Lo Siento, Te Amo

63.6K 3.3K 2.1K
                                    

Isang awitin ang nagpatahimik sa lahat. Ang musikang handog ng isang yumaong lalaki para sa kaniyang asawa na inakala niyang namayapa na noon. Ngunit ngayon ay kasalukuyan itong inaawit ng mga manunugtog sa burol ng pinakabatang madre na tatlong taon pa lang nananatili sa kumbento.

Nababatid ng lahat ang pinagdaanan nito. Sa kabila niyon, ay walang nakakaalam kung ano ba ang buong kuwento. Maging ang yumaong madre ay unti-unting nakalimot sa lahat dulot ng karamdaman na ikinasawi nito.

Pumapatak ang marahan na ambon na nakadagdag sa malalim na pakikinig ng lahat sa musikang umaalingawngaw sa burol. Ilang oras na lang ay ihahatid na rin nila ito sa huling hantungan. Natagpuang walang buhay ang kanilang kapatid na madre sa silid nito. Sinasabing ilang araw na nitong binabanggit na natagpuan na niya ang paraiso. Ang totoo ay walang malaking hardin na pagmamay-ari ang orden ng mga madre.

Ang musika ay naghahatid ng kalungkutan sa lahat, ang liriko nito ay nagpapaunawa sa kanila kung ano ang mensaheng nais nitong ipaabot. Madalas pinanghahawakan ng tao ang bukas. Na baka may pag-asa pa sa susunod, na baka maaari pang bumawi, na sa susunod ay baka maging maayos na ang lahat.

Ngunit nakakaligtaan ang posibilidad na paano kung wala na palang pangalawa, pangatlo o mga susunod pang pagkakataon?

Ang paggawa ng mali sa kasalukuyan ay nagiging katanggap-tanggap sa paniniwalang sa susunod ay maaari pang makabawi. At sa mga kasalanang nagawa ay naroon ang kaisipang maaari pang humingi ng tawad dahil may sapat na panahon pang nalalabi upang maghilom ang sugat.

Subalit hindi sa lahat ng oras ay dapat nating panghawakan ang sunod na pagkakataon. Dahil hindi lahat ay pinalad na magkaroon niyon. Ang mga bagay na tinatamo sa kasalukuyan ay dapat pahalagahan na tila ba wala ng bukas.

Bago magtapos ang musika ay napatingin si Sor Fernanda sa yumaong babae na anak na rin niya kung ituring. Kahit papaano ay napanatag na ang kaniyang puso't isipan na natapos na rin ang lahat ng paghihirap ng dalawang kaluluwa na biktima ng marahas na mundo.

Nagawi ang tingin ni Sor Fernanda sa katabing bintana kung saan tumigil na ang pag-ambon, at unti-unting sumisilip ang liwanag sa makulimlim na langit. Ang bagay na iyon ay nagpangiti sa kaniya. Ang masakit na musika ay naghatid na sa kaniya ng kapanatagan na sa huli ay payapa na ang dalawa sa paraiso. 


"Lo Siento, Te Amo" Original Song by Eica Cabalcar

Lo Siento, Te AmoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon