Malakas ang paniniwala ni Lia na kapos man siya sa buhay ay biniyayaan naman siya ng Quiapo Church ng umuusbong na career. Tarot cards. Crystal ball. Numerology. Astrology. Palm reading. Face reading. Lahat ng klaseng panghuhula ay kaya niyang gawin. Pinipwesto niya sa gilid ng simbahan ang dalang payong, silya, at tablang nagta-transform into instant mesa. Doon niya hinihintay ang kaniyang susunod na mabobola - este magagabayan tungo sa magandang kapalaran. Buhay na buhay ang Plaza Miranda. Ang mga snatchers, mapagmatyag. Ang mga dumadaan ay alisto. Ang mga sidewalk vendors ay humahapit. Hyper ang mga tao sa paligid, kaya naman spotted agad ni Lia kung sino ang lalapitan para alukin ng kaniyang serbisyo... ang mga tulad ni Macoy. Lumabas si Macoy mula sa simbahan na lugmok sa kawalan ng pagasa. 'Natutulog ba ang Diyos? Wala ba talagang forever?' Yan ang tema ng dasal ng binata sa Poong Nazareno. Hindi siya deboto. Nanghihingi lang ng saklolo. Lia and her tarot cards came to the rescue. Ramdam niya ang good vibes na dala ni Macoy. Kumikitang kabuhayan ang bawat prediction niya sa rich kid na buwenas namang nagkakatotoo. To the highest level din ang namumuong romantic energy na nakikita niya sa aura ng binata. Ayun lang. Kung minsan, lumalabo ring kausap ang kaniyang bolang kristal. Hindi naman pala kay Lia nakatuon ang energy, kundi sa exgf nito at first love na si Jackie. Kaya tuwing titingin ang dalaga sa mga stars, hindi niya maiwasan ang mainis. Bakit ba kasi hindi tugma ang mga zodiac signs nila? Haayy, ang dapat sa kaniya, mag-move on. Pero walang balak si Lia na gawin iyon. Para saan pa? Huli na. Mahal na niya ang mokong, kahit nuknukan ito ng manhid. Kaya sa ngalang ng pag-ibig, harangan man ng swerte, susugal na siya. Makikipagbunong-braso si Lia sa tadhana ni Macoy.