Kabanata 32 - Ang Hangarin

62.5K 3.4K 7K
                                    

[Kabanata 32]

MALAYO pa lang ay natanaw na ni Agnes ang maliit na tahanan na tinitirhan ngayon ng kaniyang pamilya. Umaga na nang makarating sila sa Kawit. Naiwan si Mateo sa ospital ng Maynila dahil kailangan nitong pumunta sa paglilitis na mangyayari sa Sabado.

"Marahil ay gising na ang iyong ina" wika ni Don Rafael saka tumingin sa anak at ngumiti nang marahan. Hindi malaman ni Agnes ang dapat na maramdaman, ang totoo ay hindi pa malinaw sa kaniyang alaala kung ano ang hitsura ng kaniyang ina.

Tumigil ang kalesa sa tapat ng bakuran na halos walang tanim. "Hinihintay ka na rin ni Manang Oriana" saad ni Teodoro saka inalalayan ang kapatid pababa ng kalesa. Naalala niya ang ikinuwento noon ng pintor at ni Sor Cecilia, ang pamilya Romero ay isa sa mga makapangyarihan at marangyang pamilya noon bago mangyari ang trahedya.

Nakaramdam ng konsensiya si Agnes. Pakiramdam niya ay siya ang dahilan kung bakit naghirap ang kanilang pamilya at nagkasakit ang kaniyang ina. Sa loob ng limang taon ay nabuhay siya nang payapa at masaya sa piling nina Mang Pretonio at Selio habang ang kaniyang tunay na pamilya ay nabaon sa utang at nagluluksa sa kaniyang pagkawala.

"Diyos ko!" ang tanging nasabi ni Manang Oriana nang buksan nito ang pinto at makita si Agnes. Napatakip ng bibig ang matanda at agad tumakbo papalapit sa kaniyang alaga. Ilang gabi na siyang hindi makatulog mula nang dumating ang liham ni Teodoro sa kanila. Naistatwa si Agnes nang yakapain siya ni Manang Oriana. Animo'y nasa isa siyang panaginip kung saan sa isang iglap ay may mga estranghero na ngayon ay nagpapakilala sa kaniya bilang pamilya.

"Salamat sa Diyos at buhay ka, hija!" hagulgol ni Manang Oriana saka hinawakan ang magkabilang pisngi ni Agnes at muli itong pinagmasdan. Pamilyar kay Agnes ang boses ng matandang babae ngunit hindi niya rin maalala ang hitsura nito.

"Naghanda ako ng agahan, halika't kumain na kayo!" wika ng matanda saka hinawakan ang kamay ni Agnes at nauna na silang pumasok sa loob. Sumunod sina Don Rafael at Teodoro na nagbaba pa ng ilang gamit ni Agnes.

"Pasensiya na kung ito lang ang aking naihanda" patuloy ni Manang Oriana saka pinaupo si Agnes sa isang silya at sinandukan ng kanin. Nanatiling nakatingin si Agnes kay Manang Oriana, ang bawat kilos nito at kung paano siya asikasuhin ay pamilyar sa kaniya.

"Ano ang iyong ibig kainin, hija?" tanong ni Manang Oriana, ang totoo ay hindi pa nakakaramdam ng gutom si Agnes.

"Nasaan po si ina?" tanong ni Agnes, ang pagbanggit ng salitang ina ay tila bago sa kaniya. Napatingin si Manang Oriana kina Don Rafael at Teodoro na kakapasok lang sa loob ng bahay. Napagtanto ni Manang Oriana na walang ideya si Agnes na karamdaman ngayon ni Doña Vera.

"Ako na ang maghahatid sa kaniya kay ina" saad ni Teodoro na naunang maglakad patungo sa katabing silid. Tumayo si Agnes at sumunod sa silid na binuksan ni Teodoro, agad sumalubong sa kaniya ang matapang na amoy ng insenso at mga sinunog na halamang gamot sa loob.

Madilim ang loob ng silid kung saan ay namataan niya ang babaeng nakahiga sa kama at nakatalikod. Animo'y lantang-gulay na ito na ubod ng payat. Sumunod si Manang Oriana, ito ang unang lumapit kay Doña Vera, marahang tinapik ang balikat upang gisingin.

Nagsimulang humakbang papalapit si Agnes habang nakatingin sa babaeng inaalalayan ni Manang Oriana maupo sa kama. "Naputol ang aking sinulid. Kailan tayo bibili?" walang lakas na tanong ni Doña Vera, madalas itong magsabi ng mga kung anu-anong bagay na walang koneksyon sa kaniyang ginagawa.

"Bibili ho tayo mamaya" tugon ni Manang Oriana na animo'y sanay na sa mga ganoong pag-uusap. Sinasagot nila ang mga tanong nito at ang mga sinasabi na tila ba walang mali o kakaiba sa dating masiglang doña.

Lo Siento, Te AmoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon