Ikaapat na Kabanata: Ang Hiyas ni Bathala (unedited)

3.5K 154 27
                                    

''Magaling Amari.'

Ako'y lumulutang sa gitna ng kadiliman. Mainit-init ang lugar na iyon ngunit napakapayapa.

Sino ka?

'Tama... Tama ang napiling sisidlan.'

May liwanag na namumuo sa gitna ng kadiliman.

Sino? Sino po kayo?

'Hindi ka mag-iisa. Magtiwala ka sa iyong mga tagapagtanggol...'

Sandali, sino ka?

***

Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatulog ngunit madilim pa rin sa pagmulat ng aking mga mata. May mahinang ulan na mukhang walang balak tumila. Tahimik ang bawat isa sa amin habang nagpapainit sa harap ng maliit na siga. Mga malalaking sanga at dahon ng puno na itinayo at hinabi ng mga baging ang tangi naming panangga sa mahinang ambon ngunit nagagawa pa rin ng ulan na lumagos sa mga maliliit na siwang.

Natalo namin ang Oriol. Buhay pa kami.

Napausal ako ng isang maikling dasal bilang pasasalamat. Masakit ang aking buong katawan at mahapdi ang mga sugat na galing sa matutulis na tinik ng balakbak ng kapok. Pero buhay kaming lahat.

Umuusok ang hininga ng bawat isa. Walang salitang tumayo si Adriel at hinubad ang kaniyang balabal upang ipatong sa aking nanginginig na mga balikat. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makabalik siya sa kaniyang upuan sa makitid naming pananggalang.

"Salamat," ani ko. Sinuklian niya ang aking pasasalamat ng isang maliit na ngiti. "Matagal ba akong nakatulog? Gabi na ulit."

"Umaga pa lang, Amari," baling sa akin ni Sic. "Malapit nang magtanghali."

"Magtatanghali na? Pero bakit ang dilim?" tanong ko. Sumulyap ako sa makulimlim na langit na puno ng makapal na ulap. "Umuulan pa rin."

"Tatlong dekada nang umuulan."

T-tatlong... dekada?

"Huwag mo akong tingnan ng ganyan." Gamit ang daliri ay isinarado ni Sic ang aking nakaawang na bibig. Ni hindi ko namalayan ito. "Mula nang mawala ang Hiyas sa Tore ng mga Pantas ay hindi pa tumitila ang ulan."

"Tatlong dekada? Pero tatlong taon pa lang nang magsimula akong makakita ng mga engkanto!"

"Iba ang daloy ng panahon dito sa mundo ng mga engkanto," paliwanag ni Adriel. "Ang tatlong taon ay mahigit tatlong dekada na dito. Musmos pa ako nang mawala ang hiyas sa tore." Sinulyapan ko si Adriel. Ngayon ko lang naisip na mahirap malaman ang kanilang mga edad kung totoong mas mabilis ang daloy ng panahon sa mundong ito.

"Ibig sabihin kahit matagal ako dito ay hindi agad mapapansin ng aking pamilya?" Sa pagbanggit ko sa kanila ay muling sumagi sa aking puso ang matinding pangungulila. Malapit ako kay Tatay at Lola at hindi pa ako nawawalay sa kanila ng matagal.

"Ganoon nga," pagsang-ayon niya. Tahimik akong nag-isip. Ang totoo gusto kong malaman ang tungkol sa sinasabi nilang hiyas. Dahil sa mga nangyari kanina ay napagtanto ko kung gaano kalaking panganib ang aking kinakaharap.

Hindi ka mag-iisa. Magtiwala ka sa iyong mga tagapagtanggol...

Hindi ko alam kung sino ang nasa aking panaginip, o kung panaginip ngang maituturing ang nangyari kanina. Isa lang ang alam ko, kailangang maibigay ko na ang hiyas upang makauwi na ako at maibalik sa dati ang mundo ng mga engkanto.

"P-pero tatlong dekada..." Hindi ko mawari kung paano sila namumuhay sa ganitong kondisyon; sa mundo ng walang katapusang ulan.

"Ano ba talaga ang Hiyas?" Ito ang tanong na siyang kanina pa bumabagabag sa akin. Gusto kong malaman kung bakit nila pinag-aagawan ang sinasabi nilang hiyas. Humugot ng malalim na hininga si Sic bago siya nagsalitang muli.

Amari [Tagalog]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon