Chapter 5: First Day High

50 14 2
                                    

First day of school laging may kaba
Sino ba naman gustong mag-isa?

Sa sobrang gusto ko kay Pierre n'on, sinundan ko siya sa college. Kahit na nakapasa ako sa mas magandang school, pinili kong mag-enroll sa university kung saan mag-eenroll si Pierre. Maraming taong pumigil sa akin.

"Saan kayo mag-eenroll?" tanong ni Kino sa kanila ni Chona.

"AMU pa rin. Doon lang ako nag-take ng entrance exam eh. Pasado naman ako d'on," sagot ni Chona. "Isa pa, nandun rin kasi si Jerry. Mas maganda kapag doon din ako mag-aaral."

"Ikaw, Tina?"

"Sa AMU din," sagot ko na parehas nilang ikinagulat.

"Huh? Eh 'diba nakapasa ka sa Big Four?" nagtatakang tanong ni Kino.

Mabagal akong tumango kasi pinapakiramdaman ko yung sasabihin nila sa akin. Ayokong mag-explain kasi panigurado mahahalata nila ako agad.

"Sayang 'yon, Tina!" dagdag pa ni Chona.

Napakamot ako sa batok ko. "Ayokong lumuwas. Nakakatakot d'on. Isa pa, ayaw niyo n'on? Makakasama ko pa rin kayo kapag sa AMU ako nag-aral."

Nanliit yung mga mata ni Kino, para bang nalaman niya agad yung totoong dahilan kung bakit sa AMU ko balak mag-enroll. "H'wag kami, Tina. Pare-parehas nating alam na si Pierre ang dahilan kung bakit gusto mo sa AMU mag-aral."

Sinapak ako ni Tina sa balikat ko. "Aray! Ano ba!"

"Hoy! H'wag mong tinatapon ang mga opportunities na binibigay sa'yo dahil lang sa lalaki. Hindi worth it 'yon," sita sa akin ni Chona. "Isa pa, hindi mo naman jowa si Pierre para sundan siya palagi. At kahit jowa mo siya, hindi pa rin dapat siya maging hadlang para maging successful ka!"

Hindi lang sina Kino at Chona ang pumigil sa akin sa binabalak ko. Sinamahan ako ni Ate na mag-process ng mga papeles ko para sa college. "Ayaw mo ba talaga sa PUP? Pwede ka naman mag-dorm d'on kasama ako," alok ni Ate. Doon kasi siya nag-aral for college. Bukod sa Big Four, nakapasa din ako sa PUP. Kung tutuusin, yun talaga ang best option ko kasi makakasama ko naman doon si Ate.

"Ayoko, Ate," sabi ko sa kanya. Hindi naman na siya nagtanong ng dahilan kung bakit ayaw ko sa PUP.

Syempre, para kina Mama at Papa, ang best option ko ay UP. "Anak, sigurado ka na bang sa AMU ka mag-aaral? Sayang yung slot mo sa UP."

Nginitian ko sila parehas. "Wala naman po sa school 'yon, 'di ba? Nasa estudyante naman po 'yun. Isa pa, mas ayos nga 'yon kasi mas makakasama ko kayo!" sabi ko pa sa kanila nang masaya para mas lalo silang makumbinsi.

Bukod sa kanila, pati si Pierre tinanong ako kung sigurado na ako sa desisyon ko. "Bakit sa AMU ka mag-aaral?" tanong niya sa akin.

Dahil sa'yo. "Eh mas gusto ko sa AMU para hindi na mahirap mag-adjust."

"Ano yun? Natatakot ka bang lumuwas?" Natahimik ako. "Bakit ka natatakot?" Hindi ko sinagot lahat ng mga tanong niya kaya iniwanan ko siya doon saka umuwi na lang.

Bakit ba ako natatakot? Ano nga bang ikinatatakot ko? Hindi ko rin alam. Hindi ko sila masagot kasi alam kong wala naman akong sagot dun.

_____

Katulad ng dati naming ginagawa tuwing first day namin ni Pierre, hinihintay niya ako sa harap ng bahay nila at nag-picture ulit suot ang mga bago naming uniform. Pagkatapos n'on ay tinanong niya ako, "Ready?"

Nakangiti akong tumango. Unang araw ng kolehiyo. Huminga ako ng malalim nang makarating kami sa campus. Hinawakan ko ang kamay ni Pierre dahil sobra akong kinakabahan. Bagong building. Bagong schedule. Bagong mga tao. Bagong prof. Bagong environment. Tinignan ko siya nang matagal. Same best friend. Nilawakan ko ang ngiti ko sa kanya. "College na tayo!"

"College na tayo!" pag-uulit niya.

Sabay kaming naglakad papunta sa unang klase namin. "Ano ulit section mo?" tanong niya sa akin.

"1CA2," sagot ko.

"1CA2!" sagot niya sa sarili niyang tanong saka kami nag-apir.

Biniro ko pa siya. "Ikaw na naman! Sawang-sawa na ako sa mukha mo."

"Hoy! Aba, sa mukha kong 'to?" Tinuro niya yung mukha niya saka ginawa ang pogi sign na palagi niyang ginagawa sa mga pictures niya hanggang ngayon. Napakabaduy talaga! "If I know, gwapong gwapo ka dito sa mukhang 'to kaya araw-araw mong gustong makita 'tong mukhang 'to."

Sinapak ko siya sa kahanginan niya. "Ang yabang mo talaga!"

Tumawa siya sa sinabi ko. "Oh, hindi mo dineny!" panggagatong niya na mas ikinaasar ko. Napaawang ang bibig ko sa kanya. Napakayabang talaga!

Dahil first day palang, nagkakahiyaan pa kami ng mga kaklase namin. Ang tanging kinakausap ko lang ay si Pierre. Sa tuwing may hindi kami alam ay si Pierre ang nakikipag-usap.

Syempre, madaling nagkaroon ng kaibigan si Pierre dahil sa pagka-friendly niya. Pinakilala ako ni Pierre sa mga nakakausap niya pero sobrang dalang ko rin magsalita kaya bumabalik sila sa pakikipag-usap kay Pierre. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang panoorin sila kung paano sila mag-usap. Hindi ko talaga alam kung paano nagagawa ni Pierre yung makipagkaibigan agad.

Inaalala ko kung paano ko naging kaibigan sina Kino at Chona noong senior high school kami. Nag-CR si Pierre n'on kaya naiwan akong mag-isa doon sa inuupuan ko. Biglang lumingon sa akin yung nasa harap ko. "Hello! Ako pala si Chona," pagpapakilala nung babae. "Ito naman si Kino." Tinuro niya yung lalaking katabi niya. "Anong pangalan mo?"

"Kristina, pero tawagin niyo na lang akong Tina," pagpapakilala ko sa sarili ko.

Ah oo nga pala. Sila yung unang nag-approach sa akin. Siguro kung hindi ako kinausap ni Chona noon, hindi ko sila magiging kaibigan ngayon. Buti na lang talaga kinausap nila ako. Naging kaibigan din nila si Pierre noon pero hindi lang talaga sila nag-vibe kay Pierre kaya may ibang circle of friends si Pierre bukod sa akin.

Mabilis na natapos yung unang araw namin sa college. Napag-usapan naming tatlo nila Kino at Chona na sumaglit sa KTV na pinupuntahan namin. Last KTV na raw namin yung bago pa kami maging busy ulit sa mga gagawin ngayong college. "Gusto mo bang sumama?" tanong ko kay Pierre. Maiintindihan naman nila kapag sinama ko si Pierre sa hangout naming tatlo.

Umiling si Pierre. "Sasama ako sa dinner nila Matt eh," sagot niya. Si Matt yung bago niyang naging kaibigan sa section namin.

Sakto namang dumating na sina Matt mula doon sa kabilang classroom. May sinundo rin yata siyang kaibigan mula sa kabilang section. Nag-bro hug sina Pierre at Matt. Bro hug? Ewan! Ngayon ko lang nakitang gawin ni Pierre yun eh.

Bukod sa mga kaklase namin sa section, may isang tao lang na hindi ko kilala d'on. Buti na lang pinakilala na agad ni Matt kahit na wala pang nagtatanong kung sino siya. "Guys, this is Amy pala. Kababata ko." Nakipagkamay naman kaming lahat sa kanya.

Mahaba ang buhok. Balingkinitan. Marunong din magbihis para mas lumitaw ang magaganda niyang features. Halata kong marunong din siyang gumamit ng make-up kasi mas na-enhance lang yung mukha niya kahit na very minimal lang yung suot niya.

"Tara?" aya ni Matt sa amin.

Nagsimula silang maglakad. Sinundan ko sila pero napatigil ako nang pagsabihan ako ni Pierre. "Hindi ba doon yung daan sa KTV?" Tinuro niya ang kabilang daan.

"Hindi ka ba sasama sa amin, Tina?" tanong ni Matt sa akin.

"May bonding daw sila nung SHS friends niya eh," sagot ni Pierre para sa akin.

Malimit akong ngumiti sa kanila. "Ah, oo. Pasensya na. Nakalimutan ko yung daan."

"Ganun ba? Sige, enjoy ka, Tina! Sama ka na lang sa susunod," sabi sa akin ni Matt.

"Ah, sige." Pinilit kong ngumiti sa kanya saka kumaway sa kanila. Pinanood kong naglakad palayo si Pierre kasama ng mga bagong kaibigan niya.

Mga bagong kaibigan niya.

Huling Panyo (Karaoke Nights, #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon