Bolang Kristal

394 12 3
                                    

“Psst! Tabi dyan sa pwesto ko!” Sita ni Lia sa binatilyong nagtitinda ng kandila.

Hindi talaga pwedeng magpabandying-bandying sa Quiapo.

Dalawang araw lang hindi rumaket ang lola ni Lia ay may nagtangka agad umagaw sa teritoryo nito. Naglipana kasi ang mga vendor na gustong pumwesto sa harap ng Quiapo Church. May mga nagtitinda ng sampaguita, rosas at everlasting pang-alay kay Senyor Nazareno. Meron ding naglalako ng mga rosaryo, prayer booklet at mga scapular pang-iwas usog. Naroon din ang kariton ng mga halamang ugat, pamparegla, pampaamo ng asawa at mga anting-anting. Gaya ni Lia, nag-aabang sila ng buhos ng mga parokyanong palabas ng simbahan.

“Bakit, ikaw ba may-ari ng Plaza Miranda?!” Matapang na sagot ng batang vendor. Nilaparan pa nito ang dibdib at nag-feeling action star.

Kinutusan ni Lia ang binatilyo. Sa lakas niyon ay rinig ang paglagutok ng buto niyang lumanding sa ulo ng pobre. Nawala tuloy bigla ang angas nito.

“Sasagot ka pa, wala namang kwenta! Umalis ka sa harap ko kung ayaw mong ihambalos ko sa’yo tong bitbit ko!” Bulyaw ng dalaga. Tinalo pa ng boses nito ang busina ng mga dumadaang jeep, kasabay ng nakakarinding sigaw ng mga barker at mga tindera sa bangketa.

Akma pa sanang magrereklamo ang teenager nang pandilatan siya ng babae.

“Sabi ko nga shut up na lang ako eh!” Hindi na hinintay ng binatilyo na mag-take two ang eksena kanina. Kakamot-kamot na lang ito ng ulo habang nagliligpit ng paninda.

Nilapag ni Lia ang mga dala-dala. Sino bang mag-aakala na sa katawan niyang iyon ay kaya niyang bumuhat ng tatlong monoblock na silya, malaking payong at makapal na tabla? Bukod pa iyon sa nakasukbit na backpack sa likod niya na pinaglalagyan ng mga gamit ni Lola Minda. Tiyak na mapapagalitan siya kapag nalaman ng matanda na tinakas niya ang mga sagradong bagay na iyon. Pero kundi niya ito gagawin ay baka mamatay silang pamilya na dilat sa gutom.

“Hoy Lia! Pinaalis mo daw yung nakapwesto dito?”

Hindi na nag-angat ng paningin ang dalaga habang nilalatag ang tabla sa ibabaw ng monoblock para maging instant mesa. Anino pa lang ay kilala na ni Lia kung sino ang may-ari ng magaspang na boses.

“Mamaya iaabot ko sayo yung butaw.” Kaswal na sabi ng babae. Abala pa rin ito sa ginagawa. Payong na lang ang kulang ay ayos na ang pwesto niya.

Pinunasan ni Lia ang pinagpapawisang noo gamit ang good morning towel na nakasabit sa balikat niya.

“Hindi pwede. Bayad na yung pinasibat mo.” Paninita ni Alyas Buwi, ang kilalang tong kolektor sa Quiapo.

“Ba’t mo naman kasi pinapwestuhan sa iba? Mamaya sabi bibigay ko. Wag kang atat”

Ang partikular na pwestong iyon sa bukana ng Quiapo Church ang inaalagaan ng kaniyang lola. Siguro may dalang swerte ang amoy ng kandila na nanggagaling sa loob ng simbahan. O siguro sadyang madali lang matunton ang lugar para sa mga parokyano ni Lola Minda kaya hindi iyon mabitiwan ng matanda.

“Kung gusto mo talaga dyan, magbayad ka ng tatlong araw. Kasama yung dalawang nakaraan.”

“Nak ng… Tatlong araw?!” Reklamo ni Lia. Saan naman niya kukunin ang ganun kalaking halaga kung ang pangkain nga nila sa araw na iyon ay hahagilapin pa lang niya?

“Kung ayaw mo, ligpitin mo tong gamit mo. Humanap ka ng ibang pwesto.”

Napaisip si Lia. Hindi siya pwedeng magpabaya. Kapag nakabangon na ang lola niya ay tiyak na babalik iyon dito sa lugar nya. Ayaw na niyang mag-alala pa ang matanda. Kaya kailangan niyang makaisip ng paraan.

Mga Bulaklak ng Quiapo: MagnoliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon