Kabanata 3 - Lihim

97.6K 5.8K 6.9K
                                    

[Kabanata 3]

PAPASIKAT na ang araw. Halos walang kibo si Agnes habang nakatanaw sa bintana ng kaniyang silid. Hindi na siya lumabas ng kwarto mula nang makita ang isang titulo sa silid ni Alfredo na nakapangalan kay Emma Rivera.

"Señora, kanina pa ho nakahain ang agahan" muling tawag ni Ana habang nakadungaw sa pintuan. "Mauna na kayo" saad ni Agnes nang hindi lumilingon. Nakatanaw lang siya sa bintana habang pinagmamasdan ang marahan na pagsayaw ng mga matataas na puno sa labas.

Magsasalita pa sana si Ana ngunit hinawakan na ni Teodoro ang pinto saka binuksan iyon. "Hahayaan mo ba akong kumain mag-isa?" wika nito, napaayos ng upo si Agnes nang makilala niya ang boses na iyon. Gulat siyang napalingon sa likod at isang ngiti ang sumalubong sa kaniya.

"Ilang buwan lamang tayo hindi nagkita, hindi mo na ako nakikilala?" pabirong saad ni Teodoro sabay taas ng kaniyang kamay na palagi nitong ginagawa upang sabihin sa nakababatang kapatid na kailangan niya ng yakap.

Agad tumayo si Agnes, nakangiting tumakbo papalapit kay Teodoro at niyakap ito nang mahigpit. Hanggang balikat lamang siya sa kaniyang kuya. Maganda rin ang tindig nito at sinasabing nahahawig nito si Don Rafael noong kabataan. 

"Marahil ay nagkamali ako na gisingin ka nang maaga" ngiti ni Teodoro, madalas niyang tuksuhin noon ang kapatid kapag bagong gising ito dahil mas napipikon ito sa kaniya.

"Kailan ka pa dumating, kuya?" tanong ni Agnes, hinawakan ni Teodoro ang magkabilang balikat ng kapatid saka pinagmasdan nang mabuti ang mukha nito. "Kaninang madalin araw." Tugon nito saka pinagmasdan si Agnes. "Sandali. Ikaw ba ay hindi natulog?" usisa nito, napansin niya ang malalim na mga mata ni Agnes.

Ngumiti si Agnes saka kinusot ang kaniyang mga mata. "Napalabis ang aking tulog kung kaya't naging ganito ang aking mga mata" pagtanggi ni Agnes saka sinubukang ibahin ang usapan. "Tayo ay mag-agahan na, kuya. Tiyak na ikaw ay nagugutom na" patuloy nito saka kumapit sa braso ng kapatid at hinila ito pababa ng hagdan.

Nang makarating sila sa hapag-kainan ay nakahanda na sa mesa ang mga putahe. Agad pinagtimpla ni Agnes ng kape ang kaniyang kuya. Binuklat ni Teodoro ang dyaryo saka binasa ang nasa pambungad na pahina.

"Madalas na laman ng balita ang iyong asawa. Tunay na kahanga-hanga nga naman ang galing niya sa pagpapalawak ng mga lupain at pagtatayo ng mga taniman at negosyo. Malaking tulong din ang pribadong pondong sinisimulan niya para sa pag-angkat ng mga bagong gamot at gamit sa medisina" wika ni Teodoro, tipid na ngumiti si Agnes saka inilapag sa tapat ang tasa ng kape.

Naupo na si Agnes sa tabing silya saka inalok ng pagkain ang kapatid. Ibinaba na nito ang binabasang dyaryo saka nagsimulang kumain. Lumalaki ang kaniyang mga mata sa tuwing natitikman niya ang bawat putaheng naroroon.

"Kumusta ang iyong mga natuklasan, kuya?" tanong ni Agnes. Patuloy lang sa pagtango si Teodoro habang masiglang kumakain. "Mabuti naman. Nakakapagod nga lang ang mahabang paglalakbay" tugon nito saka nagsimulang magkuwento tungkol sa bansang Malaya at sa mga bagay na natuklasan niya roon.

"Ikaw ba ay hindi kakain? Baka ako ay hindi matunawan kung papanoorin mo ako habang kumakain" tawa ni Teodoro, napangiti muli si Agnes. Kailanman ay hindi sila nag-away ng seryoso ng kaniyang kuya. Madalas lang siya nito asarin at kung minsan ay napipikon siya noong mga bata pa sila ngunit tunay na maalaga at maalalahanin ang kaniyang kuya.

"Ikaw ba ay may nahanap ng binibini na iyong ibig pakasalan?" tanong ni Agnes. Nabilaukan si Teodoro dahil sa hindi inaasahang usaping iyon. Agad inabutan ni Agnes ng tubig si Teodoro saka tinapik ang likod nito.

"Halos kalahati ng buhay ko ay nakalaan para sa pagtutuklas ng mga bagong gamot. Wala akong panahon sa pag-aasawa na iyan" wika ni Teodoro. Nasa edad dalawampu't apat taong gulang na ito. Anim na taon ang agwat ng edad nila sa isa't isa.

Lo Siento, Te AmoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon