[Kabanata 1]
Two months earlier...
ABALA ang lahat sa hacienda Salazar. Magkatulong na inilatag ng dalawang kasambahay ang bagong labang puting mantel ng mesa. Ikinakabit na rin ng iba ang mga maninipis na puting kurtina na masinop na binurdahan ng mga bulaklak.
Ang sahig ay paulit-ilit na pinapakintab gamit ang bunot. And bawat sulok ng mga paso, aparador, silya, mesa at mga larawan sa oleo na nakasabit sa bawat dingding ay mabusising nililinis.
Mga sariwang bulaklak ng adelpa ang ipinapatong sa mga mesa at tabi ng bintana. Halos napapangiti ang lahat sa mabangong amoy ng mga putahe na niluluto sa kusina. Hindi matapos ang pagpasok at pag-alis ng mga agwador upang sumalok ng tubig sa balon ng hacienda.
Ang bawat putahe na ihahain sa pista ay pinapangunahan ni Agnes, ang maybahay ng hacienda Salazar. Bagaman labing-walong taong gulang pa lamang siya ay kinakikitaan na siya ng galing sa paghawak ng sambahayan. Sa tulong ni Manang Oriana at ng kaniyang ina na si Doña Vera Romero ay unti-unting nahuhubog at natututo si Agnes sa mga dapat tutukan sa pag-aasawa at tahanan.
Magiliw na binabati ng mga kasambahay si Agnes na matamis din silang nginingitian pabalik. Nauuna ang kaniyang ina at ang kanang-kamay nito na si Manang Oriana, mabusisi nilang binabantayan ang lahat ng kasambahay. Paulit-ulit na pinapaalalahanan na ingatan ang bawat kasangkapan.
Samantala, may takot at pagkailang ang mga kasambahay kay Doña Vera at Manang Oriana ngunit pagdating kay Agnes ay kampante at lubos silang nagpapasalamat sa kabutihan at pagiging maunawain nito.
Sinasabing nagmana si Agnes sa kaniyang ama na si Don Rafael Romero. Mahinahon, tahimik at matalino ang Don dahilan upang mabilis nitong mapaunlad ang bayan. Si Don Rafael ang alcalde mayor ng Kawit.
Samantala, si Doña Vera naman ay matalim kung tumingin at strikta. Ang Doña ay mestiza, matangkad, payat at mataas ang ilong. Nasa edad limampu pa lamang ito. Sampung taon na mas bata kaysa sa kaniyang asawa. Si Agnes lang ang nakakapagpangiti sa kaniya. Sabihin man ng iba na may pagkagahaman at uhaw sa materyal na bagay si Doña Vera ngunit para kay Agnes ay walang makakatalo sa pag-aalaga at pagmamahal ng ina sa kaniya.
"Namulaklak na ang adelpa na itinanim ko noong isang taon?" gulat na tanong ni Agnes nang makita ang kulay lila (violet) na adelpa sa porselanang paso.
"Opo. Tila ibig din matunghayan ng mga bulaklak na ito ang pagsalubong natin sa pista ngayong taon" ngiti ng kasambahay na si Ana. Labing-apat na taon pa lang ito, halos lumaki na siya sa pamilya Romero. Isa rin siya sa mga kasambahay na ipinadala ng pamilya Romero nang mag-asawa si Agnes.
Napangiti si Agnes saka pinagmasdan ang bulaklak. Nakahiligan niya rin ang pagtatanim. Mapa-bulaklak, halamang gamot, gulay, puno at mga palay ay kaya niyang gawin. Ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Teodoro ay isang mananaliksik ng mga halamang gamot. Ilang buwan na rin ang nakakalipas mula nang magtungo ito sa Malaya upang tumuklas ng mga bagong gamot.
Hindi na mawala ang mga ngiti sa labi ni Agnes nang makita ang malalaking kurtina na halos isang taon nilang binurda kasama ang kaniyang ina, si Manang Oriana at ang mga kasambahay. Magaling din sa pagbuburda at pananahi si Agnes. Sa katunayan ay madalas niyang ipinagbibili ang mga naburda niyang panyo noong siya ay sampung taong gulang pa lamang. Ang salaping kaniyang nalilikom ay ibinibigay niya sa mga batang ulila na inaalagaan ng mga madre.
"Sa susunod na taon ay kulay lila na kurtina naman ang ating iburda" suhestiyon ni Agnes saka hinawakan ang kurtina at umikot-ikot doon ng tatlong beses sa tuwa. Napangiti ang lahat sa kaniya, tila siya pa rin ang batang Agnes na mahilig magtago at maglaro sa kurtina.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo
Historical Fiction"I'm sorry, I love you." Married to a man who hates her family to death, Agnes Romero Salazar is in vain as she discovered her husband's secret affair. Following an accident that changed their life, will she be able to see Alfredo in a new light? Or...