“WOW! Ano to?” Excited na binuksan ni Lia ang supot ng Jollibee na inabot ni Macoy. Halos araw-araw itong dumadaan sa pwesto ng manghuhula nitong nakaraang dalawang linggo.
“Chicken Joy, hindi ba halata?” Umupo ang binata sa monoblock chair na kaharap ng manghuhula.
“Antipatiko ka talaga!” Bakit nga ba hindi siya nasanay sa pambabara ng lalaki? Araw-araw naman nitong ginagawa iyon sa kanya. Maski nga sa text ay hindi siya nakakaligtas. Ngayon pa ba sya magiging sensitive?
“Sabi mo kasi mag-alay ng manok sa mga kaibigan. Nilibre ko na yung buong frat na gusto kong salihan”
“Bakit pati ako?”
“Nasobrahan ako ng bili. Ayaw mo ba? Akin na, ipapamigay ko na lang sa iba”
Humigpit ang kapit ni Lia sa takeout. “Wala naman akong sinabing ganun. Napaisip lang ako na…”
“Na kaibigan na ang turin ko sa’yo?” Humalakhak si Macoy. “Pwede rin. Yes, I can call you that. Friend.”
Natigilan si Lia. Teka… bakit parang may kumurot sa puso niya? Masaya ba sya o malungkot? Friend daw kasi.
“Ganon ba?” Tumungo ang dalaga. Dyahe, para kasing namula siya.
Hmm… pwede na. Lahat naman nagsisimula sa pagiging magkaibigan
“Who would have thought? Magiging lucky charm pala kita.”
Ngumiti ang dalaga ng buong tamis “Lucky charm pala. Sabit mo na lang kaya ko sa leeg mo?” Biro pa nito. Gustong-gusto nyang pinapatawa si Macoy para makita nya ang dimples nito sa magkabilang pisngi.
“Hhmm… Mukhang pwede. Magaan ka lang naman siguro” Pakiki-ride ng binata. “Pero seriously, buti na lang nandyan ka para makontra lahat ng kamalasan ko. I feel protected from negative vibes.”
Hhaayy, talaga ba Macoy? Parang naramdaman ni Lia na pumila-pilantik ang mga pilik-mata niya.
“That’s why I trust you.”
Napangiwi ang dalaga.
“Heto nga pala bayad ko. Advance for five days ang kunin mo.” Nag-abot si Macoy ng isang libo sa dalaga. “Wala ba kong discount?”
“Alam mo hindi maganda ang tumatawad.” Sagot ni Lia habang nakapako pa rin ang paningin sa hawak na pera. Sa buong buhay niya ay noon lang siya nakahawak ng buong isang libong papel.
“Bakit ano masama?”
“Kapag tumatawad ka parang minamaliit mo ang kakayahan ko. One pipti na nga lang singil ko sayo eh. Pahula ka sa iba two hundred. Dapat nga binibigyan mo ko ng tip. Natuwa ka naman sa serbisyo ko di ba?”
“Ikaw laging ang dami mong sinasabi. Oo na, tama ka na. Keep the change” Natatawang sabi ng binata, iiling-iling.
“Hindi ko na tatanggihan yan. Salamat.” Masaya si Lia dahil mauuwian na naman niya ng masarap na pagkain ang dalawang senior citizens ng buhay niya.
“Ito na ba talaga ang career mo?” Tanong ni Macoy.
“Malamang. Dito ako kumukuha ng pambuhay sa pamilya ko eh.”
“Bakit di ka mag-aral ulit?”
Umiling si Lia. “Matanda na ko.” Hindi man siya kuntento na highschool lang ang tinapos nya, sigurado siyang tama ang desisyon niyang wag na magkolehiyo. Dagdag pasanin lang yun ni Mader at ni Lola Minda. Buti pang kumayod na lang, nakatulong pa sya.
“Twenty one ka pa lang naman ah. Ako nga twenty five, nagsisimula pa lang ulit akong mag-aral. Lia, iba pa rin ang may diploma.”
“Marami akong makukuhanan nyan sa Recto. Yung bert sertipikeyt ko nga dun lang din gawa. Ayos naman, wala pang nakakahalata na peke yun.” Bumulong pa kunwari ang dalaga. “Sekreto lang natin yun ha. Wag mo kong kakasuhan.”

BINABASA MO ANG
Mga Bulaklak ng Quiapo: Magnolia
RomansaMalakas ang paniniwala ni Lia na kapos man siya sa buhay ay biniyayaan naman siya ng Quiapo Church ng umuusbong na career. Tarot cards. Crystal ball. Numerology. Astrology. Palm reading. Face reading. Lahat ng klaseng panghuhula ay kaya niyang gawin...