Kabanata 31 - Patay na Lupain

69K 3.7K 8.8K
                                    

[Kabanata 31]

ABALA sa pagdidilig ng mga bulaklak at halaman si Agnes sa hardin ng hacienda Romero nang narinig niya ang pagtawag ni Ana sa kaniyang pangalan. Tumatakbo ito papalapit habang ikinakaway ang hawak na sobre.

"Ilang ulit ko nang sinabihan 'yan si Ana na huwag tumakbo" saad ni Manang Oriana na nakatayo sa tabi ni Agnes habang tinutulungan ito sa pagdidilig sa hardin. Hinihingal na tumigil si Ana sa tapat nina Agnes at Manang Oriana saka iniabot ang hawak na dalawang sobre.

"Bumalik ho ang liham na ipinadala niyo sa Maynila" saad ni Ana habang pilit na hinahabol ang kaniyang paghinga. Kinuha ni Agnes ang dalawang sobre na nakapangalan kay Mateo. Ang isa ay naglalaman ng imbitasyon sa kaniyang nalalapit na kasal.

"Akin din pong napag-alaman na lumisan na po si Señor Mateo patungo sa Europa noong Lunes" patuloy ni Ana dahilan upang gulat na mapatingin sa kaniya si Agnes. Napayuko si Manang Oriana saka muling sumalok sa balde at nagpatuloy sa pagdidilig. Nararamdaman niya na hindi dadalo si Mateo sa kasal kung kaya't hindi na siya nagulat.

"Wala ba siyang iniwan na liham? Paanong..." hindi na natuloy ni Agnes ang sasabihin. Hindi niya akalaing magagawang umalis ni Mateo nang hindi nagpapaalam sa kanila. Wala rin siyang ideya na may balak pala itong mag-aral sa ibang bansa.

Napatitig si Agnes sa dalawang sobre, selyado pa ito senyales na hindi man lang nabuksan o nabasa ni Mateo. "Siya nga po pala, uuwi na po si Señor Teodoro mamaya" dagdag ni Ana na napag-alaman niya sa katiwala nila na kakarating lang din. Tinatapos lang ni Teodoro ang mga papeles nito at ang pagkuha ng certifico.

Dalawang araw na lang bago ang kasal. Halos abala na ang lahat sa paghahanda. Pumasok na sa mansyon si Agnes, mabusisi nang nilalampaso ng mga kasambahay ang sahig. Umakyat si Agnes sa ikalawang palapag, sa isang bakanteng silid ay nakita niya ang mga mananahi na abala sa paglalagay ng makikintab na manik sa kaniyang isusuot na traje de boda.

Pagpasok ni Agnes sa kaniyang silid ay marahan niyang isinara ang pinto. Hindi niya malaman kung bakit nakakaramdam siya ng kalumbayan. Maganda naman ang gising niya kaninang umaga ngunit nang dumating ang balitang umalis na si Mateo ay hindi niya malaman kung bakit tila sandaling nawala siya sa sarili.

Inilapag niya sa mesa ang dalawang sobre. Hiniling din niya roon kung maaari ay tumayo si Mateo sa tabi ni Alfredo dahil wala itong ibang kaibigan na aabay sa kasal. Napatingin si Agnes sa bintana nang marinig ang pagdating ng mga sako-sakong bigas, kamote, gulay at prutas na lulan ng mga kariton. Kasunod niyon ay dala na rin ng mga manggagawa ng kanilang hacienda ang mga napiling baka, baboy at manok na kakatayin para sa pagsasalo-salo na magaganap pagkatapos ng kasal.

Natauhan si Agnes nang marinig ang pagbukas ng pinto sa kaniyang silid, "Narito ka pala anak" ngiti ni Doña Vera saka pinapasok ang dalawang kasambahay na nagdala ng isa pang puting traje de boda na isusuot ni Agnes sa pagsasalo-salo. Tatlong damit ang ipinagawa ni Doña Vera para sa anak upang masiguro na ito ang pinakamagandang babae sa araw ng kaniyang kasal.

"Darating mamaya ang mag-aalahas na ipinadala ni Doña Helen, pipili tayo ng mga alahas para sa kasal" saad ni Doña Vera, magsasalita sana si Agnes ngunit lumapit ang isang kasambahay kay Doña Vera upang ipakita ang mga kurtina na isasabit nila sa mga bintana.

Isinara na ni Doña Vera ang pinto, naiwan muli mag-isa si Agnes sa loob ng kaniyang silid. Ilang segundong nanatili si Agnes sa kaniyang kinatatayuan. Nais niyang itanong sa ina kung nagpadala ba ng liham si Mateo, kung may nakakuha ba sa mga kasambahay o kung dumaan ba ito sa kanilang bahay ngunit batid niya na wala nang saysay kung aalamin niya pa iyon gayong tuluyan nang nakaalis si Mateo.

Naupo si Agnes sa silya. Kinuha niya ang itim na baul at inilagay doon ang dalawang liham niya para kay Mateo. Naroon din ang ibang liham niya kay Mateo at ang mga tugon nito noong nag-aaral pa ito sa Maynila.

Lo Siento, Te AmoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon