[Kabanata 21]
SANDALING pinagmasdan ni Alfredo ang liham mula sa Munisipyo na nagbibigay ng pahintulot na maaari nang hukayin ang libingan ni Agnes Romero Salazar. Naalala ni Alfredo ang kalagayan ng kanyang dating biyenan. Siya mismo ang maghahatid ng labi ni Agnes sa sementeryo ng Kawit bago niya sasabihin sa mag-asawang Romero ang paglipat niya ng libingan ni Agnes.
Natauhan si Alfredo nang marinig ang tatlong katok mula sa pinto ng kanyang silid. Kasalukuyan silang nasa Maynila upang ipagamot si Carlos na hanggang ngayon ay nilalagnat pa rin. "Bukas iyan" wika ni Alfredo saka inilagay sa isang baul ang liham.
Ngumiti nang bahagya si Emma, "Magtutungo na ako sa ospital. Sasabay ka ba?" tanong ni Emma saka isinara ang pinto sa kanyang likuran.
"Dadaan muna ako sa sementeryo" tugon ni Alfredo saka kinuha ang kanyang maleta.
"Ngayon mo na ba ipapahukay ang libingan ni Agnes?" tanong ni Emma, nabanggit din naman ito ni Alfredo sa kanila habang naghahapunan sila noong isang gabi. Sumang-ayon si Doña Helen at sinabi na marapat lang upang hindi na bumyahe pa nang malayo ang mga magulang ni Agnes. Wala namang imik si Don Asuncion.
Tumango si Alfredo bilang tugon, "Tiyak na matutuwa ang pamilya Romero dahil mas mapapalapit na sa kanila si Agnes" saad ni Emma saka ngumiti nang bahagya. Naglakad na si Alfredo patungo sa pinto ngunit napatigil siya nang magpatuloy si Emma.
"Galit pa rin ba sa 'yo ang pamilya Romero?" tanong ni Emma, bakas sa mukha nito ang pag-aalala lalo pa't siya ang sinisisi ng lahat.
Tumingin sa kanya si Alfredo, napayuko si Emma. Pareho nilang iniiwasang pag-usapan ang pamilya Romero at ang nakaraan. Ngunit hindi mapigilan ni Emma na alalahanin din ang kalagayan ng pamilya na kaniyang nasaktan.
"Señor Alfredo, naghihintay na po sa ibaba si Mang Lucio" tumango si Alfredo saka lumabas na sa silid. Ipinikit na lang ni Emma ang kanyang mga mata saka huminga nang malalim.
Tanghali na nang makarating si Alfredo sa sementeryo ng Paco. Nakatayo na rin sa paligid ng libingan ni Agnes ang tatlong kalalakihan na siyang maghuhukay. May hawak silang mga pala at nakahanad na rin ang bagong kabaong na paglalagyan ng mga buto at gamit ni Agnes.
Nakatingin sila kay Alfredo, hinihintay ang senyas nito upang masimulan na nila ang paghukay. Nakatingin si Alfredo sa lapida at puting krus na may nakasabit na tuyong kuwintas na adelpa. Ngayong araw ang kaarawan ni Agnes. Kailanman ay hindi niya ito nabati noong nabubuhay pa ito. Hindi niya rin ito nakasamang magdiwang ng kaarawan.
Kay daming bagay ang hindi niya nagawa para sa asawa at ngayon ay huli na ang lahat upang alalahanin kung may magagawa pa ba siya upang makabawi. Tumango na si Alfredo kay Mang Lucio na siyang nagbigay ng utos sa mga taga-hukay na simulan na ang paghuhukay.
Makalipas ang ilang sandali ay napatingala si Alfredo sa langit nang mapansin ang pagkulimlim nito. Napansin din iyon ni Mang Lucio kung kaya't sinabihan niya ang mga manggagawa na bilisan ang paghukay dahil mas mahihirapan sila kapag naabutan sila ng ulan. Magiging madulas at maputik ang sementeryo.
Samantala, isang magarbong kalesa ang dumaan sa likuran ng sementeryo. Napatingala si Agnes sa langit habang hawak ang kumpol ng bulaklak. Lulan siya ng kalesa na maghahatid sa kanya sa Munisipyo.
Nahirapan ang mga naghuhukay sapagkat malalim ang libingan. Makalipas ang halos kalahating minuto ay naaninag na nila ang kahoy na kabaong. Maingat nila itong tinalian at hinila pataas. Nababalot ng buo-buong lupa ang kabaong.
Nagtatakang napatitig si Alfredo sa kabaong, hindi niya maunawaan kung bakit buo pa ito at walang bakas na inuod. Maging si Mang Lucio ay nagtatakang pinagmasdan ang kabaong, hinawakan niya pa ito at tinanggal ang ilang lupa sa ibabaw.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo
Historical Fiction"I'm sorry, I love you." Married to a man who hates her family to death, Agnes Romero Salazar is in vain as she discovered her husband's secret affair. Following an accident that changed their life, will she be able to see Alfredo in a new light? Or...