"Sigurado ka bang ligtas tayo?" bulong ko kay Sic. Mahigpit ang kapit ko sa kaniyang braso habang pinagmamasdan ang mahabang prusisyon ng mga engkantong sumusunod sa aming munting grupo. Madaling-araw kami nagsimulang maglakbay paakyat. Sa una ay paisa-isa lang silang nakikita sa mga siwang ng dahon at anino ng puno. Naisip kong baka nakikisabay lang sila o nagtataka sa aming munting grupo, ngunit padami sila nang padami habang patuloy ang aming paglalakbay sa kakahuyan. Paliit ng paliit ang dinaraanan namin at mahirap makita ang daan dahil sa makapal na kulap na nakalatag sa lupa.
"Nararamdaman nila ang puwersa ng hiyas kaya sila naaakit na sumunod. Huwag kang masyadong malikot upang hindi matanggal ang mahikang tagabulag." Inayos niya ang aking mga binti na nakakapit sa kaniyang baywang.
"O, kainin mo." Iniabot sa akin ni Sic ang prutas ng Lumawig. Nakakahiya, marahil ay kanina pa niya naririnig ang pagkalam ng aking sikmura. Naalala kong biskuwit lamang na kinuha ko sa aming kusina kahapon ang aking umagahan.
"Salamat." Mabilis kong naubos ang pagkain. "Malayo pa ba tayo?"
"Mga ilang kilometro pa," sagot niya. Walang bahid ng hingal ang tikbalang kahit na halos apat na oras na niya akong pasan. "Magpahinga ka lang diyan."
Napakabait ni Sic. Hindi ko alam kung dahil ba sa hawak ko ang kanyang gintong buhok, o dahil sa hiyas, o sadyang mabait lang siya. Ano man ang dahilan, nagpapasalamat ako dahil nararamdaman kong tapat siya sa kaniyang hangarin na ako'y pangalagaan. Siguro kung may matalik akong kaibigan na lalaki, siya na 'yon.
Lumundag si Ilona malapit sa amin at sinabayan si Sic. "Mas mabilis ang kanilang paggalaw," ani niya. "Mahirap itago ang presensya ng hiyas. Pinapalibutan nila tayo."
"Basta tuloy-tuloy lang. Huwag ka nang lilingon," sagot ng tikbalang. Ilang sandali pa at nakarinig kami ng isang panaghoy kasunod ang tunog ng pagbagsak ng troso.
"Bilisan natin!" Hiyaw ni Haraya.
"Anong nangyayari?" tanong ko. Naramdaman kong humigpit ang kapit ni Sic sa aking mga binti. Sa sobrang bilis ay hindi ko na halos makita ang aming dinaraanan.
"Ang mga engkanto. Nag-aaway sila. Lahat ay gustong makuha ang hiyas."
Diyos ko, para akong may tanim na bomba sa aking katawan. Lahat na lang gustong makuha ang hiyas!
"Masyado na silang malapit Ilona. Masusukol nila tayo," babala ni Sic. Tumango si Ilona at inilabas ang mahiwagang lambat na ibinigay ni Apolaki.
"Ako na ang bahala. Mauna na kayo."
Nilingon ko siya sa abot ng aking makakaya ngunit napakakapal ng kulap na bumabalot sa paligid kaya't nilamon siya kaagad nito.
"Sandali na lamang at mararating na natin ang tuktok."
"Sic, nakarating na ako dati sa tuktok nitong bundok, paano natin tatawagin si Bathala?" Mayroon kayang sikretong paraan ang mga engkanto?
"Hindi siya ang una nating makakaharap."
Malawak na dagat ng ulap ang tumambad sa akin sa lahat ng direksyon nang makarating kami. Bahagyang makikita ang sumisilip na liwanag ni Haring Araw sa tuktok ng mga bundok. Huminga ako ng malalim. Napakalamig ng simoy ng preskong hangin. Ang mga damo ay mabigat sa hamog nang nakaraang gabi. May mga iba't ibang kulay na rosas at iba pang bulaklak ang namumukadkad at binabati ang bagong umaga.
"Haraya!" Lumipad pababa ang Diwata ng Hangin sa pagtawag ni Sic. Inilapag ako ng tikbalang sa lupa. "Kailangan natin ang apat na elemento!" Tumango ang tinawag bago lumipad. Si Sic ay nagsimulang mamulot ng mga bato. Pati ako ay nakipulot na rin.
BINABASA MO ANG
Amari [Tagalog]
FantasiaWattpad Writing Battle of the Year 2015 Finale Entry Isang hindi inaasahang tagpo ang nagpabago sa buhay ni Amari Ellis Santiago tatlong taon na ang nakalilipas. Isang tagpo na lubos niyang kinatatakutan. Isang tagpo sa nakaraang nais niyang takasan...