I AM HERE
writen by MysteriousAbbysssss
Ikalawang linggo na ng aking pamamalagi sa kulungang kinalalagakan ko ngayon. Labing-apat na araw na rin akong hindi kumakain at tanging ang marumi at kalawanging tubig mula sa gripo ng sirang lababo sa kwartong ito ang iniinom ko upang mairaos ang panibagong araw.
Noong mga unang araw ay nanakit pa ang aking tiyan dahil sa dumi ng tubig na iniinom ko ngunit tila nasanay na rin ang aking tiyan sa maruming tubig na iyon. Wala na akong ibang mapagpipilian dahil kung hindi ko iyon iinumin ay tiyak na hindi ako magtatagal.
Base sa nakikita kong sakripisyo ng aking asawa ay hindi ako dapat na mag-inarte. Gumagawa siya ng paraan upang mahanap ako kaya kailangan ko ring gumawa ng paraan upang maalis sa impyernong ito. Kailangan ko ng lakas dahil maghapon ko na namang susubukan na basagin ang salaming magsisilbing daan upang makalabas ako rito.
Tiningnan ko ang aking sariling repleksiyon sa tubig na nasa lababo matapos kong uminom. Napakarumi ng aking damit. Magulo na rin ang aking buhok at napakadungis ng aking mukha. Wala na akong pinagkaiba sa itsura ng aking asawa, mugto ang mga mata at marumi ang itsura.
Paano nga ba ako humantong sa ganito? Bakit ito nangyayari sa aming mag-asawa? Bakit?
Narinig ko ang muling pagtunog ng aking kumakalam na sikmura. Batid kong kaya kong mabuhay ng matagal sa pamamagitan ng tubig ngunit kailangan ko pa ring kumain. Muli kong inilibot ang tingin sa aking paligid. Wala akong makitang bagay na puwedeng kainin. Hindi ko naman maaaring kainin ang mga piraso ng buto na nakakalat sa sahig.
Nahagip ng aking mata ang isang maliit na kahon sa gitna ng nakatambak na buto ng tao. Tila nagningning ang aking mga mata nang masagi sa aking isipan na baka may kung ano sa loob nito na maaari kong magamit o mapakinabangan man lamang.
Wala akong inaksayang oras at dali-dali kong hinawi ang mga buto na nakatabon sa kahong iyon. Kung noong una ay natatakot ako at ni hindi ko magawang lumapit sa mga nakatambak na butong iyon, ngayon ay tila isang normal na tanawin na lamang ang mga ito.
Nang makuha ko ang isang kulay itim na kahon ay agad ko itong binuksan at laking pasalamat ko nang makakita ako ng tatlong piraso ng canned goods. Kalawangin na ang ilan sa mga ito ngunit hindi ako nag-atubiling buksan ang isang corned beef .
Walang sinasanto ang isang taong kumakalam ang sikmura. Matagal na panahon na noong huli akong nakatikim ng pagkain. Napahinga ako ng malalim at gamit ang isa kong kamay, tinakpan ko ang aking ilong. Ang kabilang kamay ko ang aking gagamitin upang itaktak sa aking bibig ang laman ng latang iyon.
Pinili kong pumikit upang mabawasan ang pandidiri sa expired na pagkaing isusubo ko sa aking bibig. Bago tuluyang dumilim ang aking paningin ay nahagip pa ng aking mata ang ilang uod na gumagalaw sa loob ng lata. Punong-puno ng lumot ang paligid nito at ang dating kulay pulang pagkain, ngayon ay magkahalong itim at kayumanggi na.
Pigil hininga kong itinaktak ang panis na pagkain sa aking bibig. Lulunukin ko na lamang ito at pagtitiyagaan ang taglay nitong lasa. Ramdam ko pa ang paggalaw ng mga buhay na uod sa aking bibig nang unti-unting malaglag ang malagkit na laman ng panis na corned beef .
Agad ko itong nilunok at dali-dali akong tumakbo sa lababo upang uminom ng tubig. Sa kasamaang palad, mukhang sarado ang water pump ng bahay dahil wala si Zac dito. Wala akong ibang magawa kundi tiisin ang hindi maipaliwanag na lasa ng biyaya sa loob ng kahong nakita ko.
Hindi nakayanan ng aking sikmura ang pagkain na inilagay ko dito. Ayaw tanggapin nitong tanggapin ang panis na pagkaing iyon. Naramdaman ko ang pag-akyat nito sa aking lalamunan at ilang sandali pa ay nagkalat ang suka ko sa sahig.
Nagmadali akong magtungo sa inodoro upang iluwa ang natitirang suka ko. Maluha-luha akong napaupo sa gilid ng inodoro nang mapagtanto kong wala na talaga akong ibang magagawa kundi ang maghintay sa aking asawa. Kailangan kong magtiwala na maililigtas niya ako at mailalabas sa impyernong ito.
Dalawang bagay lamang ang posibleng mangyari sa akin, ang mailigtas ako ni Zac o mamatay sa loob ng sikretong silid na ito. Sa ngayon, mas malaki ang tiyansa na mangyari ang huli. Mukhang dito na magwawakas ang buhay ko.
Wala akong magawa kundi ang magpalahaw sa iyak dahil sa mapait na kapalarang sinapit ko. Hindi ko batid kung anong mabigat na kasalanan ang aking nagawa upang sapitin ang ganito katinding pasakit.
Malapit na akong malagutan ng pag-asa. Gusto kong manumbat. Gusto kong itanong sa Kanya kung bakit ako, sa dinami-rami ng tao sa mundo ang nakakaranas ng ganito. Ngunit ayoko mawalan ng pag-asa. Hanggang nakikita kong nilalaban ng aking asawa ang paghahanap sa akin, hindi ako titigil na umasang makakalabas ako rito.
Napatayo ako mula sa pagkakalumad sa sahig nang marinig ko ang pagbukas ng silid naming mag-asawa. Kumpara nitong nakaraang mga araw, tila napaaga ata ang uwi ng asawa ko. Base sa orasang nakasabit sa ibabaw ng aming kama, alas sais pa lamang ng gabi.
Tumakbo ako papunta sa salamin upang makita ang nag-iisang taong kinakapitan ko ng pag-asa ngunit nadismaya ako nang makita ang taong iniluwa ng pintuan namin. Si Rayven!
Napairap ako nang makita ang demonyong nagdulot ng kamalasan sa buhay ko. Ginusto ko na lamang na tumalikod upang hindi na muling mairita sa presensyang ibinibigay niya ngunit napabalik ako ng tingin nang makita ko ang ina ni Zac na naglalakad sa likod ni Rayven.
Tumayo ang aking mga balahibo dulot ng presensyang ibinibigay nila sa akin. Nakaka intimidate sila parehas. Ang pinagtataka ko ay ang sabay nilang pagpasok sa silid naming mag-asawa at ang parehas nilang pagtingin sa salaming kinakukulungan ko.
Posible kayang...
Naramdaman ko ang galit na namumuo sa aking katawan. Kasalukuyang nakakuyom ang aking mga kamay at nanggagalaiti kong kinalampag ang salaming nakaharang sa akin.
Kung makakalabas lamang ako rito ay silang dalawa ang ikukulong ko dito hanggang sa mabulok ang kanilang mga katawan. Bakit nga ba hindi sumagi sa isipan ko na posibleng si Mrs. Concepcion ang nag-utos sa katiwala nila upang gawin ito sa akin.
Mga halang ang kaluluwa!
Napaawang ang aking bibig at natigilan naman ako sa pagkalampag ng salamin dahil sa sunod na pumasok sa aming kwarto. Kung tutuusin ay nararapat na matuwa ako dahil muling nagbalik ang lalaking mahal ko sa dati niyang itsura. Muli kong nasilayan ang malinis na pagkakaayos ng kaniyang buhok, ang malinis niyang mukha at ang plantsado niyang pormal na damit.
Ngunit sa pagbabalik ni Zac ay hindi na lamang siya nag-iisa. Halos madurog ang puso ko nang makitang may isang babae na nakapulupot ang mga braso sa kaniya. Masuri kong tiningnan ang babaeng kasama niya. Pamilyar ang babaeng iyon. Hinding-hindi ko malilimutan ang babaeng iyon!
"Huwag kang mahihiya, Julie. Ituring mong sa iyo ang bahay na ito tutal dito ka na rin naman titira," wika ng ina ni Zac nang makapasok na si Zac at ang babae. Ganoon pa rin naman ang tono ng pananalita ni Mrs. Concepcion na siyang ginantihan ni Julie ng isang malapad na ngiti.
"Sige na, ma. Kailangan na naming magpahinga dahil maaga pa naming pagpaplanuhan ang kasal namin ni Julie bukas," kaswal na wika ng aking asawa na siyang mas ikinadurog ko.
Itutuloy...
BINABASA MO ANG
I Am Here | PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATION
غموض / إثارةStatus: Completed Language: Taglish Genre: Mystery-Thriller Weeks after getting married, the wife woke up stuck inside a mirror. How will she survive? Can she handle the truth she'll see underneath the reflection? How can she tell her husband that s...