Mission 7

208 22 1
                                    

"Ang iyong Ama ay isang Alcalde sa ating bayan. Kinailangan lang nating pumunta dito sa Maynila dahil naimbitahan tayo ng Gobernador-Heneral sa kaniyang kaarawan. Ngunit dahil nga bigla kang nawala ay hindi tayo nakadalo. Balak na rin sana naming ikaw ay ipakilala sa mga mamamayan ng Narvaez, nung isang araw ngunit hindi tayo makauwi dahil sa iyong pagkawala." mahabang litanya ni Donya Catalina. Ikinukwento nya sa akin kung anong estado ng buhay ng pamilya namin, dahil talagang naniniwala syang nawalan ako ng alaala.

Nakasakay kami sa isang magarang kalesa ngayon. Katabi ko si Donya Catalina, at nasa harapan naman namin si Zabel, na tahimik lang na nakikinig sa usapan namin. Nasa ibang kalesa naman si Don Facundo at si Josh. I wonder kung anong pinaguusapan nila. Siguro puro kalokohan lang yun, pareho silang maloko eh.

Patungo kami ngayon sa daungan ng barko, dahil maya-maya lang ay maglalayag na 'yon.

"Ahm, hindi po ba ako kilala ng mamamayan ng Narvaez bilang anak ng Alcalde?" tanong ko. Nakakapagtaka kasi, bakit kailangan pa nila akong ipakilala? Hindi ba kilala si Celestina bilang anak ng Alcalde ng Narvaez?

"Hindi anak, kailangan naming ilihim ang iyong pagkatao. Sapagkat, noong ika'y nasa sinapupunan ko pa lamang ay may nagtatangka na sa iyong buhay." malumanay na paliwanag niya. Sino naman ang magtatangka sa buhay ni Celestina? Eh, nasa sinapupunan pa lang naman sya nun ah, gaman namang gumawa siya ng kasalanan ng hindi pa isinisilang diba?

"Bakit po may nagtatangka sa buhay ni Celestina——este ko pala? Eh, wala naman po akong ginagawang masama nung nasa tiyan pa lang ninyo ako ah." mahinhing napatawa naman si Donya Catalina sa huli kong sinabi, at bahagya pang napailing.

"Katulad ka talaga ng Ama mo, Celestina. Pareho kayong maloko, hahahaha." ako? maloko? di naman ah? baka si Josh! Pero, infairness ah! Ang cute ni Donya Catalinang tumawa. Pinong pino talaga ang bawat galaw niya eh. Bahagya pa kasi syang nagtaklob ng abaniko sa bibig.

"Hindi namin kilala kung sino ang nagtatangka sa buhay mo, ngunit palaging may nagpapadala ng sulat sa'min, na sa oras na ika'y aking isilang ay agad ka nilang papaslangin." malungkot na dagdag niya.

"Ngunit, bakit hanggang ngayon po ay buhay pa ako kung agad nila akong papatayin pagkasilang ko pa lang?" tanong ko naman.

"Dahil ang alam ng lahat ay namatay ka na nang ika'y nasa sinapupunan ko pa lamang. Kaya hindi nila nagawa ang balak nila.  Itinago ka namin sa mamamayan ng Narvaez. Walang nakakaalam ng iyong pagkakakilanlan, maliban sa ating angkan at sa mga tagapagsilbi ng ating pamilya."

"Kung sasabihin nyo po ang totoo sa mamamayan ng Narvaez, hindi po ba kayo nangangamba na baka ituloy nila ang balak nila sa'kin, ngayong malalaman na nila na hindi talaga ako patay? O di kaya nama'y magalit ang mga tao sa inyo at sa pamilya natin, dahil sa ginawa ninyong pagsisinungaling?" napabuntong hininga naman si Donya Catalina.

"Iyan rin ang ikinakabahala ko, anak. Na baka nga ituloy nila ang pagpatay sa iyo, ngunit ngayon ay kampante na ako. Dahil, alam kong mapoprotektahan mo na ang iyong sarili. Hindi namin maaatim na ika'y itago panghabang-buhay, kaya tinuruan kita ng mga maari mong gawing pangdepensa upang maprotektahan mo ang iyong sarili, kung sakali mang may mangyaring masama." nakangiting wika ni Donya Catalina.

Tinuruan nya si Celestina ng mga pang self-defense? As in, si Donya Catalina talaga ang nagturo? Sa kabila pala ng mala-Maria Clarang kilos nya, ay may tinatago pala syang mala-Gabriela Silang na stunts.

"Ikaw po ang nagturo sa akin? Eh, saan nyo naman po natutunan ang pakikipaglaban?" marahang tanong ko. Sinulyapan ko si Zabel, nakita ko syang nakangiti ng malawak habang nakatingin sa akin.

"Oo, anak hahaha. Ang Ama ko ang nagturo sa akin, upang depensahan ang aking sarili pagdating sa pakikipaglaban. Kaya ibinahagi ko na rin sa'yo ang mga nalalaman ko, upang maprotektahan mo rin ang iyong sarili pagdating ng araw. Ang sabi kasi ni Ama, hindi lang mga kalalakihan ang may karapatang matuto ng pagdepensa sa sarili o  pakikipaglaban. Ang pananaw kasi ng mga tao ay kaya ang mga kalalakihan ang nagaaral ng pakikipaglaban, ay upang protektahan ang mga kababaihan. Ngunit, hindi naniniwala sa pananaw na iyong ang aking ama. Ang sabi pa niya ay, hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangang humingi ng tulong ng mga kababaihan sa mga lalaki, para lang maprotektahan, gayong kayang kaya namang pantayan ng mga kababaihan ang galing ng mga lalaki sa pakikipaglaban, para protektahan ang kanilang mga sarili." mahabang litanya ni Donya Catalina.

Secret Agent's Historical MissionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon