[Kabanata 29]
MABAGAL ang kilos ni Mateo habang isa-isang inilalagay sa kanyang maleta ang mga gamit sa pagsusuri ng pasyente. Malalim na ang gabi ngunit siya ay nakabihis nang maayos suot ang kulay abong gabardino, itim na pantalon at sumbrero.
Sandali siyang napatitig sa balisong na ibinigay sa kaniya ni Mang Pretonio. Ilang taon na rin mula nang siya ay huling mag-ensayo sa pagtutudla. Kinuha niya ang rebolber na nasa ilalim ng kaniyang tukador. Mahigpit na ipinagbabawal ang pag-aari ng armas ngunit hindi niya isinuko ang baril na minana niya pa sa ama.
Nag-iisang lampara ang nagbibigay liwanag sa kaniyang madilim na silid na nababalutan ng usok ng inenso. Pinagmasdan niya ang rebolber, nagagamit niya lang ito noon sa tuwing nag-eensayo kasama ang ama. Hindi na niya matandaan kung ilang taon na rin ang lumipas.
Buong buhay niya ay nabuhay siya nang mapayapa. Hindi siya kailanman nasangkot sa gulo sa paaralan o sa anumang bagay. Nang makatapos siya sa pag-aaral ay naging abala siya sa kaniyang mga tinutuklas na gamot. Hindi rin siya nasangkot sa anumang pandaraya o anumalya sa pagtutuklas. Kung kaya't hinahangaan siya ng karamihan dahil sa tapat niyang mga gawain.
Ngunit ang kapayapaan ay nakasasawa rin. Ang paulit-ulit na takbo ng buhay ay nakakabagot tulad ng isang kulay na walang halong katingkaran. Takot siyang sumubok sa mga bagay na mapanganib, sa mga sitwasyon na maglalagay sa kaniya sa alinlangan. Nasanay siya na mabuhay ayon sa agos ng karamihan.
Marahil ay iyon na rin ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi niya nagawang ipaglaban ang nararamdaman para sa nag-iisang babaeng kaniyang sinisinta mula pagkabata. Natakot siyang sumubok. Natakot siyang patunayan ang sarili.
Sinariwa niya ang kanilang kabataan. Kung paano sila masayang naghahabulan sa hardin ng hacienda Romero, kung paano siya humahanga kay Agnes lalo na sa tuwing ngumingiti ito, kung paano niya unang naramdaman ang hiya at pagkailang mula nang sila ay magbinata at magdalaga at kung paano niya sinikap mag-aral nang mabuti dahil batid niyang humahanga si Agnes sa mga matatalinong tao.
Bukod doon ay sinikap din niyang makakuha ng matataas na marka at magawaran ng mga parangal upang may mapatunayan kay Don Rafael. Hangad niyang maging una sa klase at mapabilib ang ama ni Agnes. Sa ganoong paraan ay umaasa siya na magbago ang isip nito at hindi maliitin ang mga Sangley.
Nababatid ni Mateo na makapangasawa si Agnes ng ibang lahi bukod sa may dugong Kastila. Mabait si Don Rafael sa kaniya ngunit hangad nito na manatili siyang kaibigan nina Teodoro at Agnes. Minsan siyang sinabihan ng Don na nais nitong makita na hanggang sa pagtanda ay nariyan siya para sa dalawa niyang anak bilang kaibigan.
Una siyang pinanghinaan ng loob dahil sa pagtutol ni Don Rafael hanggang sa unti-unti na siyang nawalan ng kumpyansa. Hindi man siya direktang kinausap ni Don Rafael, ngunit sa mga paalala, tingin at sa mga salitang ginagamit nito ay ipinahihiwatig nito ang hangganan sa pagitan niya at ni Agnes. Bagaman siya ay may salapi at pinag-aralan ay hindi pa rin iyon sapat kung ang lahing kaniyang kinabibilangan ay hindi pabor sa dating alkalde.
Sa kaniyang gunita ay sinubukan naman niya ngunit hindi sapat. Sinubukan niyang magtapat ngunit hindi malinaw. Sinubukan niyang iparamdam ang kaniyang lihim na pagsinta ngunit hindi malinaw kay Agnes kung kabutihan ba iyon bilang kaibigan o may higit pang dahilan.
Naalala ni Mateo ang sinabi ni Emma, ang kaduwagan ay para lamang sa mga talunan. Napatingin siya sa salamin at nakita ang sariling repleksyon. Hindi niya sinimulan ang buhay na ito kasama si Agnes kung magiging duwag din siya sa huli.
Wala siya noong nalulungkot at nasasaktan si Agnes sa piling ni Alfredo. Pinili niyang umiwas noong sinubukan siyang puntahan ni Agnes sa ospital bago ito tambangan ng mga tauhan ni Don Asuncion sa kagubatan. Naging duwag siya noong mga panahong higit na kailangan ni Agnes ng tulong.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo
Historical Fiction"I'm sorry, I love you." Married to a man who hates her family to death, Agnes Romero Salazar is in vain as she discovered her husband's secret affair. Following an accident that changed their life, will she be able to see Alfredo in a new light? Or...