" 'Mari 'di ka ba sasama sa party?" Tanong ni Chloe.
"Sorry, may gagawin kasi ako." Pumunta ako sa may bintana upang isarado ito. Namataan kong may kumakaway na engkanto mula sa labas. Sa unang pagkakataon ay kumaway ako pabalik bago ko ipininid ang bintana.
"Aww, bakit? May date ka?" Natawa ako sa kaniyang tanong.
"E kung sabihin kong oo?"
"Weeeh? Sino yan? 'Yong tiga-BA ba 'yan?" Medyo inilayo ko ang cellphone ko sa aking tainga dahil sa lakas ng tili niya.
"Ha? Hindi a... wala akong kilalang taga-BA." Lumabas na ako ng kuwarto at humalik kay Lola. "'La, alis po muna ako." Tumango lamang ang Lola. Sa nakaraang dalawang taon ay nasanay na siya na umaalis ako tuwing gabi ng kabilugan ng buwan.
"Ingat ka." Tuluyan na akong lumabas ng bahay. Sa tarangkahan pa lang ay sinalubong na ako ng masiglang ngiti ni May-I. Nagmano ako sa Nuno.
"E sino nga?" Pangungulit ni Chloe. "Siya lang naman 'yong makulit na nanghihingi ng number mo."
"BINIGAY MO?" Anak ng tinapa, ito talagang si Chloe kung kani-kanino ako nirereto. Tiyak may magseselos na namang engkanto.
"E kasi naman makulit, saka single ka naman di ba?"
"Sinong nagsabi sa'yo?" Napatigil ako bigla sa kaniyang nakatutulig na tili. Anak ng tokwa, nabigla lang ako. "A, Chloe sige na bukas na tayo mag-usap." Dinala ako ng aking mga paa sa pamilyar na daan patungo sa kadawagan. Sa pangkaraniwang tao ay wala namang kakaiba sa munting kakahuyan ngunit para sa akin ang buong kakahuyan ay kumikinang sa liwanag ng mga ginintuang bulaklak. Di ko na maitago ang aking kasabikan kaya't napabilis ang aking lakad.
"Amari!" Sinalubong ako ng masayang mukha ni Haraya.
"Nasaan si Sic?"
"Andito." Napatili ako sa matitipunong bisig na bumuhat sa akin.
"SIC! Ibaba mo 'ko!" Pinaikot-ikot niya ako bago ibinaba. "Na-miss ko kayo!" Niyakap ko ang aking mga tagapagtanggol.
"Ay sus, talaga?" Pabirong himig ni Haraya. "May isang mas nangungulila sa'yo." Nag-init ang aking mga pisngi. Iniligid ko ang aking mga mata.
"Nasaan siya?" Medyo sumikip ang aking dibdib ng hindi ko siya makita.
"Nasa lagusan, alam mo na ang daan." Di tulad noon na napakasungit, ngayo'y nakikita ko ang ngiti sa labi ni Sic. Malamang ay nakatulong ang pagiging masiyahin ni Haraya upang mawala ang kaniyang sungit.
Tinunton ko ang pamilyar na daan patungo sa lagusan. Sinamyo ko ang preskong hangin ng gabi. Sinalubong ako ng kaniyang matamis na ngiti at yakap.
"Kanina ka pa?" Tanong ko. Tumango siya. Inakay niya ako sa bukana ng lagusan at naglakbay kami sa pamilyar na kapangyarihan nito. Sa kabilang dako ay marahan niya akong ibinaba sa lupa. Mayroong nakahaing pagkain sa isang hinabing banig na naroon. Naupo kami at dinulutan niya ako ng pagkain. Pamilyar sa akin ang kaniyang katahimikan.
"Kamusta?" Hay naku, kung hindi kakausapin ay hindi pa rin siya mahilig magsalita. Parati na lang ngiti ng ngiti, pero suwerte ako dahil sa akin lang siya ngumingiti.
"Maayos naman. Tahimik, payapa..."
"Nakakabagot?" Natawa ako dahil nahuli ko ang sinasabi niya. Mula ng matalo si Sitan ay naging tahimik na ang lahat. Ang hiyas ay hindi na maaaring nakawin pagkat ito'y nakakalat na sa mga daluyan. Naibalik na rin ang mga tagabantay at si Aran ay nagprisintang maging pinuno ng kanilang hukbo.
"Hindi naman," sagot niya. "Binabantayan kita, bakit ako mababagot?"
"Stalker!" Hinampas ko ang kaniyang balikat. Bahagya siyang napasimangot.
"May lalaking umaaligid sa iyo." Napatikhim siya at naku mukha siyang guilty. Siguro ito na yung taga-BA na binanggit ni Chloe.
"Aran?" Hala, mukhang may ginawa siya.
"S-sinunog ko 'yong papel na mayroong numero mo." Tahimik niyang sambit. Selosong engkanto.
"Mabuti." Ngumiti ako sa kanya. "Hindi sapat ang isang gabi lang, gusto kong parati tayong magkasama." Dinampot niya ang aking kamay at pinagsalikop sa kaniya. "Kailan mo kakausapin si Tatay?"
"Handa ka na ba? Ngayong gabi kung gusto mo." Nakikita ko ang kislap sa kaniyang mga mata. Sinong mag-aakalang matatagpuan ko ang kabiyak ng aking puso sa ibang mundo? Ngunit ito ang totoo... dito, dito sa mundo ng hiwaga natagpuan ko ang bubuo sa aking puso.
"Hoy nilalanggam kayo!" Panira. Nilingon ko sila Sic, Haraya at May-I na lumabas mula sa lagusan. Ang gabi'y napuno ng tawanan at kuwentuhan. Wala na akong mahihiling pa.
Natagpuan ko na ang mga tunay na kaibigan, mga sagot sa aking katanungan, at ang nagpapasaya sa aking puso...
Dito kung saan tanging buwan lamang ang saksi.
BINABASA MO ANG
Amari [Tagalog]
FantasyWattpad Writing Battle of the Year 2015 Finale Entry Isang hindi inaasahang tagpo ang nagpabago sa buhay ni Amari Ellis Santiago tatlong taon na ang nakalilipas. Isang tagpo na lubos niyang kinatatakutan. Isang tagpo sa nakaraang nais niyang takasan...