7.Adrian

3 1 0
                                    


"Marlboro blue nga isa" Sabi ko sa nagtitinda.

"Nako Adrian, akala ko ba quit yosi ka na." Sagot niya sa'kin.

"Akala ko din eh." Sabi ko habang inaabot ang sampung piso sa kanya. "Maxx dilaw nalang yung sukli."

Inabot niya sakin ang isang stick ng Marlboro at dalawang Maxx. Nilagay ko yung yosi sa bibig ko at kinapa ang bulsa ko. Wala yung lighter ko.

"Peram lighter." Sabi ko sa nagtitinda.

Sa'n ko naiwan lighter ko? Hindi naman na ako nagyosi kagabi pag-uwi ko. Kila Bel? Takte. Nakakahiya naman pupunta ako sa kanila kukunin lang yung lighter. Inabutan ako ng lighter ng nagtitinda habang nag-iisip. Sinindihan ko yung sigarilyo at umupo sa tapat ng tindahan. Kung hindi lang galing sa tatay ko yun, 'di ko na yun kukunin. Chat ko ba muna siya na pupunta ako? 'Wag na. Baka sakaling nandun din si Lia, sulit na punta ko pag ganon. 'Pag nalaman ni Lia na pupunta ako, aalis yun sigurado. Ilang minuto pa akong tumambay tapos maubos ng yosi. Nang maubos ko na yung candy, tumayo na ako at nagsimulang maglakad papunta kila Bel. Nakakahiya naman, hindi ko naman ka-close yun. Buti close niya yung tropa ko kaya di na masyadong awkward. Habang naglalakad, napahinto ako sa tapat ng isang kotse. Nakita ko sarili ko sa bintana.

"Mukha kang tanga, Adrian." Bulong ko.

Hindi naman malamig pero naka-bonet. Kulay pula pa buhok, ano ka anime. Pahikaw-hikaw ka pang nalalaman. Bad boy ka na nyan? Natawa nalang ako. Ano bang ginagawa ko sa sarili ko. Tinuloy ko na ang paglalakad at may nakasalubong na kakilala.

"Boi!" Sabi niya.

"Ano, Boi." Sagot ko.

"Inom daw ah, sabi nila Larry."

"Kelan?" Tanong ko.

"Mamayang gabi daw, sama ka?"

"'Pag walang gagawin." Sagot kong pabiro sabay tawa.

Tapos kong magpaalam, tumuloy na 'ko sa paglalakad. Marami pa akong nakasalubong, kinamusta, kinausap, at nginitian. Ba't ba ang dami kong kakilala. Umay. Dapat pala nag trike nalang ako para iwas usap. Maya-maya pa ay nakarating na ako sa tapat ng bahay nila Bel. Anong sasabihin ko? May hahanapin lang? Hindi ako papasukin niyan malamang. Sasabihin ko ba na lighter hahanapin ko? Ayoko pa naman din na chinichismis ako. Umupo muna ako saglit habang nag-iisip ng sasabihin para pumasok. Wala akong maisip ah. Yaan mo na nga. Pag-usapan na nila ako kung gusto nila. Kasalanan ko din naman, naiwan pa kasi yung lighter amp.

"Ba't ka nandito?" Napalingon ako sa gilid. Nakatayo siya na parang inaangasan ako. Hindi ko inexpect na darating ang panahong makikita kitang ganyan ang suot. Dati ayaw mong nagpapalda kasi naiilang ka. Ayaw mong nagsusuot ng puting t-shirt kasi sabi mo madaling nadudumihan. Ayaw mong naglulugay ng buhok kasi humaharang sa mukha. Pero ngayon, lahat ng ayaw mo, nasa 'yo na. Ang laki ng pinagbago mo Lia.

"Ikaw, ba't ka nandito?" Tanong ko sa kanya pabalik.

"Kaibigan ko si Bel kaya okay lang na pumunta ako." Sagot niya. "Ikaw, anong kailangan mo?"

"Bakit kailangan mong malaman?" Tanong ko ulit. "Security guard ka ba?"

"Hindi, pero ayokong umaaligid ka kay Bel." Wala naman akong gusto sa kanya.

"Bakit? Nagseselos ka?" Tanong ko sabay ngiti.

"Tangina mo." Diretso niyang sagot.

"Hindi naman ako masamang tao." Sabi ko sabay ngiti.

"Siguro hindi pero kupal ka." Ouch. "Sino yung pinakilala mo kay Dom kahapon?"

"Si Marie yun. Medyo parehas kasi sila ng ugali n-"

"Alam mong may gusto si Bel kay Dom diba?" 'Di man lang ako pinatapos.

"Akala ko ba kapatid ting-"

"Sinasabi niya lang 'yon! Halata namang may gusto siya kay Dom!" Okay, kumalma ka.

"Si Dom ba, gusto siya?" Tanong ko. "Lahat ba ng tao gusto mong pangunahan?"

"May gusto ka bang sabihin, Adrian?" Tinaasan na ako ng kilay. Naiinis na 'yan.

"Wala naman, 'wag mo lang pangunahan ibang tao." Sagot ko. "Tropa ko si Dom, kaya-"

"Oo na." Singit niya. "Ang dami mo nang sasabihin niyan eh."

"Hindi mo talaga ako pinapatapos magpaliwanag ah." Sabi ko.

"Bakit ikaw ba, kelan ka ba natutong makinig?" Tanong niya sa'kin. "Binabalik ko lang sa'yo kung ano ka, Adrian."

"Ano ba 'ko?"

"Kupal."

Nagtinginan lang kami. Wala akong maisagot ah. Bakit ba naging ganito kami. Ba't ko pa ba tinatanong eh kasalanan ko din naman. Ngiti na lang, Adrian.

"Nginingiti-ngiti mo d'yan?" Tanong ni Lia.

"Wala, natatawa lang ako sa'yo." Sagot ko. "Tapos ka na ba? Wala ka nang tanong?"

'Di siya sumagot.

"Kung wala ka nang tanong, pumasok ka na doon." Sabi ko habang lumilihis ng tingin sa kanya.

"Eh ikaw? Hindi ka na tutuloy?" Tanong niya.

"Pinapauna lang kita." Sagot ko. "Baka isipin pa n'ya na sabay tayong pumunta eh."

Hindi na siya sumagot, naglakad na lang siya papalayo, papunta sa gate nila Bel. Hindi ko na siya tinignan, yumuko nalang ako. Bobo mo Adrian. Bakit ganyan ka umasta kay Lia? Takte. Siya rin naman, ang panget ng trato sa'kin. Umay talaga. Karapatan niya naman na magalit sakin pero tangina. Nakakapagod din minsan. Akala ko pa naman din oks kami. Sabagay sobrang kalat din ng break-up namin eh. Tsk. Ano ba 'tong iniisip ko. Mag-move on ka na Adrian, may kukunin ka pang lighter. Naghintay pa ako ng mga 30 minutes bago pumasok. Nag-cellphone muna ako dito sa labas habang naghihintay. Nang feeling ko okay naman na yung lumipas na oras, tumayo na ako at pumunta sa gate nila Bel. Nag-doorbell ako. Bumukas ang pinto. Si Dom yung lumabas.

"Boi!" Masiglang bati ni Dom.

"Boi!" Sagot ko ng may ngiti.

"Ginagawa mo dito?" Tanong niya.

Buti nalang si Dom yung sumalubong. Buti nasaktuhan ko siya ngayon, hindi ko na kailangan mag-isip ng rason.

"Naiwan ko lighter ko eh." Sagot ko. "Ikaw ba't ka nandito?"

"Bahay ko na din 'to eh." Sagot niya habang binubuksan ang gate.

Pagkapasok ko, may babaeng nakaharang sa bukas na pinto. Foreigner? Hindi siguro. Pero yung pagkakakulay ng buhok niya, parang natural eh. 'Di tulad ng sa'kin. Mukhang tanga lang.

"Pinsan ko boi, si Eli." Sabi ni Dom habang naglalakad kami papalapit sa pinto.

Ang galing mo talaga magsinungaling Dom. Muntik na akong maniwala. Tinignan ko yung 'pinsan' ni Dom. Ang blanko ng tingin niya sa'min. Hindi ko alam kung ano, pero parang may kakaiba sa kanya. Takte, ang judgmental ko talaga. Kaya ako iniiwan eh.

Medyo Weird StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon