Chapter 1: Newlywed

395 46 11
                                    

I AM HERE

written by MysteriousAbbysssss

"Mrs. Concepcion!"

Isang pamilyar na tinig ang aking narinig mula sa aking likuran. Ang malagong na tinig na iyon, hindi ako maaaring magkamali. Ang tinig na pipiliin kong marinig sa tuwing imumulat ko ang aking mga mata sa umaga at sa pagpikit nito sa gabi.

Napakasarap sa pakiramdam na marinig mula sa kaniya na sa wakas, ang apelyido niya ay nakadugsong na sa aking pangalan. Tanda ito ng walang hanggang koneksyon namin mula nang iharap niya ako sa simbahan, ilang linggo pa lamang ang nakararaan.

"Bakit po, Mr. Zac Concepcion?" Hinubad ko ang aking suot na apron at hinarap ang aking asawa na ngayon ay nakasuot ng kaniyang damit pang-opisina na plinantsa ko kagabi.

Bumagay sa kaniya ang itim na pantalong iniregalo ko sa kaniya. Swak na swak ang suot niyang kulay puting long sleeves sa kaniyang matikas na tindig. Ang kaniyang kulay itim na sapatos ay kasing kintab ng kaniyang buhok na kasalukuyan niyang inaayos habang nakaharap sa salamin.

Lumapit ako sa kaniyang direksiyon. Iniharap ko siya sa akin at una kong napansin ang kaniyang kulay kayumangging mga mata na nakakalunod kung iyong tititigan nang mabuti. Sumikaw ang isang ngiti mula sa kaniyang mga labi.

"In love na naman po si Aaina sa asawa niyang pogi," pang-aasar niya sa akin. Kung sabagay, totoo naman ang winika niya. In love nga talaga ako sa kaniya. Sino ba namang hindi? Wala na akong hahanapin pa. Mabait na asawa, maalaga, at higit sa lahat, mahal na mahal ako.

"Baka ikaw ang in love sa akin. Akala mo ba, hindi ko alam na ilang minuto mo akong tinititigan kaninang umaga habang nagpapanggap akong tulog?" ganti ko sa kaniya habang inaayos ang kurbata sa kaniyang leeg.

Akala niya siguro ay siya lamang ang marunong manukso. Siyempre ako rin.

"Eh sino kaya 'yong tinititigan ako habang naliligo kagabi?" Tumataas-taas pa ang kaniyang kilay habang inilalapit ang kaniyang mukha sa akin. Ang mga mata niyang iyon ang kahinaan ko ngunit hindi ako dapat magpatalo. Kailangang mas mapanukso ako kaysa sa kaniya.

"Ah... ehh..." Nawala na ako sa wisyo nang hagkan niya ang aking noo. Ang lalaking 'to talaga. Palagi na lamang akong pinakikilig. Sa loob ng tatlong taon namin bilang magkasintahan, hindi siya nabigong maghatid ng mga paru-paro sa aking sikmura. Lagi na lamang siya ang dahilan ng pagpula ng aking mga pisngi.

"Halika na nga. Kumain na tayo. Ayos lang naman na binobosohan mo ako, mahal. Tandaan mo, hindi lang tingin ang puwede mong gawin, puwede mo ding hawakan."

"Zac!" sigaw ko sa kaniya habang nakaakbay siya sa akin papunta sa kusina. Hindi ko mawari kung mahihiya ba ako o kikiligin dahil sa kaniya ngunit isa lang ang sigurado ako. Masaya ako sa piling ng asawa ko.

"Ano bang niluto ng misis ko?" tanong niya sa akin matapos akong ipinaghila ng bangko na aking mauupuan. Naglagay siya ng dalawang pinggan sa mesa upang mapagkainan namin. Imbes na ako ang mag-asikaso sa kaniya dahil tungkulin ko iyon bilang asawa niya, siya pa itong nagsisilbi sa akin.

Napakaswerte ko talaga.

"Ano bang ulam natin, asawa ko?" muli niyang tanong sa akin.

"Nagprito ako ng hotdog at itlog. Ipinatong ko diyan, mahal."

Bumalik siya sa hapag-kainan nang tumatawa. Napatakip na lamang ako ng mukha gamit ang aking mga palad dahil sa kahihiyan. Alam ko na ang dahilan kung bakit tumatawa ang walanghiya.

"Muntikan mo nang masunog ang hotdog at itlog, mahal," sarkastikong wika niya sa akin. Mukhang hindi talaga para sa akin ang pagluluto pero hindi ako magsasawang aralin iyon para sa kaniya. Hindi naman maaaring laging sunog ang kainin naming dalawa.

I Am Here | PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon