MASAMANG PANAGINIP
Mabilis na tumatakbo sa loob ng isang madilim na tunnel ang anim na taong gulang na si Jackie. Sumisigaw at tumitili habang hinahabol ng isang misteryosong mama. Pagod na ang kanyang mga murang binti ngunit hindi siya pwedeng tumigil. Hindi siya dapat maabutan ng lalaki. Nakakita siya ng liwanag sa dulo ng tunnel kung kaya't sa halip na sumuko ay binilisan niya pa ang takbo. Nakalabas siya sa masikip at madilim na lugar subalit nagulantang siya sa bumungad sa kanya. Nakahimlay sa damuhan ang duguang katawan ng kanyang mga magulang, pati na rin ang lalaking naghahabol sa kanya.
Niyugyog niya ang mga magulang. "Mama, papa... gumising kayo."
Pumalahaw siya ng iyak at muli na namang dumilim ang paligid. Nasa loob na naman siya ng isang tunnel. Tumayo siya upang tumakbo ngunit hindi niya na maigalaw ang kanyang mga paa. Muling lumitaw ang hilakbot sa kanyang mukha. May isang binatilyong duguan ang mukhang lumalapit sa kanya habang tinatawag ang kanyang pangalan. Di siya makakilos kung kaya't idinaan niya sa napakalakas na sigaw ang matinding takot.
"AAAAAAHH!"
Napabalikwas ng bangon si Jackie. Nanlalaki ang mga mata. Nangingilid ang mga luha. Butil-butil ang pawis sa noo. Nanghihina siyang tumayo. Napapakapit sa dingding na naglakad palabas ng kuwarto para kumuha ng maiinom. Nanginginig ang mga kamay na binuksan niya lahat ng ilaw. Pagkuway tumungo sa kusina at walang humpay na uminom ng tubig.
Pabalik-balik siyang naglakad sa sala habang pilit nilalabanan ang takot. Kinuha nya ang kanyang telepono at tinawagan si Bella subalit hindi sumasagot ang kaibigan. Matagal na siyang hindi nanaginip nang masama kung kaya't muli na naman siyang nangangamba para sa sarili. Umpisa na naman ba ng gabi-gabing mga bangungot?
Alas diyes pa lamang ng gabi. Matagal na ulit o baka hindi na siya dalawin ng antok. Nag-aatubili na rin siyang bumalik sa higaan baka muli siyang dalawin ng masamang panaginip. Naghahanap siya ng makakausap ngunit wala naman si Bella. Naisipan niya na lamang magpahangin sa labas. Nagsuot siya ng rubber shoes at pinatungan na lamang ng hoodie jacket ang pantulog na T-shirt at sweatpants.
Napagpasyahan niyang umakyat ng rooftop. Batid niyang sa mga ganoong mga mamahaling condominium kadalasa'y may magagandang rooftop. Doon ay bumungad sa kanya ang isang malaking swimming pool na may iba't ibang kulay ng ilaw sa ilalim ng tubig.
Tahimik at walang tao. Dahan-dahan niyang binaybay ang magara at malawak na lugar. Isa-isa niyang hinahaplos ang bawat halamang nadadaanan. Mula sa kinatatayuan ay kitang-kita niya ang halos kabuuan ng New York. Kung gaano kadilim ang nararamdaman niya sa mga sandaling iyon ay siya namang ikinislap ng makukulay na ilaw ng lungsod.
Tumigil siya sa paglalakad at muling inisip ang panaginip. "Hindi na ulit mangyayari ito, hindi na ulit mangyayari ito," paulit-ulit nyang bulong sa sarili.
Umihip ang malamig na hangin at tumama ito sa kanyang mukha. Napapikit siya sabay hinga ng ubod nang lalim. Agad siyang nakaramdam ng kaluwagan sa dibdib.
Nang magsawa sa pagtitig sa tanawin ng lungsod, naisipan niya nang bumalik sa kanyang unit. Pahakbang na sana siya patungong elevator subalit bigla siyang natigilan nang may maulinigang ingay. Nagmumula ito sa gym na matatagpuan sa bandang dulo't kaliwa ng rooftop makalampas ng mahabang swimming pool.
Pinuntahan niya ang gym upang mangusisa. Sumilip muna siya sa nakaawang na pinto. Nang makitang walang tao, saka siya naglakas loob na pumasok. Natuwa siya sa nakitang mga mamahali't makabagong gamit sa pageehersisyo. Regular din siyang nagwowork-out kung kaya't nagagalak siyang malamang may mapupuntahan na siyang mas maayos, mas malapit at mas malaking gym.
Nakarinig ulit siya ng malakas na pagkalabog. Napalingon siya sa isang malaking nakahiwalay na silid na may malalaking bintanang salamin. Lumapit siya at sumilip sa bintana. Isa pala itong basketball court at mayroong dalawang lalaking naglalaro. Matatangkad ang mga lalaki na sa wari nya ay parehong nasa mahigit anim na talampakan ang taas.
YOU ARE READING
'Til I Met You: The Author of My Life
FanfictionJose Marie "Vice" Viceral is currently the hottest NBA player. He became an overnight sensation because of his hypnotizing basketball skill, handsome look, intelligence and classy attitude. He's the perfect description of the word 'charisma'. Despit...