Prologo

408K 10.2K 5K
                                    

[Prologo]

NABABALOT ng dilim ang kahabaan ng malawak na kalsada patungo sa liwasan. Malalim na ang gabi. Malakas ang buhos ng ulan. Sa gitna ng daan ay may isang babaeng naglalakad na tila anumang oras ay babagsak ang katawan sa lupa.

Basang-basa sa ulan. Nanginginig ang buong katawan sa lamig at tulala sa kawalan. Ang laylayan ng kaniyang magarabong saya ay nababalot na rin ng putik. Sinumang makakita sa kaniya ay mag-aakalang tuluyan na siyang nawala sa katinuan o kaya ay isa siyang kaluluwa na nagliliwaliw sa daan.

Ang kaniyang mga mata ay puno ng kalungkutan. Labis na kabalisaan sa loob ng dalawang taon mula nang mapangasawa niya ang isang lalaki na batid niyang kailanman ay hindi nito magagawang tugunan ang kaniyang damdamin.

Bagaman naging masaklap ang kaniyang buhay may asawa, lumaki naman siya sa piling ng mapagmahal na magulang, mabubuting guro at mapagkakatiwalaang mga kaibigan. Ang kaniyang kinamulatan ay isang buhay na puno ng karangyaan, pagmamahal at kabutihan. Ngunit hindi niya akalain na ang pag-aasawa ay magdudulot sa kaniya ng hirap at pasakit.

Napatigil siya sa paglalakad at napatingala sa madilim na kalangitan kung saan patuloy ang pagbagsak ng mahahabang hibla ng tubig ulan.

Hindi niya maunawaan kung bakit kailangan niya danasin ang lahat ng ito. Naging tapat at mabuti naman siyang asawa. Ang tanging hangad niya lang ay ituring siyang kaibigan kahit papaano ng kaniyang asawa kahit pa hindi siya magawang mahalin nito.

Labing-anim na taon lang siya nang ikasal. Ang lalaki ay tatlong taon ang tanda sa kaniya. Siya ay simbolo ng isang dalaga na natali sa isang kasunduan ng kanilang mga pamilya. Ang tanong ay kung ginusto niya ba? Ngunit hindi na niya magunita ang naging desisyon dalawang taon na ang nakararaan.

Wala siyang ibang hinangad kundi ang magkaroon ng kapayapaan tulad ng buhay niya noon. Kalabisan bang maituturing kung hahangarin niyang maging sandalan at kahit papaano ay pagkatiwalaan siya ng kanyang asawa?

Ipinikit niya ang kaniyang mga mata. Muli niyang sinariwa ang araw kung saan nangyari ang kanilang pag-iisang dibdib. Naglalakad siya sa gitna ng altar, nakangiti, kinakabahan, ngunit naroon ang kagalakan sa haharaping bagong yugto ng kaniyang buhay.

Ngunit taliwas iyon sa nararamdaman ni Alfredo. Ni hindi niya nagawang tingnan ang babaeng papakasalan habang naglalakad ito sa altar papalapit sa kaniya. Ni hindi niya nagawang lingunin ito nang tumindig ito sa kaniyang tabi. Ni hindi niya rin nagawang magbitaw ng isang salita noong araw na iyon.

Patuloy na naglalakad sa kawalan si Agnes. Labis ang kaniyang pagsisisi. Kung nagawa lang niya taliwasin ang kagustuhan ng kaniyang mga magulang na maikasal kay Alfredo, hindi sana siya nakulong sa buhay na ito.

At kung pinakinggan lang din sana niya ang sinabi ni Alfredo noong bago sila ikasal, marahil ay hindi siya lumuluhang mag-isa ngayon sa gitna ng ulan.

Hindi nagtagal ay narinig niya ang paparating na kalesa. Mabilis ang pagpapatakbo ng kutsero. Nag-iisang lampara lamang ang hawak nito. Sa lakas ng ulan ay hindi nito masyadong maaninag ang kahabaan ng kalsada.

Dahan-dahang iminulat ni Agnes ang kaniyang mga mata. Ang aandap-andap na liwanag mula sa lampara ng kalesa ang kaniyang naaaninag papalapit sa kaniya. May oras pa siyang humakbang upang iwasan ang paparating ngunit pinili niyang manatili sa gitna.

Naniniwala siya na ang desisyon natin sa buhay ang naglalagay sa atin sa ating magiging kapalaran. At ngayong gabi, ito ang pinili niyang kapalaran. Ibig na niyang tapusin ang lahat.

Muli niyang ipinikit ang kaniyang mga mata at mabagal na iniharap ang katawan sa papasalubong na kalesa. Maging sa kaniyang pagpikit ay nakikita niya si Alfredo habang masayang kapiling ang babaeng sinisinta nito mula pagkabata. Ang babaeng tunay na nagmamay-ari ng puso nito.

Para kay Agnes, kumpara sa kanilang dalawa ni Emma ay siya ang tunay na pangalawa. Nauna si Emma sa pagmamahal ni Alfredo. Magkasama silang lumaki, magkasamang bumuo ng maraming masasayang alaala.

At isang araw, sa kaniyang pagdating ay tila inagaw niya ang sinumpaang pangako at pag-ibig nina Alfredo at Emma sa isa't isa. Siya man ang legal na asawa sa papeles, ngunit hindi siya ang nauna sa puso ni Alfredo. Kailanman ay hindi siya magkakaroon ng puwang sa puso nito.

Nagulat ang kutsero, sumigaw ito upang patabihin ang babaeng nakaharang sa gitna ng kalsada ngunit subukan man niyang patigilin ang kabayo ay hindi ito tumitigil dahil sa lamig ng tubig ulan. Nagmamadali ang kabayo makaalis sa malakas na buhos ng ulan.

Sa huli ay naalala ni Agnes ang huli nilang pagtatalo ni Alfredo bago siya layasan nito sa kanilang tahanan at tuluyan nang sumama kay Emma.

Ibig niyang maglaho na parang bula. Kung maaari lang mabaon sa limot ang araw kung saan nagsimulang matahi ang kanilang landas. Kung maaari lang na makalimutan niya ang lahat mula nang makilala niya si Alfredo.


*********************

#LoSientoTeAmo

Ang istoryang ito ay pawang kathang-isip lamang. Ang mga pangalan, tauhan, lugar at pangyayari ay bahagi lamang ng imahinasyon ng may akda. Ang ilan sa mga makasaysayang lugar ay nabanggit din sa istoryang ito upang magbalik tanaw sa mga pook na naging bahagi na ng ating kasaysayan. Muli, ang ilan sa mga kaganapan, pangyayari at trahedya sa kwentong ito ay walang kinalaman at walang katotohanan, hindi ito nasusulat sa kasaysayan ng Pilipinas. Maraming Salamat!

This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.

Plagiarism is a crime punishable by Law.

© All Rights Reserved 2021

Lo Siento, Te AmoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon