Chapter 2: Scarred Man

193 35 3
                                    

I AM HERE

written by MysteriousAbbysssss

"Gagabihin ng uwi si Zac." Isang malamig na tinig ang aking narinig mula sa aking likuran. Kasalukuyan akong naghuhugas ng aking pinagkainan nang maramdaman ko ang pagdampi ng hininga ni Rayven habang winiwika ang limang salitang iyon. 

Ito ang unang pagkakataon na kinausap niya ako at inaamin ko, ayaw kong maulit ito muli. Bakit? Nanlulumo ako sa lamig ng mga tinig niya. Binabalot ng takot ang aking buong katawan at nanlalambot ang aking mga tuhod dahil sa presensya niya. Tuwing nagkukrus ang mga tingin namin ay ako ang nauunang magbawi ng tingin sapagkat hindi ko makayanan na tumagal sa kaniyang nakakatakot na titig.

Ngunit kailangan kong masanay. Kailangan kong tanggapin na bilang katiwala ng bahay na ito, napakaimposibleng hindi kami magtagpo. 

"Mga anong oras kaya siya makakauwi?" Pinilit kong ngumiti sa kaniya na kasalukuyang nakatitig sa akin habang naghuhugas ng mga pinggan. Hindi siya kumalas sa pagkakatitig sa akin. 

Para akong nakikipag-usap sa hangin nang wala akong matanggap na tugon mula sa kaniya. Hindi niya ako sinagot, bagkus ay nagsimula itong maglakad palayo. 

Dahil sa aking pagkairita, kahit basa pa ang aking mga kamay dahil sa ginagawa kong paghuhugas ay nagmadali akong tumakbo upang habulin siya. Naabutan ko siya sa may sala at batid kong aalis siya kung kaya't hinawakan ko ang braso niya. Huli na ang aking pagsisisi nang tingnan niya ako ng masama  dahil nabasa ko ng aking kamay ang kaniyang mga braso. 

Iwinasiwas niya ang kaniyang braso, dahilan upang makabitaw ako sa pagkakahawak ko dito. Nagulat ako  dahil sa inasal niya ngunit  hindi ako nagpatinag. Muli kong hinawakan ang braso niya at kumpara kanina, mas mahigpit ang pagkakakapit ko sa kaniya. 

Gusto ko lang naman itanong sa kaniya kung bakit ganiyan ang mga ikinikilos niya ngunit mukhang hindi iyon magandang ideya. Maliit lamang siya ngunit kumpara sa lakas ko, naging madali lamang sa kaniya ang pagpalag sa pagkakahawak ko. 

Dahil sa tindi ng impak ng pagtulak niya sa akin, tumalsik ako at ang aking likod ay tumama sa isang sofa. Mabuti na lamang at naitukod ko ang aking kanang kamay dahil kung hindi, marahil ay sa babasaging lamesita ako tumama. 

Magkahalong gulat at galit ang aking naramdaman dahil sa nangyari. Maaari naman niyang sabihin nang maayos kung ayaw niyang makipag-usap sa akin ngunit bakit kailangan niya akong idaan sa pananakit na pisikal? Marahil ay may kasalanan din ako dahil sa pagpupumilit ko ngunit hindi, kung may kasalanan man ako ay mas malaki ang kasalanan niya.

"Ano bang problema mo!" singhal ko sa kaniya. Nanlilisik ang aking mga matang tiningnan siya. Masakit pa din ang likod ko at marahil ay nagkapasa ito. Hindi ako makakapayag na ganoon na lamang iyon. 

Napaismid na lamang ako nang lumapit siya sa aking pagkakaupo. Akala ko ay tutulungan niya akong makatayo ngunit mali ako sa aking pag-aakala. Lumapit siya sa akin upang kunin ang isang susi na tumalsik kasama ko. 

Tila pamilyar ang susing iyon ngunit hindi ko matandaan kung saan ko iyon huling nakita. Gayunpaman, nagtaka ako nang dali-dali niya iyong kinuha at mabilis na ibinulsa. Walang ano-ano'y nilisan niya ang bahay at iniwan akong nakaupo sa sahig dahil masakit pa rin ang aking likuran.

***

"May problema ka ba, mahal? Kanina ka pa tulala. Nag-aalala ako," paglalambing na wika ni Zac habang nakayakap mula sa aking likuran at nakapatong ang ulo sa akin. Kasalukuyan akong nakaharap sa salamin ng aming kwarto habang sinusuklay ang aking basang buhok.

Nanatili akong tahimik at abala sa pagsusuklay. Pansin kong pagod ang asawa ko. Ayaw ko namang dumagdag pa sa isipin niya. Nagtratrabaho siya para sa amin at nandito lang naman ako sa bahay kaya ayokong maging pabigat sa kaniya. 

I Am Here | PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon