I AM HERE
written by MysteriousAbbysssss
"Hanggang kailan natin ito gagawin?" rinig kong mahinang wika ni Rayven kay Zac habang binubuksan ang salamin. Napabalikwas naman sa kama si Zac at natigilan naman si Rayven sa kaniyang ginagawa. Ilang segundong namayani ang katahimikan. Walang gustong magsalita. Tinitigan nila ang isa't isa.
Naunang magbawi ng tingin si Zac at ibinaling ang kaniyang ulunan sa may bintana. Ilang beses siyang nagpakawala ng buntong hininga at napansin ko ang pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata. Inilagay niya ang dalawang kamay sa kaniyang ulo at sinabunutan ang kaniyang sarili. Sumigaw siya ng pagkalakas-lakas na sinundan naman ng isang nakakabaliw na halakhak.
Inayos niya ang kaniyang buhok gamit ang kaniyang kamay na puno ng mga natuyong dugo. Nilingon niya si Rayven na nakatingin pa rin sa kaniya.
"Alam mong wala akong magagawa. Kailangan naming pumatay para mabuhay," makahulugang wika ni Zac kay Rayven atsaka isinubo sa kaniyang bibig ang daliri na nababalot ng tuyong dugo ni Julie.
"Wala na bang ibang paraan para matigil ito? Hindi ka ba nagsasawa sa paulit-ulit nating ginagawa?" malamig na tanong ni Rayven kay Zac nang matigil ito sa paghalakhak.
"Dalawang taong gulang pa lamang ako nang patayin ng ina ko ang aking ama sa akin mismong harapan. Nabubuhay kami para pumatay. Hindi maaaring matigil ang mga pagpaslang dahil kaakibat na iyon ng pagiging Concepcion ko."
Taimtim akong nakinig kay Zac habang winiwika ang mga salitang iyon. Muli kong tiningnan ang kaniyang mga mata at doo ay nakita ko ang kalungkutan na nagtatago sa mga halakhak at pagkitil niya ng buhay. Alam kong napipilitan lamang siyang gawin ang bagay na iyon ngunit bakit? Hindi ko alam ang dahilan. Ang alam ko lang, kailangan kong makinig sa kaniya upang mabigyan ng kasagutan ang mga tanong sa isipan ko.
"Ni minsan ay hindi pa ito nabanggit ng aking yumaong ama sa akin. Ang huling wikang inihabilin niya sa akin ay pagsilbihan ang mga Concepcion at gawin ang lahat ng inuutos nito Kahit pa utusan akong pumatay ay kailangan kong gawin. Ang tanging bagay na nabanggit niya ay nakatago sa salaming ito ang katotohanang itinago mula pa noon hanggang sa darating pang panahon." Napayuko si Rayven matapos niyang sabihin iyon. Sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi niya tinitigan si Zac sa mga mata nito.
"Kaya pala. Ngayon, makinig kang mabuti dahil sasabihin ko sa iyo ang sikreto ng dalawang angkan na nakatali sa sumpa ng demonyong salamin na iyan," sagot ni Zac kay Rayven atsaka binato ang salamin gamit ang lampshade na nakapatong sa lamesa sa gilid ng kama.
Agad na umilag si Rayven upang hindi siya matamaan ng bagay na ibinato ni Zac sa kaniya. Dahil iniwan niya ang katawan ni Julie sa harapan ng salamin, sa malamig na bangkay tumama ang basag na lampshade at ang mga bubog nito ay tumusok sa putol na hita ng dalaga.
Inayos ni Rayven ang kaniyang tayo at inihanda ang kaniyang sarili sa pakikinig. Inihanda o rin ang aking sarili sa bagay na maaari kong malaman. Anong kinalaman ng salaming ito? Bakit ako inilagay ni Rayven dito?
Bakit?
"Ilang siglo na ang nakararaan, matalik na magkaibigan ang mga ninuno ng mga Concepcion at Saliendres. Halos magkapatid na ang turingan ng padre de pamilya ng dalawang angkan. Sanggang dikit ang dalawang pamilya at magkasama ito sa kahit anong gawin ng bawat isa. Isang araw, nalagay sa bingit ng kamatayan ang padre de pamilya ng inyong angkan-ang mga Saliendres ,at dahil sa kadesperaduhan ay nakipagkasundo ang ninuno ng pamilya namin sa demonyo upang iligtas ang buhay nito," mahabang kuwento ni Zac habang inayos ang pagkakaupo sa kama.
Si Rayven naman ay tahimik na nakikinig lamang kay Zac. Walang bakas ng pagkabigla sa kaniya. Marahil ay inasahan na niya ang kuwentong iyon ngunit hindi kagaya niya, nagulat ako sa mga narinig. Hindi ko akalain na ang pamilya nila ay may itinatagong ganitong sikreto. Buong akala ko ay normal na pamilya lamang ang kabibilangan ko nang ikasal kaming dalawa. Dapat pala ay mas inalam ko ang tungkol sa pamilya niya.
"Kapalit nang pagligtas sa buhay ng ninuno ninyo, simula sa henerasyong iyon hanggang sa huling hininga ng kahuli-hulihang Concepcion, kailangan nilang patayin ang kanilang magiging asawa matapos isilang ang kanilang anak. Ang katawan ng mga pinatay ay kailangang isilid sa loob ng salaming iyan. Buhay kapalit ng buhay. At magpapatuloy ang sumpa hanggang sa kahuli-hulihang angkan ng dalawang pamilya, walang iba kun'di tayong dalawa. Ikaw at ako na lang ang natitira sa angkan, kaya kailangan na nating magkaanak parehas," pagpapatuloy ni Zac sa kuwento niya. Doon ay naliwanagan ako. Kaya pala ganoon na lamang ang kagustuhan ng ina ni Zac na magkaanak na ito.
Ito ba ang dahilan kung bakit ako dinala dito ni Rayven? Upang mamatay kasama ng ilang inosenteng bangkay na naririto? Base sa mga kuwento ni Zac, ang mga asawa ng kanilang angkan ang papatayin at ilalagay dito ngunit paano ang mga inosenteng nadamay lamang sa gulo ng kanilang pamilya kagaya nina Tricia at... Julie?
"Ang mga inosenteng nadamay, kagaya niya ay kailangan ding kitilin ang buhay bilang pag-iingat sa sikreto ng pamilya. Lahat ng mga naging nobyo at nobya ng pamilya Concepcion ay pinapatay rin at inilalagay sa salaming iyan," wika ni Zac habang tinuturo ang katawan ni Julie sa sahig.
Hindi ko alam kung ilang inosenteng tao na ba ang napatay at nabulok ang katawan sa silid na ito ngunit base sa mga nagkalat na buto ng tao sa paligid, alam kong maraming inosente na ang nadamay rito.
"Ngunit bakit pati ang angkan namin ay nadamay?" seryosong tanong ni Rayven kay Zac. Isang mahaba at malakas na halakhak lamang ang itinugon ni Zac sa kaniya. "Ang angkan natin ay napagdugtong na ng isang kasunduan. Ang mga Saliendres ay may tungkulin na tulungan ang mga Concepcion sa bawat ritwal na kanilang gagawin. Kagaya ko ay wala ka ring magagawa. Hindi natin maaaring takasan ang sumpa ng ating angkan," sagot ni Zac kay Rayven.
"Paano kung hindi ka magkaanak? Paano kung hindi natin magawa ang bagay na kailangan nating gawin?" muling tanong ng katiwala sa kaniyang kaharap.
"Buhay natin ang magiging kabayaran kaya magmadali ka na at isilid sa salamin ang katawan ng malanding babaeng iyan," sagot ni Zac kay Rayven atsaka tuluyang bumangon sa pagkakaupo sa kama para tulungan si Rayven sa pagbubuhat ng katawan ni Julie.
Napatingala ako nang marinig ko ang unti-unting pagbubukas ng salamin. Tama nga ang hinala ko, walang ibang daan palabas kun'di ang salamin mismong ito. Sa wakas, makakaalis na rin ako rito. Hindi ko alam kung batid ni Zac na naririto ako ngunit ngayon, maisusumbong ko na sa kaniya ang ginawa sa akin ni Rayven.
Itutuloy...
BINABASA MO ANG
I Am Here | PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATION
Mystery / ThrillerStatus: Completed Language: Taglish Genre: Mystery-Thriller Weeks after getting married, the wife woke up stuck inside a mirror. How will she survive? Can she handle the truth she'll see underneath the reflection? How can she tell her husband that s...