Ika-Pitong Kabanata: Si Adriel at Si Aran (unedited)

2.9K 118 20
                                    

"Aran, nasaan si Adriel?"

Aran?

"I-Ina..." hindi makapaniwalang sambit ni Adriel. Namasdan ko ang takot at kabang gumuhit sa kaniyang mukha.

Ina?

"Hawak mo ang Tarak... nasaan ang aking anak?" Bakas ang labis na pag-aalala sa mukha ng ginang. Malayo ang kanilang mga mukha sa isa't-isa. Ang apoy sa buhok niya ay lumalagablab.

"Ina, magpapaliwanag po ako," binasa ni Adriel ang kanyang mga labi. Halatang hindi niya alam kung anong gagawin. "Si Adriel..."

"Nasaan siya Aran? Sumagot ka!" Lumapit sa kaniya ang ginang.

Naguguluhan ako. Sinubukan kong humakbang palapit sa kaniya ngunit pinigilan ako si Sic. "Si Adriel—"

"Hindi siya si Adriel. Sinasabi ko na nga ba at nararamdaman kong may kakaiba sa kanya," putol niya sa aking sinasabi.

"Magsalita ka, paano napunta sa iyo ang kuwintas at ang Tarak ng mga Santelmo?" Tanong ni Apolaki. Ang kaninang takot sa bulwagan ay napapalitan ng galit. Nagsimula ang bulungan sa mga nilalang. Inihanda ng mga naroon ang kanilang angking mahika kung sakaling mapanganib ang susunod na mangyayari. Ang mga magulang ay pinapalayo ang kanilang mga anak.

"Wala na po si Kuya, Ina," sagot ni Adriel--Aran... a, nalilito na ako! Siya ay yumukod at inilahad ang kaniyang mga kamay. "Patawarin niyo po ako."

"Hindi... hindi si Adriel... Ang aking anak ay isang tagapagtanggol... Anong ibig mong sabihin na wala na siya?" Umiiling ang ginang habang may mga luhang nagbabadya sa kaniyang mga mata. "Nagbibiro ka lang... sabihin mong nagbibiro ka lang." Tuluyan nang lumapit si Adara at niyugyog ang kaniyang mga balikat. "Aran!"

"Patawad po Ina, bago po kami makalabas sa lagusan ay nasukol kami ng mga kawal ni Haring Sitan... s-si Kuya po... Iniligtas po ako ni Kuya." Tuluyan nang napaiyak ang ginang at sinalo siya ni Aran.

"Bakit ka nagpanggap?" Muling tanong ni Apolaki. Ang kaniyang katawan ay nagliliwanag. Napakalakas ang namumuong puwersa na pumapalibot sa kaniya.

"Patawarin niyo po ako. Nais ko lamang na maipagpatuloy ang hangarin ni Kuya Adriel. Nangako po akong ipagpapatuloy ang kaniyang misyon." Baling niya sa mga natitipon. Ikinumpas ni Apolaki ang kaniyang kamay at ibinaba ng mga kawal ang kanilang mga sibat.

"Hindi ako naniniwala," asik ni Sic. "Bakit hindi mo sinabi ang nangyari sa Konseho ng mga Pantas?" Napako lamang ako sa aking kinatatayuan.

"Amari," nagsusumamo ang mukha ni Aran. Nakakaramdam ako ng awa, pero hindi ko maialis ang magduda. Bakit siya nagpanggap?

"Kailangan mong managot sa Konseho," sagot ni Apolaki. "Kawal! Dalhin siya sa selda. Siguraduhing wala siyang anumang sandata." Napailing si Apolaki. Naiwang humahagulgol ang ina ni Adriel at inalo siya ni Apolaki.

Sino si Aran? Sino si Adriel?

Kanilang nilagyan ng tanikala si Aran. Napansin ni Sic ang tanong sa aking mga mata. "Hindi niya magagamit ang kaniyang mahika. Ang mga tanikala ay may kapangyarihan na higupin ang kahit anong elemental na kapangyarihan."

"Anong gagawin nila kay Adr—Aran?"

"Malaking kasalanan ang kaniyang ginawa. Hindi siya dapat naglihim. Muntik ka ng mapahamak dahil sa kaniyang panlilinlang. Hindi kumpleto ang lahat ng kapangyarihan ng mga tagapagtanggol kaya imbes na humiwalay ang hiyas, muntikan ka nang lamunin ng mga enerhiya dahil nawalan sila ng balanse sa isa't-isa," paliwanag ni Sic. "Sinasabi ko na nga ba!"

Amari [Tagalog]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon