Chapter 5: A Husband's Grief

148 34 1
                                    

I AM HERE

written by MysteriousAbbysssss

"May balita na ba kayo tungkol sa asawa ko?" rinig kong wika ni Zac sa telepono na marahil ay mga pulis ang nasa kabilang linya. Ramdam na ramdam ko ang pagkatuliro ng asawa ko habang binabanggit ang mga salitang iyan. Marahil ay nasagot na ito ng mga pulis na wala pa silang update sa aking pagkawal kung kaya't isang malakas na sigaw ang pumailanlang sa apat na sulok ng kwarto naming mag-asawa. 

Nanikip ang aking dibdib sa aking nasasaksihan. "Huwag kang susuko, Zac. Gagawa ako ng paraan para masabi sa iyong naririto lamang ako. Pangako," mahinang bulong ko sapagkat unti-unti nang nawawala ang boses ko dahil sa kasisigaw kahapon. 

Nahagip ng aking paningin na nakatayo sa pintuan ng aming kwarto. Nakatitig lamang ito kay Zac. Walang kahit na anong salita ang lumabas sa kaniyang bibig, bagkus ay napailing-iling lamang ito. Napamura ako nang ituon niya ang kaniyang paningin sa salaming kinalalagyan ko. 

Marahil ay iniisip niya na nakatingin din ako sa nangyayari sa silid o maaari ring hindi. Maaaring inakala niyang patay na ako dahil sa natamo kong sugat sa ulo na dulot ng paghampas niya ng vase dito. 

Hindi ko maatim na tingnan siya sa kaniyang mga mata. Nandidiri ako. Nakakasulasok ang pagkatao niya. Wala siyang konsensiya. Wala akong nakikitang maling ginawa ko sa kaniya. Marahil ay may sakit na siya. Nababaliw na siya!

At alam kong ako ang susunod na maaaring mabaliw dahil sa sitwasyon kong ito. Isang araw na ang nakakalipas nang pamamalagi ko dito sa loob ng kulungang pinaglagyan sa akin ni Rayven. Ni hindi ko alam kung paano ako nakatulog kagabi. Marahil ay dulot ng pagkagutom o pagod ng katawan kung kaya't nawalan ako ng ulirat. 

Sa aking muling paggising ay nasilayan ko na naman ang katotohanang wala akong ibang magawa kundi ang umasa na sana ay mailigtas ako ng aking asawa mula sa pagkakakulong ko. 

Isang akong presong walang kasalanan. Nakulong at nahatulan ng hindi makataong pagpapasya. Isang hamak na halimaw ang nagkulong sa akin dito at ang natitirang pag-asa ko, mukhang malapit nang sumuko. 

Ilang linggo na ang lumipas mula nang bigla akong maglaho sa paningin ni Zac. Ang masakit sa puso at isipan ko ay ang makita siyang unti-unting napapabayaan ang kaniyang sarili habang pilit na sinusuyod ang buong mundo upang mahanap ang isang taong naririto lang din naman, ikinubli at itinago sa kaniya. 

Nagkalat ang mga papel sa aming kama. Nakaimprenta dito ang aking larawan, pangalan at pagkakakilanlan at nakasulat sa gawing itaas ng papel ay malaking pagkakasulat ng mga salitang 'NAWAWALA'. Nakikita at naririnig ko din si Zac habang nakikipag-usap sa ilang istasyon ng radyo at telebisyon upang mas marami ang makaalam sa aking pagkakawala. 

Marahil ay napuntahan na rin ni Zac ang pamilya ko dahil iyon ang tanging lugar na maaari kong puntahan. Wala naman akong ibang kaibigan kung kaya't tatas kong nahihirapan siya sa mga pangyayari ngayon. "Kaunting tiis pa, Zac. Huwag mong susukuan ang paghahanap sa akin. Naririto lang ako." 

Ilang araw nang hindi pumapasok sa kaniyang trabaho si Zac. Sa umaga ay nakikita kong maaga siyang umaalis at halo maghahating-gabi na siyang bumabalik. Hindi siya nakasuot ng unipormeng pampasok. Ang dating maayos at malinis na posturang nakasanayan kong titigan sa paggising ko sa umaga ay napalitan ng isang lalaking bigo sa paghahanap ng kaniyang asawa. 

Pansin ko ang paglago ng buhok ni Zac. Ang kaniyang buhok na dati rati'y inaabot ng isang oras sa pag-aayos at mistulang dinilaan ng kabayo ay wala na rin. Ni hindi na rin siya naliligo at pansin kong nalilipasan na rin siya ng gutom. Nakakaawang pagmasdan ang paglalim ng kaniyang namumugtong mga matang napagkaitan ng tulog at pahinga. Hindi ko maatim na makitang unti-unting tumitigil ang pag-ikot ng mundo ni Zac habang ako'y unti-unting nabubulok sa pagkakakulong rito. 

Gabi-gabi, tuwing umuuwi siya mga alas dyis ay palagi itong may bitbit na ilang bote ng beer at ilang kahon ng sigarilyo. Walang bisyo ang asawa ko at iyon ang isa sa mga minahal ko sa kaniya ngunit dahil sa tindi ng pangungulila ay nagagawa na niyang manigarilyo at uminom. 

Dati-rati ay ako ang naghahain ng mainit na sabaw sa kaniya tuwing umaga matapos niyang uminom kasama ang mga katrabaho upang maibsan ang hangover niya. Ngayon, ni hindi ko siya maalalayan papunta sa kama upang matulog dahilan upang makatulog siya sa sahig, hawak-hawak sa kanang kamay niya ang isang bote ng beer habang nasa kabila naman ang larawang kuha noong araw na ikasal kami. 

Sa araw-araw na pagkaramdam ko ng awa sa aking asawa ay lalong lumalago ang itinanim kong galit at poot kay Rayven na palaging bumibisita sa aming silid upang tumitig sa harapan ng salamin. Nakapinta sa kaniyang mukha ang isang walang emosyong ekpresyon kagaya ng nakagawian. Sa tuwing ginagawa niya iyon, paulit-ulit ko siyang minumura at hindi ko din mapigilan ang aking sarili na pagsusuntukin ang salaming namamagitan sa amin. 

***

"Sasayangin mo na lamang ba ang buhay mo? Alam mong hindi na babalik ang asawa mo, Zacarias!" Kalmado at walang emosyong wika ng ina ni Zac nang pumunta iyon sa bahay. Mahina at malumanay ang pagkakabigkas niya sa mga salitang iyon ngunit kung maririnig mo ay babalutin ka talaga ng takot at kaba sa maotoridad niyang tinig. 

Ang nakaupong si Zac naman at kasalukuyang nakatitig sa bintana ng silid ay hindi nagpatinag at tila hindi alintana ang mga salitang narinig sa ina. Si Ginang Concepcion naman ay nanatiling nakatayo ng tuwid sa kaniyang likuran. Bago ito tuluyang umalis ay nag-iwan ito ng mga katagang paulit-ulit na dumurog at tumatak sa puso at isipan ko. 

"Humanap ka na ng ibang babae. Kagaya ng palagi kong sinasabi, kailangan mong magka-anak sa lalong madaling panahon." 

Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit ganoon na lamang ang turing sa akin ng ina ni Zac. Hindi kasi normal ang aking dalaw, dahilan upang bumaba ang tiyansa kong magkaanak. mababa din ang aking matres dulot ng pagpapakakuba ko sa pagkayod upang makatulong sa aking mga magulang at kapatid na nasa probinsiya. 

Isa pa sa naiisip kong dahilan kug bakit malayo ang loob ko sa ama ng aking asawa ay ang agwat ng estado namin sa buhay. Mayaman sina Zac samantalang isang kayod at isang tuka naman ang pamumuhay namin. Kung si Tricia na siyang ex ni Zac ang kaniyang nakatuluyan, marahil ay masaya na silang namumuhay kasama ang mga naging anak nila. 

Kasalungat na kasalungat ko si Tricia. Kagaya ni Zac, nagmula rin siya sa mayamang pamilya. Botong-boto si Mrs. Concepcion sa kanilang pag-iibigan at marahil ay hanggang ngayon ay siya pa din ang gusto niyang makatuluyan ng kaniyang unico ijo

"Pasensya ka na, mahal. Patawarin mo ako. Dahil sa akin ay nagkakaganiyan ka," wika ko habang hinahaplos ang salaming nasa harapan ko. Habang pinagmamasdan kong tulala ang aking asawa ay hindi mapigil ang pagdaloy ng mga luha sa aking mga mata. 

Ilang sandali pa ay lumabas ng kwarto si Zac at sa pagbabalik niya ay may dala siyang isang chocolate cake, iyong paborito ko. May sindi ang isang kandila na nakapatong sa ibabaw nito. Ipinatong ni Zac ang cake sa ibabaw ng munting mesa sa gilid ng aming kama. Nakapatong sa tabi ng cake ang larawan naming palagi niyang tinitingnan at kinakausap. 

"Happy Anniversary, Aina. Umuwi ka na, mahal ko. Please." 

Itutuloy...

I Am Here | PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon