[Kabanata 23]
MARAHANG sinusuklay ni Emma ang buhok ni Carlos habang mahimbing itong natutulog. Dalawang beses na siyang pinuntahan ni Alma upang sabihin na nakahanda na ang agahan. Mas payapa ang buhay ngayon ni Emma dahil nasa Kawit sina Don Asuncion at Doña Helen.
Muling kumatok sa pinto si Alma at pumasok, "Señora, lalamig na po ang kape..." hindi na nito natapos ang sasabihin dahil nagsalita na si Emma.
"Ano palang nangyari sa ipinadala kong gamit para kay doktor Ong" tanong nito nang hindi tumitingin sa tagapagsilbi. Patuloy niyang pinagmamasdan ang anak na tila payapang anghel habang natutulog.
"Si Señor Alfredo na po ang nagdala niyon kay Señor Mateo" tugon ni Alma na ikinagulat ni Emma.
"Paanong...? Hindi ba't ikaw ang pinagbigyan ko niyon?!" saad ni Emma, napataas ang boses nito dahilan upang magulat si Alma. Ang kalmado at may mahabang pasensiya na maybahay ng pamilya Salazar ay pinagtaasan siya ng boses.
Napatingin si Alma kay Carlos na muntik pang magising dahil sa pagsigaw ni Emma. Napayuko si Alma, "B-bago po kami makaalis ay nakasalubong po namin si Señor Alfredo at sinabing siya na po ang magbibigay kay Señor Mateo dahil papunta rin po siya sa ospital"
Napahawak sa sentido si Emma, hindi maunawaan ni Alma ang naging reaksyon ni Emma gayong sinabi nito na ang laman ng itim na baul ay mga gamot na nireseta kay Carlos na makakatulong sa pagsusuri ni Mateo.
Tumayo si Emma at kinumutan si Carlos. Huminga siya nang malalim saka lumapit kay Alma at hinawakan ang kamay nito. "Pasensiya na, Alma. Ako'y nadala lamang ng aking emosyon. Huwag mo sana damdamin ang nangyari" tumango si Alma saka ngumiti nang marahan, naglaho na rin ang kaniyang matinding pag-aalala dahil humingi agad ng tawad si Emma sa biglaan nitong pagtataas ng boses.
"Ipahanda mo ang kalesa, magtutungo tayo ngayon sa tahanan ni doktor Ong. Kailangan kong makasiguro na natanggap niya ang ipinadala ko" bilin ni Emma, tumango si Alma saka mabilis na ipinahanda ang lahat ng kakailangan ng kaniyang señora.
Makalipas ang kalahating oras ay narating na nila ang bahay ni Mateo. "Señora, ika-walo na po ng umaga, maaaring nasa ospital na si doktor Ong" wika ni Alma na naunang bumaba upang alalayan si Emma pababa ng kalesa.
Napatingala si Emma sa laki ng bahay ng tanyag na doktor. Tunay nga na hindi nito kailangan ng salapi at walang halaga magkano man ang ialok niyang bayad. "Mas mabuti na makausap natin siya rito. Maaaring isipin ng mga kasamahan niya sa ospital na tayo'y desperado na" saad ni Emma.
Napatigil sila nang biglang bumati si Mang Lucio na lumundag mula sa nakaparang kalesa upang bumati sa kanila. M-magandang umaga po, Señora Emma" bati ni Mang Lucio habang nakayuko. Napahilamos ng mukha si Mang Lucio. Nabanggit ni Alfredo sa kaniya na kahawig ni Liliana si Agnes na dati niyang asawa.
Samantala, hindi nakagalaw si Agnes dahil sa tanong ni Alfredo. Hindi niya maintindihan kung bakit sa dinami ng itatanong nito ay ang nararamdaman niya para kay Mateo ang napili nitong itanong. Kahit sino ay walang karapatan na kuwestyunin ang pagmamahalan ng dalawang tao. At anong karapatan ni Alfredo na alamin iyon?
Napatigil si Agnes nang marinig ang hakbang mula sa hagdan, nagawi ang kaniyang paningin sa pintuan na nahaharangan ng kurtinang gawa sa mga pulang beads. Maging si Alfredo ay napatingin sa kaliwa. Naaninag nila ang babaeng paparating kasunod ang tagapagsilbi nito.
"Señora Emma!" nagulantang ang lahat sa lakas ng boses ni Mang Lucio mula sa labas. Napatigil sina Emma at Alma napalingon sa ibaba. Nabitiwan ni Alfredo ang kamay ni Agnes at agad dumungaw sa bintana.
Naiwang tulala si Agnes sa kamay niyang mag-isa muli sa ere na kanina lang ay hawak ni Alfredo.
Napalunok si Mang Lucio nang magtama ang mata nila ni Alfredo. "Señora Emma! N-nakaharang po ang inyong kalesa sa kalsada!" patuloy ni Mang Lucio gamit ang malakas nitong boses.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo
Historical Fiction"I'm sorry, I love you." Married to a man who hates her family to death, Agnes Romero Salazar is in vain as she discovered her husband's secret affair. Following an accident that changed their life, will she be able to see Alfredo in a new light? Or...