May engkantong kumakaway sa labas ng aking nakabukas na bintana.
Pinigil ko ang sarili ko na kumaway pabalik. Ayokong malaman niyang nakikita ko siya. Ang isang ito ay matagal nang nagpapapansin sa akin. Tuwing magdadapit-hapon ay nagsisilabasan na sila at ang isang ito ay napagdiskitahan na yatang magpapansin sa bawat pagkakataon na mayroon siya.
Isa siyang nuno – maliit ang pangangatawan bagamat may kalakihan ang ulo. Mamula-mula ang kaniyang balat at tila mamasa-masa. Hindi siya kapansin-pansin at mapagkakamalang parte lamang ng lupa o ng puno kung hindi siya gagalaw. Ang kaniyang mga mata'y tila balon na siyang lulunod sa iyo sa kadiliman kung magkakamali kang sila'y titigan.
Tatlong taon na ang nakalilipas nang una silang nagparamdam sa akin. Hindi malinaw sa aking alaala ang lahat. Kabilugan ng buwan noon at magkasama kami ni Lola sa lumang bahay ng aming pamilya sa probinsya sapagkat si Tatay ay abala sa seminar niya sa unibersidad kung saan siya nagtuturo. May mga binatilyong malimit tumatambay sa may balon sa ilalim ng malaking puno ng mangga sa aming bakuran at minsan ay nag-iinuman sila at nagtatakutan kapag palapit na ang takipsilim. Dahil dito, napagpasyahan na samahan ko si Lola.
Kakaiba ang gabing iyon. Naalala kong namangha ako sa libu-libong alitaptap na nakapalumpon sa mga sanga at dahon ng gahiganteng punong mangga. Matanda na ang puno at maraming sabi-sabi na mayroong mga kakaibang nilalang na naninirahan doon. Hindi naman ako naniniwala 'pagkat ako'y namulat sa buhay-siyudad.
Nanatili akong hindi naniniwala hanggang sa gabing masaksihan ko ang tila nagniningas na puno. Naalala ko pang bumaba ako mula sa aking kuwarto sa ikalawang palapag ng aming tahanan para hanapin ang aking alagang pusa.
Iyon ang huli kong alaala.
Pagmulat ko kinabukasan ay iba na ang daigdig na tumambad sa aking mga mata. May ginintuang alabok na pumapalibot sa damuhan kung saan ako nahimbing. Nagtaka ako at ikwinento ito sa aking lola, at matagal niya akong tinitigan bago pinayuhan na magdasal. Hindi ko alam kung alam niya ang nangyari sa akin, pero parati niya akong sinasaway tuwing magsisimula akong magtanong tungkol sa mga bagay na kababalaghan. Hindi ko alam kung natatakot siya o sadyang hindi siya naniniwala sa aking sinasabi.
Mula noon ay nakakakita na ako ng mga kakaibang nilalang.
Sinubukan kong sumangguni sa aking ama, ngunit tumawa siya at sinabihan akong mainam yata akong maging manunulat dahil sa aking husay sa pagiging kwentista.
"Amari! Ano ba, ang tagal mo!" Tawag ni Chloe, ang matalik kong kaibigan. Linggo ngayon at nakasanayan na namin na sabay magsimba sa kapilya. Ipininid ko ang bintana. Nahagip ko ang tila lungkot na bumakas sa mukha ng nuno dahil hindi ko na naman siya pinansin. Kinuha ko ang aking bag na nasa ibabaw ng kama bago lumabas ng kwarto at bumaba sa hagdan. Agad na tumayo si Chloe mula sa pagkakaupo sa aming sofa.
"Ay grabe sa tagal... 'kala ko naman nag-pro-prom dress ka pa," puna niya sa aking suot na guhitang t-shirt at maong na pantalon. "Siguro nagbabasa ka na naman, 'no? Hay nakooo..." Alam ni Chloe ang hilig ko sa pagbabasa at pagsusulat at parati niyang binabanggit ito tuwing nahuhuli niyang nabla-blangko ako.
"Tara, sabi mo mahuhuli na tayo?" Hindi ko pinansin ang sinabi niya at hinila na siya sa braso. " 'La yayao na po kami!" Pagpapaalam ko sa aking Lola. Siya'y nasa kusina at nagluluto ng hapunan.
"Ano ba 'Mari, nakakakilabot ka!"sabi ni Chloe na namimilog ang mata.
"Ang yayao ay..." sinimulan kong magpaliwanag pero hinila na niya ang aking kamay.
"Oo na, oo na Ms. Balagtas. Kaya ka sinasabihang weirdo e." Pinili kong hindi makipagtalo. Hindi ko naman sinasadya ang magsalita nang ganito. Isang propesor ng Kasaysayan ang aking ama at nakuha ko ang pagiging matatas sa wikang Tagalog mula sa kaniya. Noong bata ako ay tampulan ako ng tukso ng ibang bata tuwing nagsasalita ako. Kung anong tuwa ng mga nakatatanda sa aking husay sa malalim na pananagalog, siya namang pang-iinis ng ibang kaedaran ko.
BINABASA MO ANG
Amari [Tagalog]
FantasyWattpad Writing Battle of the Year 2015 Finale Entry Isang hindi inaasahang tagpo ang nagpabago sa buhay ni Amari Ellis Santiago tatlong taon na ang nakalilipas. Isang tagpo na lubos niyang kinatatakutan. Isang tagpo sa nakaraang nais niyang takasan...