[Kabanata 26]
Sa isang malawak na lupain matatagpuan ang iba't ibang uri ng bulaklak tulad ng mirasol, orkidyas, krisantemo at palong-manok na napapalibutan din ng mga luntiang halaman. Samu't saring paro-paro at bubuyog ang lumilipad sa kilalang paraiso.
Kasabay ng pagsikat ng araw ang pagbukas ng talulot ng mga bulaklak at ang pagyuko ng mga ito pagsapit ng takipsilim. Sa bawat araw na lumilipas ay kariktan ang dala ng mga ito sa paligid. Hindi matawaran ang saya ng mga paru-paro at bubuyog sa dami ng magagandang bulaklak na kanilang nilalapitan.
Isang araw ay nagpahinga ang isang batang paru-paro na kulay puti sa hangganan ng malawak na lupain ng mga bulaklak. Pinagmasdan niya ang biyaya ng inang kalikasan. Buong buhay niya ay hindi siya nagkulang, binibigay nito ang lahat ng kanilang kailangan.
Nagawi ang tingin ng batang paru-paro sa kabilang bahagi ng lupain kung saan ay disyerto ito kung ituring. Ngayon lang niya nakita ang lugar na iyon kung saan ay sinasabi ng matatanda na patay na lupain. Walang ibang bulaklak o halaman ang nabubuhay doon.
Ngunit napansin ng batang paru-paro ang nakayukong bulaklak na nag-iisa sa gitna ng tinaguriang disyerto. Sa kaniyang kuryosidad ay lumipad siya papalapit sa nag-iisang bulaklak na nabubuhay sa lugar na iyon.
Nakilala niya ang bulaklak na tinatawag na adelpa. Kulay rosas, payat at walang sigla ang adelpa. Hindi tulad ng mga bulaklak sa paraiso. Nagunita ng batang paru-paro na nakalalason ang adelpa. Marahil ay iyon ang dahilan kung bakit mag-isa lang itong nabubuhay sa patay na lupain.
Lumipad ang paru-paro sa palibot ng adelpa upang alamin kung buhay pa ito. Nakatayo ito ngunit matamlay. Pinagmasdan ng batang paru-paro ang paligid, walang ibang kasama ang adelpa, wala ring tubig na malapit sa kinatatayuan nito. Animo'y nabuhay ito mag-isa na walang sinuman ang kumalinga sa kaniya.
Nakaramdam ng awa ang batang paru-paro. Kung kanina ay buo ang paghanga niya sa kalikasan dahil sa nag-uumapaw na biyaya nito sa kanila sa paraiso, ngayon ay hindi niya maunawaan kung bakit may isang bulaklak itong pinabayaan sa kabilang lupain.
Tahimik na pinagmasdan ng batang paru-paro ang malungkot na adelpa. Ngayon ay malinaw na sa kaniya kung bakit ito mailap, matamlay at puno ng kalungkutan. Hindi ito nabuhay sa paraiso, walang ibang kasama at walang kumakalinga.
Naging madalas ang pagbisita ng batang paru-paro sa nag-iisang adelpa. Sinubukan niya itong kausapin ngunit hindi ito tumutugon. Kung minsan ay nananatili lang siya sa tabi ng adelpa upang kahit papaano ay maramdaman nitong hindi siya nag-iisa.
Walang ideya ang batang paru-paro kung ano ang nangyari sa adelpa at kung bakit pinili nitong mabuhay sa lupaing walang nagnanais na mabuhay doon. Ngunit ang desisyon ng adelpa na mabuhay ay isang katapangan na para sa batang paru-paro. Mas madali ang sumuko ngunit hindi iyon pinili ng adelpa.
Sa paglipas ng araw ay unti-unting nakikilala ng batang paru-paro ang adelpa bagama't ni isang salita ay wala itong binitiwan. Masaya na siyang malaman na nagagawa nang iangat ng adelpa ang ulo nito at tingnan ang paligid. Kahit hindi maganda ang tanawin, hindi na iyon mahalaga. Ang mahalaga ay hindi na siya nag-iisa sa lupaing iyon.
Hindi namalayan ng batang paru-paro na naging bahagi na ng kaniyang pang-araw-araw na buhay ang pagbisita sa adelpa. Nagsimula sa kuryosidad na nauwi sa kagustuhan niyang makilala ito nang lubusan.
Kumpara sa ibang mga bulaklak sa paraiso ay walang ibang magandang katangian ang adelpa. Payat, matamlay, maputla, hindi ngumingiti at hindi rin siya nito kinakausap. Ngunit kahit ganoon ay hindi niya nakikitang masama o hindi kaaya-aya ang mga katangiang iyon. Naalala niya ang buhay sa paraiso, doon ay pinuno sila ng pagkalinga at pagmamahal. Hindi nagkulang ang Inang Kalikasan na ibigay ang lahat ng kanilang pangangailangan.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo
Historical Fiction"I'm sorry, I love you." Married to a man who hates her family to death, Agnes Romero Salazar is in vain as she discovered her husband's secret affair. Following an accident that changed their life, will she be able to see Alfredo in a new light? Or...