Epilogue

284 29 5
                                    

Bagama't nanghihina ang aking katawan ay pinilit kong tumayo. Itinukod ko ang aking braso sa inodorong nasa tagiliran ko. Narinig ko pa si Zac na umuusal ng mga salitang hindi ko naman maintindihan. Marahil ay parte iyon ng ritwal na ginagawa nila bago tuluyang itapon ang katawan ni Julie sa loob ng salamin. 

Mayamaya ay nakita kong unti-unting binubuksan ang salaming nakapinid. Malakas ang tunog na nalilikha ng paggalaw ng bakal na gilid nito na dulot na rin marahil ng katandaan. Unti-unti kong nasilayan ang liwanag na nagmumula sa loob ng silid. Napatakip ako sa aking mga mata nang masilaw sa liwanag nito.

Habang hinihila nila ang katawan ni Julie papasok sa loob, hindi ko maipaliwanag ang kasiyahang nararamdaman ko. Sa wakas, dumating na ang araw na pinakahihintay ko. Matapos ang isang buwan at ilang linggo, makakalabas na rin ako mula sa pagkakakulong ko rito. 

Masasabi ko na rin kay Zac ang ginawa sa akin ni Rayven. Hindi ko akalaing darating pa ang araw na ito. Buong akala ko ay dito na rin ako malalagutan ng hininga kasama ang mga bangkay na naririto. 

"Zac! Asawa ko. Naririto ako. Sa wakas!" sigaw ko sa aking asawa nang tuluyan na nilang maidespatya ang katawan ni Julie sa isang sulok ng silid. Patuloy ako sa pagsigaw ngunit tila walang naririnig ang aking asawa. Marahil ay dala ng dilim ng paligid kung kaya't hindi niya ako nakita. 

"Hindi mo man lang ba aayusin ang katawan ng asawa mo?" rinig kong tanong ni Rayven kay Zac atsaka itinuro ang isang katawan sa kabilang sulok ng silid. Napaawang ang aking bibig nang tingnan ko ang itinuro ni Rayven. 

Katawan ito ng isang babae na nakasuot ng puting blusa at palda. Iyon ang aking katawan! 

"Hindi maaari! Naririto ako, Zac! Tumingin ka dito." Ubod lakas akong sumigaw upang marinig ako nilang dalawa. "Zac, si Rayven! Siya ang nagkulong sa akin dito. Nandito lamang ako, mahal ko," pilit ko pa ring isinigaw ang mga salitang iyon, umaasang maririnig ako nito. 

Nakita kong lumapit si Zac sa katawan kong unti-unting naaagnas. Wala pa 'yan diyan noong mga nakaraang araw! Hindi maaaring patay na ako! Hindi maaari.

Lumapit ako kay Zac na kasalukuyang nakayakap sa aking katawan. Mahigpit ang kaniyang pagkakayakap dito. Sana nararamdaman ko ang yakap na iyon. Sana nayayakap ko pa siya pabalik dahil sa totoo lang, gustong-gusto ko na siyang hawakan.

Inilapit ko ang aking kamay sa kaniyang mukha, umaasang mararamdaman ko ang makinis niyang pisngi ngunit ako'y bigo. Tumatagos lamang sa kaniyang katawan ang kamay ko.

Bagama't hindi ko siya nahahawakan, pinili ko pa rin na ibuka ang aking mga braso at pilit na ikinulong siya rito kahit na alam kong imposible.

"Pasensya ka na, mahal. Hindi ko ginusto ang mga nangyari. Hindi ko ginustong patayin ka," wika ni Zac na siyang ikinatigil ko. Ilang minuto akong nanatili sa ganoong posisyon bago tuluyang rumehistro sa utak ko ang mga katagang binitawan niya.

Ano? Hindi 'yon totoo! Hindi ako naniniwala. Hindi iyon kayang gawin sa akin ni Zac. Hindi iyon kayang gawin ng asawa ko. Hindi!

Tanging mga hagulhol na nagmumula kay Zac ang narinig sa loob ng sikretong silid na iyon. Habang yakap-yakap niya ang aking katawan, ang aking kaluluwa naman ay hindi pa rin makapaniwala sa mga nangyari.

Paano? Bakit?

Kasabay ng pagpatak ng kaniyang mga luha sa aking katawan ay ang pag-agos rin ng mainit na likido sa aking mata. Napakarami kong gustong itanong sa kaniya. Gusto ko ng kasagutan.

Ngunit, paano ko magagawa 'yon kung isa na lamang akong kaluluwa at ni hindi niya ako nakikita? Nagpakawala ako ng mga suntok at hampas sa katawan ni Zac dahil sa labis na galit at kalungkutan ngunit tumatagos lamang ito sa kaniyang katawan.

"Kailangan na nating umalis, Zac," malamig na wika ni Rayven atsaka tuluyang naglakad palabas ng sikretong silid. Si Zac naman ay hindi nagpatinag at nakayakap pa rin sa aking katawan.

"Zac!" muling tawag ni Rayven kay Zac.

"Aaina, mahal na mahal kita," huling sambit ni Zac sa aking katawan bago tuluyang tumayo upang lumabas kasunod ni Rayven.

Hindi, Zac. Hindi mo ako mahal. Kung mahal mo ako, hindi mo magagawa 'yon. Kung mahal mo ako, hindi mo ako magagawang patayin.

Bago tuluyang isara ni Rayven ang salamin, sumunod ako sa kanila. Sa wakas, nakalabas na ako mula sa pagkakakulong sa nakakatakot na silid na iyon. Nakalabas na nga ako ngunit hindi bilang isang tao kun'di bilang isang kaluluwa na lamang.

Tahimik kong tiningnan ang salaming 'yon matapos itong isara ni Rayven. Wala akong makitang repleksyon. Hindi ko na makita ang aking sarili sa salaming 'yon bagkus ay isang tagpo ang nakita ko sa repleksyon ng salamin.

Pamilyar ang tagpong iyon, iyon ang tagpo bago ako tuluyang mawalan ng ulirat at magising sa loob ng sikretong silid.

***

Matapos kong ibaba ang telepono at ako'y nagbalik sa loob ng silid, wala akong ibang natagpuan sa loob nito. Nakaalis na si Rayven ngunit naiwan ang susi niya sa sahig.

Dulot ng kuryusidad na matagal nang gumugulo sa aking isipan, yumuko ako at kinuha ko ang susi na 'yon at bago pa ako tuluyang makabalik sa pagkakatayo ay isang vase ang tumama sa aking bunbunan na naging dahilan ng pagkawala ng aking ulirat.

Ang taong may gawa noon ay walang iba kun'di ang akin mismong asawa, si Zac.

Habang kausap ko siya sa tawag noon ay kasalukuyan silang patungo sa bahay kasama ng kaniyang ina. Nakatakda na akong mamatay sa araw na 'yon kagaya ng plano ng ina ni Zac.

"Sa wakas ay nagawa mo na rin. Hindi ko alam kung bakit naisipan mong magpakasal sa babaeng iyan gayong hindi ka naman niya mabibigyan ng supling. Mas mabuti na 'to para makahanap ka na ng babaeng makapagbibigay sa iyo ng anak," pagpuri ng ina ni Zac sa kaniya. Si Zac naman ay naiwang nakatulala sa isang sahig habang inaayos ni Rayven ang aking katawan.

"Mahal ko si Aaina, 'ma."

"Alam mong hindi ka maaaring magmahal! Masasaktan ka lang, Zacarias. Kung alam ko lamang na hahantong sa ganito ang lahat, ako na mismo ang kumitil sa buhay ng babaeng iyan noong una pa lamang," malamig na sagot ng ina niya. Patuloy sa paghagulhol si Zac habang pinagmamasdan ang aking katawan na ipasok sa loob ng salamin.

"Kailangang palabasin natin na nawawala ang asawa mo. Kailangang makita ka ng ibang tao na hinahanap siya. Kailangang manatilong sikreto ang lahat ng ito, Zacarias," huling bilin ng kaniyang ina bago tuluyang lisanin ang kuwartong iyon.

***

Ako si Aaina, biktima ng mapait na kapalarang kaakibat ng pagpapakasal ko sa lalaking inakala kong makakasama ko sa habambuhay.

Naririto ako at alam ko ang tinatagong madilim na sikreto sa likod ng salaming nasa aking harapan.

Naririto ako kasama ang katotohanang pilit na itinatago ilang siglo na ang nakararaan.

Naririto ako bilang maging babala na hindi lahat ng nakikita mo sa iyong repleksyon ay totoo. Marami pang lihim na nakatago. Marami ka pang kailangang malaman. Huwag kang palilinlang.

Naririto ako at alam ko ang katotohanang kailangan mong malaman.

Naririto lamang ako.

Wakas...

🎉 Tapos mo nang basahin ang I Am Here | PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATION 🎉
I Am Here | PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon