Mayo 24,2022

32 2 0
                                    

Napakahaba ng labing-dalawang araw simula ng mapailalim ang Pilipinas sa Oriens. Para sa akin, tila isang daang taon na ang lumipas. Ang Pilipinas ngayon ay pinamumunuan ng heneral ng Peoples Legion of Oriens, katulong si Rigor, ang dating pangulo ng Pilipinas na ngayon naman ay naging pinuno at tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines. Si Metal na dati ring politiko ay naging kanang kamay ni Rigor.

May mga pwersang nabuo at palihim na lumalaban ngunit nagtatago sa mga liblib na lugar. Mayroon ding mga grupong nakikipagpulong sa Peoples Legion sa mapayapang pamamaraan. Subalit hindi na sila nakakalabas pa sa opisina ng heneral. Ang iba ay balitang ipinadala sa Oriens kung saan sila ikinulong, pinahirapan at kung ano pa man ang ginawa sa kanila ay mga Oriensi na lang ang nakakaalam.

Mayron din namang mas piniling magtago o manahimik kaysa sa lumaban, na sa palagay ko ay hindi rin naman natin masasabing mali lalo na kung nakasasalalay sa pananahimik ang buhay ng kanilang mga mahal sa buhay. Ito yung mga pilit namumuhay sa paraang walang kabuhay-buhay. Bakit ko nasabi ito? Dahil sila yung mga ginawang alipin ng mga Oriensi para magtrabaho sa mga konstrukson at pabrikang animo'y kabute na nagsulputan sa buong Pilipinas. Ito yung mga Pilipinong lalaki at babaeng higit sa edad ng 18 ay pinilit na magtrabaho ng labing-anim na oras sa isang araw, pitong araw sa isang linggo, walang sahod. Pero kahit papaano ay may libreng pagkain na isang takal ng kanin at isang ulam. At dahil ang Oriens ay isang ateista na bansa, hindi pansin ang araw ng Linggo.

Kasama ako sa bilang ng mga Pilipinong napunta sa ganitong sitwasyon. Napilitan akong magtrabaho sa konstruksyon na nagtatayo ng mas marami pang pabrika.

Aaminin ko, kasama ako sa iba pang mga Pilipino na sumisira ng ang mga tahanan ng ating mga kababayan upang makapagtayo lamang ng isang hanay ng mga pabrika. Sa bawat pagtibag ng dingding o paglaglag ng bubong ng isang bahay, kasabay ang pagsikip ng aking dibdib at pagpatak ng aking luha. Pakiramdam ko, mga kapwa ko Pilipino ang tinatamaan ng masong hawak ko.

Nais naming maghimagsik pero paano? Nais naming manawagan ng tulong pero kanino? Hindi namin maaaring gamitin ang aming mga telepono. Ang lahat ng aming mga telepono ay gawa sa Oriens. Mula nang tumaas ang paggamit ng Tiktok, samu't saring face apps at pumasok ang DOON Telecom, ang bagong telecom network ng Oriens, nitong nakaraang dalawang taon lamang, lahat ay napasailalim sa mata ng Oriens. Walang sikreto sa kanila. Akala mo ay aninong nakadikit sayo kahit saan ka magpunta. Alam ang bawat galaw mo. Wala kang maitatago.

Ang mga Pilipinong sundalo naman ay may dalawang pagpipilian: lumaban o manatiling sundalo ngunit sa ilalim ng Peoples Legion of Oriens. At hindi ko talaga masisisi ang mga sundalong piniling maging parte ng Peoples Legion of Oriens. Dahil kung sila ay lalaban, isa lang ang siguradong patutunguhan, kamatayan.

GISINGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon