b. Hangnails

23 5 0
                                    

Pinapahirapan ko lang sarili ko. Dapat ngayon natutulog na ako't pagod akong maghakot ng mga sa sako-sakong patatas, kamote, at gabi. Pero eto ako ngayon, nagtitiis sa malamlam nang lampara, nagsusulat. Dapat hindi ko na lang naisipang magsulat, e. Napapapikit na ako.

Naalala ko, n'ong may internet pa ni-research ko kung ano'ng tawag d'on sa mga nakakairitang nakaangat na mga balat sa paligid ng mga kuko--at nalaman kong "hangnails" ang tawag sa mga 'yon. May hangnail ako ngayon, sa kanang hintuturo--pinilit kong tanggalin kaya nagkasugat na. Pa'no ba naman kasi ang sarap sa pakiramdam na matuklap 'yon, kahit mahapdi at nakakairita. Wala lang, nasabi ko lang.

Ang totoo, 'di ko alam kung ano'ng isusulat ko. Kagabi ko pa iniisip kung ano'ng ilalaman ko sa notebook na 'to. Mabuti siguro kong isulat ko 'yung mga nangyayari, ayon sa naalala ko nga lang kaso baka maraming mali kasi medyo matagal na rin simula nang pumasok sa apocalypse 'tong buong mundo. Kaso boring 'yon! Kung dahil sana sa fungal o viral infection kaya tayo narito sa apocalypse, medyo mas magiging excting mabuhay ngayon kasi may mga zombie na lalabas. Kaso, wala e. Sumabog lang 'yung mga nuclear bomb in an instant, ta's nasira na lahat ng natutuhang pagkatiwalaan ng tao. Sira na rin 'yung internet. Wala nang mga memes at patamaan ng mga government officials sa socmed.

Kung sasabihin ko naman 'yung kasalukuyan kong ginagawa... Wala, boring din. Wala namang pagbabago sa buhay ko--bukod sa naisipan kong umpisahan 'tong journal na 'to. Wala rin akong magagawa sa hinaharap--speculative lang ang mga lumalabas sa utak ko, lalo na't......

Tsk, nalimutan ko 'yung isusulat ko. Napapikit ako habang nagsusulat e. Lumipad utak ko sa kung saan, itinapon 'yung gusto kong isulat palayo, iniligaw sa mga dawag ng kaisipan ko.

Pero, siguro sinusubukan ko lang kung marunong pa ba akong magsulat, kung naaalala ko pa. Nakapagtapos naman ako ng educ kaya malamang naaalala ko pa. Kaso ilang taon na rin kasing nakatuon ako sa pagtulong sa shelter na 'to; nawalan na ng pakinabang 'yung mga pinag-aralan ko at ipinasa kong lisensya. Maski man lang sana pagsusulat at pagbabasa e mapanatili ko.

Haay, inaantok na ako. Masakit na rin 'yung sugat ko sa hintuturo (gawa nga ng hangnail ko, sa pagkutkot ko d'on). Bukas na lang ulit.

Siguro nagsusulat ako para magkaroon ng kaunti pang spice 'tong buhay ko sa ilalim ng lupa. Kailangan kaya kami babalik sa ibabaw?

Seryosong UsapanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon