I AM HERE
written by MysteriousAbbysssss
Nagising ako nang marinig ko ang isang pamilyar na musika sa aking tainga. Ang musikang hindi ko pagsasawaang pakinggan. Habang nakapikit ay napangiti ako dahil nanumbalik ang mga alaala ko kasama si Zac. Mga alaala kasama ang taong pinakamamahal ko.
Napawi naman ang mga ngiti sa aking mga labi nang pumasok sa isipan ko ang katotohanang unti-unti na akong nawawala sa isipan ng aking asawa. Dumating na ang araw na kinatatakutan ko, ang araw na sukuan ni Zac ang paghahanap sa akin. Mag-iisang buwan na mula nang mawala ako at ilang buwan mula ngayon ay ikakasal na si Zac sa ibang babae at ang pinakamasaklap pa ay kay Julie siya makikipagisangdibdib.
Naiintindihan ko namang kailangan magpatuloy ang buhay ni Zac kahit wala na ako sa buhay niya. Nakita ko kung paanong gumuho ang buhay niya noong mawala ako. Ayaw kong habambuhay siyang maging pariwara habang naghihintay na mahanap ang isang babaeng imposible nang makabalik. Matatanggap ko pa sana kung magsisimula ng panibagong buhay si Zac kasama ang ibang babae pero kung kay Julie lang din naman, ayoko.
Sino nga ba si Julie sa buhay ko? Ayaw ko ng alalahanin. Hindi ko na gugustuhing alalahanin ang bagay na iyon. Sa pagkakaalam ko ay nabaon ko na sa limot ang masaklap na pangyayaring iyon ngunit tila nakikipaglaro sa akin ang kapalaran.
Ngayon ay tinutugis ako ng nakaraang pilit kong tinatakasan.
Tumayo ako mula sa pagkakahiga sa maruming sahig ng silid upang silipin si Zac. Nakagawian ko nang pagmasdan siya habang natutulog at tuwing gumigising siya sa umaga ay binabati ko pa rin siya at kinakausap kahit alam kong imposibleng marinig niya ako.
Habang patuloy ang pagpapatugtog sa loob ng silid ng paborito naming kanta, lumapit ako sa salamin upang makita si Zac. Alam kong maaaring ikadurog ng puso ko ang maaari kong masaksihan ngunit nagpatuloy pa rin ako.
Kahit kailan, hindi kita iiwan...
Kahit kailan, hindi kita pababayaan...
Kahit kailan...
Kung noon ay kilig at labis na galak ang naidudulot sa akin ng kantang iyan, ngayon ay ibang atake na ang naibibigay nito sa akin. Kung noon ay ito ang musikang lagi kong nanaisin na marinig, ngayon ay ito na ang musikang kahit kailan ay hindi ko nanaising mapakinggan.
Sa saliw ng musikang nagsilbing simbolo ng pagmamahalan naming mag-asawa, nakita ko si Zac na nakatayo sa harapan ng kama, nakapulupot ang mga braso sa baywang ni Julie habang si Julie naman ay nakapatong ang mga kamay sa balikat ng asawa ko. Sinasabayan ng kanilang mga paa ang ritmo ng tugtog na tila sa kanila lamang ang mundo at pinagsasaluhan nila ang isang dalisay na pag-iibigan. Bawat paggalaw ng kanilang katawan ay nagdudulot ng kurot sa puso ko. Parang sinasaksak ng paulit-ulit. Masakit!
Habang paulit-ulit na tumutunog ang casette sa loob ng kwarto ay hindi mapatid ang malagkit na tinginang namamagitan sa kanila. Habang ako'y nakamasid sa isang bahaging hindi nila nakikita, sinusulit naman nila ang isa't isa. Tila isa akong anino sa dilim na pinagmamasdan kung paanong kunin sa akin ng tadhana ang lalaking pinakamamahal ko.
Napatalikod na lamang ako nang makita kong unti-unting naglapat ang kanilang mga labi. Ang mga labing minsang naging akin, pag-aari na ng iba. Hindi ko makayang tingnan kung paano nila pinagsaluhan ang isang halik na dapat sana ay sa akin. Napasandal na lamang ako sa salamin habang hindi mapigilan ang paggulong ng mga butil ng luha sa aking mga mata.
Mistulang isang talon ang aking mga mata na nasanay na sa walang humpay na pag-agos ng mga luhang nanggagaling dito. Kung sana ay nagiging susi ang mga luha upang makalabas ako rito, matagal na sana akong nakaalis.
Umupo ako sa likod ng salamin habang pinapakinggan ko silang dalawa habang nagpapalitan ng mga matatamis na salita. Akala ko ay sa pagkagutom ako mamatay sa lugar na ito, sa sama pala ng loob. Wala ng mas sasakit pa habang nakikita mo ang mahal mo na unti-unting nawawala sa iyo.
"May regalo ako sa iyo, Julie," narinig kong wika ni Zac, ang asawa ko na magiging asawa na rin ng iba. Tumingala ako upang pigilan pa ang mga luhang nagbabadya na namang tumulo.
"Hala, ang ganda naman nito, babe. Bagay na bagay sa akin ang kuwintas na ito," tugon naman ni Julie kay Zac. Napansin kong lumapit pa ito sa salamin ng kwarto at pinagmamasdan ang kuwintas na nakasuot sa kaniyang leeg, ang kuwintas na dapat ay para sa akin.
Tumayo ako upang makita ang kuwintas na iyon. Napangiti ako ng mapakla dahil totoo nga ang sinabi niya, bumagay sa kaniya ang kuwintas na iyon. Siguro, para sa kaniya talaga iyon.
Muli kong silang tiningnan ng mabuti. Kung isa lamang akong normal na tao at hindi ko sila kilala, marahil ay kinilig ako at natuwa para sa kanila, ngunit hindi. Silang dalawa ay tila isang magkapareha na itinadhana upang magkasama habambuhay.
Siguro, magaling magluto si Julie. Siguro, kayang-kaya niyang bigyan ng anak si Zac. Siguro ay sa kaniya nakita ng asawa ko ang mga bagay na wala sa akin. Marahil ay sa kaniya niya natagpuan ang larawan ng isang mabuting maybahay. Siguro.
Paano pa ako lalabas dito kung wala na rin palang naghihintay sa akin? Ang pag-asang tanging kinakapitan ko ay tuluyan nang bumitaw. Paano ko pa gugustuhing lumabas kung ang tanging dahilan kung bakit ko pinipiling lumaban ay nasa piling na ng iba?
Kung ano-anong mga ideya ang pumasok sa isip ko. Marahil ay dulot ng pagkagutom at ang sunod-sunod na pag-atake sa aking emosyonal na kalagayan kung kaya't maraming bagay ang naiisip kong gawin. Malapit na akong mabaliw at hindi ko alam kung kakayanin ko pang tumagal sa katinuan. Pakiramdam ko, ilang araw mula ngayon ay tatakasan na ako ng bait.
Hindi ko namalayan ang aking sarili habang hawak ang takip ng latang binuksan ko kahapon. Wala sa sariling kinuha ko ito at walang emosyong tiningnan. Kung ang tanging paraan upang hindi na ako masaktan ay kitilin ang aking buhay, gagawin ko.
Muli kong ibinaling ang tingin ko kay Zac na nakaupo sa gilid ng kama habang pinagmamasdan si Julie sa kaniyang ginagawa. Ang mga larawan naming mag-asawa na nasa picture frame sa gilid ng kama ay pinalitan niya ng larawan nilang dalawa. Ang mga damit ko ay inalis sa kabinet at ipinalit ang mga dalang damit ng mapapangasawa ni Zac. Unti-unti na akong inaalis sa buhay ng taong mahal ko.
Sa harap ko mismo ay nasasaksihan ko kung paano ako dahan-dahang pinapalitan ng asawa ko. Lahat ng mga larawan namin mula pa noong magkasintahan kami ay nilukot ni Julie sa harapan ni Zac at wala naman akong nakitang ekpresyon sa mukha ni Zac.
Hindi niya pinigilan si Julie sa kaniyang ginagawa. Hinahayaan niya ang babae. May kung ano sa aking isipan na umaasang pipigilan niya si Julie sa ginagawa nito ngunit ako'y nabigo. Umasa akong may katiting na pagmamahal pa para sa akin ang asawa ko. Siguro nga ay gusto na talaga niya akong kalimutan.
At ibibigay ko na ang gusto niya.
Pagod na ako. Pagod na pagod na ako.
Nakita ko pa si Julie nang i-flush niya sa inodoro ng silid namin ang mga larawan naming mag-asawa. Kasabay ng laguslos nito sa tubig ay ang paghiwa ko sa aking pulso gamit ang kalawanging latang magliligtas sa akin sa mailap na kapalarang sinapit ko.
Rinig ko pa ang paglaguslos ng tubig sa inodoro na sinabayan ng unti-unting pagpatak ng sariwang dugo mula sa pulso ko. Pipikit na sana ako at tuluyang isusuko ang sarili nang marinig kong tumunog din ang inodoro sa kwartong kinalalagakan ko. Ang mga larawan na ni-flush kanina ni Julie ay tuluyang napunta sa inodorong nasa tabi ko.
Ibig sabihin ay magkaugnay din ang mga palikuran sa kwarto at dito sa lihim na silid. Agad kong pinunit ang aking palda at ang telang napunit ay ibinalot ko sa dumudugo kong pulso. Hindi pa ito ang panahon para mamatay. May pag-asa pa! Kailangan kong mabuhay at makalabas dito.
Itutuloy...
BINABASA MO ANG
I Am Here | PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATION
Mystery / ThrillerStatus: Completed Language: Taglish Genre: Mystery-Thriller Weeks after getting married, the wife woke up stuck inside a mirror. How will she survive? Can she handle the truth she'll see underneath the reflection? How can she tell her husband that s...