ikaw naman ang nagbayad kay Ate." Itinapat ko sa mukha niya yung pera. "Kunin mo na rin 'yung sa pasahe natin kanina."

Hinawi niya nang marahan ang kamay ko. "Itabi mo na sabi 'yan." Tapos inginuso niya yung hawak kong plastic cup. "Tapos kainin mo na ang laman niyan. Masyado nang babad sa suka yan."

Itinago ko na lang sa bulsa ko yung pera at sumandal sa bench. Pinapanood ko lang ang mga taong nagdaraan habang kumakain.

Kasabay ng lamig ng hangin ay ang kasiyahan ng mga tao sa paligid. Parang kumikislap ang mga mata nila kahit simpleng bagay lang ang ginagawa nila. Yung mga bata, tuwang-tuwa sa paglalaro. Tapos yung mga ka-edad namin at ilang matatanda, kontento na sa pakikipag-usap sa mga kasama nila.

"Gusto mong inumin?" tanong ni Onyx sakin. Kinuha niya rin sa kamay ko yung plastic cup na wala nang laman. Hindi lang calamares ang kinain namin.

"Oo." Tumayo ako 'agad. "Ako na ang bibili!" prisinta ko at hindi ko na siya hinintay na sumagot.

Nagmamadali akong tumakbo papunta sa tindahan ng mga palamig na nasa may gate ng simbahan. Kahit dito, marami ring tao ang bumibili. Hindi ko na maalala kung kailan ba yung huling na napagitnaan ako ng ganito karaming tao.

"Ate, dalawang buko juice."

Na-estatwa ako sa dahil sa boses lalaking bumibili sa katabi kong stall. Parang kilala ko 'yon. Sigurado akong siya at yung taong iniwasan ko kanina ay iisa.

Iniharang ko sa mukha ko ang buhok ko bago ako sumilip nang palihim sa kaniya. Napakagat ako sa labi ko nang makita kong tama nga ang hinala ko.

"Itong sukli mo."

Pagka-abot ko sa sukli ay dali-dali akong tumalikod at hinarangan ko ng isa kong kamay ang mukha ko. Mahirap na. Baka makita niya ako.

Hinihingal akong naupo sa inuupuan namin tapos iniabot ko kay Onyx yung inumin niya. Humigop ako sa straw habang tinitingnan ang lugar kung saan naroon si Trail kanina. Wala na siya doon.

"Hingal na hingal ka ah?" sabi niya. "May karera ba do'n?" dagdag niya saka tumawang bahagya.

"Hindi, wala," seryoso ako sa sagot ko. Hindi ko alam kung bakit bigla akong kinabahan. "Naisip ko lang na baka nauuhaw ka na kaya nagmadali na ako."

Tumawa ulit siya. "Kayang-kaya ko 'yon hintayin nang ga'no katagal basta galing sa'yo."

Nginiwian ko siya. "Ngek. Ang korni mo."

KLARA ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon