Kabanata 8 - Adelpa

103K 5.3K 5.7K
                                    

[Kabanata 8]

MABILIS na nilagok ni Mateo ang kinatas na ugat ng Valerian Safron na nakakatulong upang makatulog sa kanyang pagtulog. Dumaranas siya ng matinding pagkapuyat. Ang mga huling alaala niya sa dating kababata ay patuloy na nananatili sa kanyang isipan.

Kung sana ay hinarap niya ito noong dinalaw siya nito sa ospital. Kung sana ay nagawa niya itong kausapin at alamin kung ano ba ang bumabagabag sa isipan nito. Kung sana ay maaaring ibalik ang oras at ang huling sandaling iyon ay hindi na niya sasayangin pa.

"Señor Mateo, magtatakip-silim na ho, tiyak na naghihintay na sina Don Dario at Doña Lara sa hapunan" wika ng kutsero. Nanatiling nakatingin si Mateo sa bintana ng kalesa habang tinatahak nito ang bayan.

Karamihan sa mga tindahan na kanilang nadaraanan ay nagsasara na. Isa-isa na ring binubuksan ng mga tao ang lampara sa kanilang mga tahanan. Napatingin si Mateo sa isang tindahan na bukas pa at may mga tao pa sa labas.

Nakita ni Mateo ang mga bote ng alak na nakahelera sa mesang nasa labas. "Itigil mo sandali" wika niya sa kutsero. Bumaba si Mateo saka naglakad papalapit sa tindahan. Nakaramdam na siya ng pagkaantok dahil sa ininom na halamang gamot.

Ngunit batid niya na hindi na iyon mabisa tulad ng dati. Sa madalas niyang pag-inom ng ganoong uri ng gamot ay mas nasasanay na ang kanyang katawan sa epekto niyon. "Magandang gabi po, Ginoo. Ano pong inumin ang inyong nais?" tanong ng tindera.

Sandaling tinitigan ni Mateo ang mga bote ng alak, kinuha niya ang isa saka pinagmasdan. "Iyan po ay nagmula sa Pransiya" wika ng tindera. Kumuha pa ito ng ilang paninda upang ialok sa kaniya.

Napansin ng tindera na hindi naman binabasa ni Mateo ang pangalan ng alak. Tinititigan nito ang sariling repleksyon sa bote ng alak. "Ibig niyo po ba pumasok sa loob? Marami pa po kaming nakaimbak doon" patuloy ng tindera saka itinuro ang loob ng tindahan.

Ibinalik ni Mateo ang alak sa mesa saka naglakad papasok sa loob. Sandali niyang inilibot ang mga mata. May limang taong naroroon na abala sa pagpili. Nanlalabo na ang kanyang mga mata, dinadatnan na rin siya ng antok. Ibig niyang matulog nang maaga upang makahabol sa unang byahe ng barko patungo sa Maynila sa madaling araw.

Aalis na lang dapat siya ngunit napansin niya ang alak na madalas nilang pagsaluhan ni Teodoro. Naisip niyang bilhin iyon upang ipasalubong sa kaibigan. Nang aabutin na niya ang alak ay may kamay na unang humawak sa bote.

Agad binawi ng babae ang kanyang kamay at nagbigay-galang ito. Itinapat din ni Mateo ang suot na sumbrero sa kanyang dibdib. "Paumanhin, binibini---" hindi na natapos ni Mateo ang kanyang sasabihin dahil nang tumingala siya ay wala ng salitang lumabas sa kanyang bibig.

"Bibilhin niyo po ba ito, Ginoo?" tanong ng babae sabay turo sa alak na pareho nilang nahawakan. Nanatiling tulala si Mateo, napapikit siya at nang muling imulat ang kanyang mga mata ay hitsura pa rin ni Agnes ang nasisilayan niya.

"Kung hindi, ibig ko sanang bilhin para sa aming itay" patuloy ng babae saka ngumiti nang kaunti. Ngunit nawala rin ang ngiting iyon dahil hindi sumasagot si Mateo na gulat pa ring nakatingin sa kaniya.

"May napili na ho ba kayo?" tanong ng tindera nang makapasok ito sa loob ng tindahan. Napatingin si Agnes sa bote ng alak. Napatingin din siya sa lalaking kaharap. Tinanong niya muli ito ngunit nakatitig lang ito sa kaniya na tila ba may malalim itong iniisip at may taong hinahanap sa kanyang katauhan.

"Nag-iisa na lang ho iyan" saad ng tindera. Napakagat si Agnes sa kanyang labi sabay kuha sa bote ng alak. "Ako na lang ang ho ang bibili" maagap na wika ni Agnes saka mabilis na inabot ang bayad sa tindera.

Bago siya lumabas sa tindahan ay nakatingin pa rin sa kaniya ang lalaki. Tumango lang si Agnes bilang paghingi ng paumanhin dahil hindi na niya hinintay ang sagot ng lalaki bago niya bilhin ang alak.

Lo Siento, Te AmoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon