SA KABILA ng pagiging aktibo ni Jet sa ginagawa ngayong pagtakbo ay hindi niya maiwasang hindi obserbahan ang mga kasamahan sa ampunan na kasama rin niya sa pagtakbo. Kasalukuyan silang kasali sa isang laro---racing marathon---at nakikita niyang sa kabila ng determinadong mukha ng mga kasama sa laro ay masaya rin ang mga ito. Hindi niya masisisi ang mga ito. Kahit siya ay ganoon rin naman ang nararamdaman. Naging isang abala at masayang araw iyon sa Safe Haven Orphanage. Isang malaking pangyayari rin dahil sa kasaysayan ng ampunan na siyang tinitirahan niya simula noong limang taong gulang pa lamang siya, ay bumisita ang ilan sa mga pinakabigating tao, hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo.
May apat na mag-asawa at dalawang single na lalaki at babae ang gustong mag-ampon ng mga bata sa Safe Haven. Lahat ng mga ito ay kilalang tao. Tatlo sa mga mag-asawa ay mga business tycoon, may sikat na painter mula pa sa Italya, mayroong Doctor mula sa Espanya at mayroon rin na kabilang sa royal family ng bansang Portugal. Napakasuwerte ng kung sino man ang mapili na aampunin ng mga ito. Ngunit ayaw umasa ni Jet na isa siya sa mapili, o mas masasabi niyang ayaw niya talaga.
May mangilan-ngilan na rin naman na nagtangka na umampon sa kanya. Pero bago pa mangyari iyon ay palagi na lamang nagkakaroon ng problema kaya hindi natutuloy. Wala naman sa kanyang problema na ampunin rin lalo na at alam niyang makakabuti rin iyon sa kanya. Mas magkakaroon siya ng kinabukasan kaysa kapag nanatili siya sa ampunan. Ngunit kung isang foreigner ang mag-aampon sa kanya, ibig sabihin lang noon ay aalis siya ng bansa. Baka maging maliit ang pag-asa na mahanap niya ang nawawalang nakababatang kapatid niya.
Isang malakas na bagyo ang naging dahilan kaya maagang naulila si Jet. Nasira ang mga bahay at ari-arian nila nang dahil roon. Namatay dahil sa malakas na agos ng ilog ang parehong magulang niya at ang mga ilang kamag-anak nito. Tanging siya at ang dalawang taong gulang na kapatid niya noon na si Jonathan ang natira sa masalimuot na trahedya.
Naging mabagal ang tulong ng gobyerno sa mga nasalanta ng bagyo noon dahilan para lalong mahirapan si Jet at ang kapatid niya. Ilang araw silang nanatili sa evacuation center ni Jonathan bago mapangakuan na dadalhin sa DSWD. Hindi lang rin kasi sila ang mga batang naulila dahil sa trahedya. Pero bago pa man maayos ang lahat para sa kanila, parang bula na lamang na nawala sa kanya ang kapatid niya. Isang gabing natutulog siya ay may kumuha kay Jonathan at walang kahit sino ang nakapagturo kung sino man iyon. Hindi rin sigurado kung kinuha ba ito o umalis na lang bigla at nawala ang kapatid niya.
Naging masakit para kay Jet ang pangyayari. Si Jonathan na lang ang natitirang kamag-anak niya at nawala pa ito sa kanya. Ngunit kahit limang taon na ang nakakaraan ay umaasa pa rin siya na mahahanap ang kapatid niya. Magkakasama muli sila. Kapag lumaki na siya at magkaroon na rin ng sapat na kapangyarihan para maipahanap nang mas maayos ang kapatid niya kaysa sa ginagawa sa kanya ng gobyerno ngayon ay mangyayari rin ang kanyang matagal ng inaasam. Pero duda siya kung magagawa niya pa iyon kung sakaling ampunin siya ng isang banyaga.
Nasa ganoong pag-iisip si Jet nang makita niyang nadapa ang lalaking nauuna nang kaunti sa kanya. Nakita niyang iyon ang kaibigan niyang si Augustus. Tumigil siya sa pagtakbo at nilimot ang tungkol sa karera para tulungan ito. Nakita niyang may sugat ito.
"Ang sakit," daing pa ni Augustus habang inaalalayan niya itong bumangon.
Malaki ang natamong sugat ni Augustus kaya hindi na nga kataka-taka na masakit nga iyon. Nag-alala siya para sa kaibigan kaya naman kahit may ilan ng tao na dumating para tulungan sila ay dinamayan pa rin niya ito. Ganoon siya palagi sa mga kaibigan niya. Matulungin siya. Isama pa na siya rin ang madalas na gumagamot sa mga kaibigan niya at sa mga bata sa ampunan kapag may mga nasusugatan o kaya ay may nagkakasakit. Pangarap kasi niya na maging isang Doctor.
Napangiti ang madre sa ampunan sa ginawa niya. Ibinigay nito sa kanya ang first aid kit at hinayaan na siya ang gumamot sa sugat ni Augustus.
"His name is Jet. He was always like that. He was very helpful to everyone, especially to his friends. He wants to be a doctor someday," narinig pa niyang pagbibida ng madre sa kanya.
Hindi niya masisisi ang madre na gusto siyang ibenta ng mga ito sa mga bisita. Gusto lang naman nito ang makabubuti para sa kanya. Masuwerte ang kung sino man na aampunin ng mga ito. Siguradong magiging maayos ang buhay dahil sa yamang taglay. Ngunit ayaw niyang malayo sa Pilipinas. Mas madali para sa kanya na mahanap ang kapatid kung nasa bansa pa rin siya.
Nang matapos si Jet sa paggamot kay Augustus ay napansin niya na binigyan siya ng kakaibang tingin ng isa sa kanilang mga bisita. Naalala niyang ito ang galing sa bansang Spain. Ito si Dra. Esperanza Martinez. Ayon sa mga kuwento kanina ay nagtatrabaho raw ito sa pinakamalaking ospital sa naturang bansa at bukod pa roon ay maraming-ari-arian roon. Ngunit hindi kagaya ng iba ay wala itong katuwang. Wala raw itong asawa kaya ang gusto na lang sana ay mag-ampon ng anak. Sa pagtingin nito sa kanya ay nakakita siya ng ningning roon. Nagpapakita na tila interesado ito sa kanya.
Hindi lubos akalain ni Jet na dahil lang sa isang simpleng tingin ay kakabahan siya.
BINABASA MO ANG
International Billionaires Book 4: Jet Martinez
RomantikMatagal nang alam ni Aila na wala siyang karapatang ma-in love pa sa sinumang lalaking gugustuhin niya. She was bound to marry someone chosen by her parents. Pero na-love at first sight siya kay Jet, ang guwapo at matulunging doktor from Spain. They...