I AM HERE
written by MysteriousAbbysssss
Kagaya ko, nanlaki ang mata ni Julie dahil sa pagkagulat nang marinig ang sinabi ni Rayven kay Zac. Ilang beses kong kinumbinsi ang aking sarili na mali lamang ang aking pagkakadinig sa winika ng katiwala nang mga sandaling iyon.
Hindi maaari. Hindi iyon magagawa ni Zac. Hindi iyon magagawa ng asawa ko. Hindi kailanman.
Wala akong nakitang pagtutol sa mukha ni Zac, bagkus ay isang nakakalokong ngiti ang sumilay sa kaniyang maamong mukha. Hindi ko kilala ang taong nasa silid na iyon. Hindi iyan ang asawa ko. Hindi iyan ang Zac na minahal ko.
"Pamilyar ba ang senaryong ito, Rayven? Naaalala mo pa ba noong nahuli ko kayo ni Tricia? Ganitong-ganito rin iyon, sa loob ng kuwartong ito, sa gitna ng tirik na tirik na araw sa katanghalian." Nanlilisik ang mga mata ni Zac habang may kinuhang isang bagay sa kaniyang bulsa. Isang kutsilyo!
Pinaglaruan niya ang maliit na kutsilyong iyon sa harap ng takot na takot na si Julie. Si Rayven naman ay wala pa ring emosyon habang tinitingnan ang tila nababaliw na si Zac. Nagtago si Julie sa likuran ni Rayven nang dahan-dahang maglakad papalapit sa kanilang direksiyon si Zac habang ang hawak na kutsilyo ay madiing ikinukuskos sa nadadaanang pader kung kaya't nagdudulot ito ng nakakatakot na tunog sa gitna ng katahimikan.
"Anong gagawin mo, Zac. Kung ako sa 'yo..." Hindi na natapos sa pagsasalita si Rayven nang malakas na sinuntok ni Zac ang kaniyang sikmura. Bahagyang napaubo si Rayven ngunit kagaya ng ginawa niya kanina, hindi ito nanlaban at muling tumayo bagama't nakahawak ang kamay sa parte ng tiyan na sinuntok ni Zac.
"Hindi mo na dapat itanong ang bagay na iyan, Rayven. Alam mo na ang mga susunod na mangyayari," makahulugang wika ni Zac atsaka ibinaling ang tingin kay Julie na kasalukuyang lumuluha.
"Rayven, ano bang ginagawa mo? Lumaban ka. Hahayaan mo na lang bang mamatay tayong dalawa rito?" tanong ni Julie sa lalaking nasa kaniyang harapan. Maging ako ay inaasahan kong manlalaban si Rayven at tuluyang aalis upang iligtas ang kanilang mga sarili.
Tila walang narinig si Rayven. Nanatili itong nakatingin sa mga mata ni Zac. Ang mga mata niyang mapupungay ay napuno ng pagnanasang kumitil ng buhay. Base sa nakikita ko ngayon, kayang-kayang pumaslang ni Zac kung gugustuhin niya.
"Sa tingin mo ba ay ipagtatanggol ka ng pinakamamahal mong si Rayven? Nakakatawa! Hindi mo pa kilala ang mga taong nasa loob ng silid na ito," wika ni Zac kay Julie atsaka siya nagbitiw ng isang isang nakakatakot na halakhak.
Oo, Zac. Hindi na kita kilala. Sino ka nga ba talaga?
Mas lalong isiniksik ni Julie sa likuran ni Rayven ngunit agad siyang hinablot ni Zac. Nanginginig na sa takot ang dalaga ngunit hindi ito alintana ni Zac. Para siyang isang baliw na nasasabik na makakita ng pagdanak ng dugo sa sahig ng silid.
"Ano, Rayven? Wala ka man lang bang gagawin? Tulungan mo ako, hayop ka!" Bagama't nababalot na ng hilakbot ang katawan ni Julie, ramdam ko ang pagkainis niya at pagkadismaya nang ni hindi man lamang natinag sa pagkakatayo si Rayven. Tila nakasemento na sa sahig ng silid ang dalawang paa nito.
Muling humalakhak si Zac at napahawak pa ito sa kaniyang tiyan dahil sa labis na kakatawa ngunit bigla itong bumalik sa pagiging seryoso. Nakakatakot siya. Para siyang isang baliw. Mali, nababaliw na siya!
"Alam mo ba kung anong ginawa ko kay Tricia noong nalaman kong nagtaksil siya sa akin?" seryosong tanong ni Zac kay Julie atsaka humakbang nang dahan-dahan palapit sa direksiyon ng dalaga. Si Julie naman ay napaatras dahil sa takot ngunit sa ikatatlong hakbang nito patalikod, napasandal na lamang siya sa pader.
BINABASA MO ANG
I Am Here | PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATION
Misterio / SuspensoStatus: Completed Language: Taglish Genre: Mystery-Thriller Weeks after getting married, the wife woke up stuck inside a mirror. How will she survive? Can she handle the truth she'll see underneath the reflection? How can she tell her husband that s...