6.Eli

1 0 0
                                    


Hindi ko maalala kung meron akong nanay pero alam kong meron akong tatay. Siya ang kasama ko simula nang una akong nagkamalay. Siya ang lagi kong kasama sa planeta naming patay. Walang halaman sa planeta namin, wala ring mga hayop, walang tubig, at walang langit. Wala nang buhay na umuusbong sa planeta namin. Patay na lahat, kami nalang ang natitira.

Maraming record ang tatay ko. Record nang mga ninuno sa planeta namin. Sabi niya ilang milyong taon na raw ang tanda ng mga record niya. Minsan sa mga paglalakbay namin, nakakahanap pa kami ng mga record pero madalas, hindi na ito gumagana o wala nang laman. Nalaman ko sa mga record na puno nang buhay ang planeta namin noon. Maraming halaman, maraming hayop, malinis ang tubig, bughaw ang langit, at higit sa lahat, mayroon kaming katawan noon. Nakita ko sa mga record na ang mga ninuno namin ay mayroong iba't-ibang uri ng katawan. Mayroong payat, mataba, maskulado, maputi, maitim, at iba pa. Samantalang kami ng tatay ko, parang hangin lang. Walang kaming mata pero nakikita namin ang lahat, wala kaming kamay pero nararamdaman namin ang isa't-isa, wala kaming bibig pero nakakapag-usap kami.

Isang araw, may nakita kaming isang record na pumukaw sa interes ng tatay ko. Nakatala sa record na 'to na bago ang delubyong papatay sa planeta namin, nakagawa ang mga ninuno namin ng paraan para iligtas ang mga sarili nila. Plano nilang ilagay ang mga pag-iisip nila sa mga imortal na katawang gawa sa bakal. Tuluyang namatay ang planeta ngunit ang ilan sa mga ninuno namin ay buhay pa rin. Tinanong ko ang aking tatay kung nasaan na ang mga bakal na katawan ngayon. Hindi niya daw alam.

Patuloy kaming naglakbay sa kawalan, hindi alam kung saan patungo o kung matatapos ba ang aming paglalakbay. Ang akala ko ay patuloy lang namin 'tong gagawin hanggang mahanap ang lahat ng record. Mali pala ako. May hinahanap lang palang record ang tatay ko. Record na nagsabi kung anong nangyari sa mga bakal na katawan. Nang mahanap na namin ang record na ito, iniwan niya ako. Nawala siya bigla na parang bula para puntahan ang mga bakal na katawan. Nais ko man siyang sundan, hindi ko alam kung nasaan ang mga katawan at hindi niya rin pinakita sa akin ang record. Kaya't naglakbay ako. Mag-isa sa kawalan, nagpatuloy akong mag-lakbay. Paminsan-minsan ay nakakahanap ako ng mga record ngunit wala dito ang nagsabi kung nasaan ang mga katawan.

Sa aking paglalakbay, may natagpuan akong isang record na mas malaki kesa sa iba. Ang laman nito ay ang paraan kung paano nailipat ng aking mga ninuno ang pag-iisip nila sa mga katawang bakal. Nakasaad dito na kinailangan nila ang tulong ng isang artipisyal na pag-iisip. Ilang milyong ulit na mas matalino ang artipisyal na pag-iisip na ito kesa sa mga ninuno ko. Ang pag-iisip na ito ang naglilipat sa mga ninuno ko papunta sa mga katawang bakal. Kahit mabilis na nagagawa ng pag-iisip ang trabaho niya, hindi pa rin siya umabot sa delubyo. Nawala ang lahat ng buhay sa planeta. Para magpatuloy ang buhay sa planeta, gumawa ng daan-daang mortal na katawan ang pag-iisip. Ang kanyang plano ay ibalik ang mga pag-iisip ng aming mga ninuno sa mortal na katawan kapag dumating na ang panahon na maaari silang mabuhay sa planeta. Kung hindi man darating ang panahon na ito, gumawa siya ng isang makina na makakapagpadala ng mga mortal patungo sa malayong lugar. Naghanap siya ng buhay na planeta at binalak na ilipat doon ang aming mga ninuo. Ngunit hindi inaasahan ng pag-iisip na siya ang sisihin ng aming mga ninuno sa kanilang pagdurusa. Ang mga ninuno sa katawang bakal ay nag-aklas laban sa kanya. Sinira siya, dinurog, at isinaboy sa hangin ng kawalan. Hindi nila kinaya ang ilang daang taong pamumuhay sa planetang patay. Isa-isa, kinitil nila ang sarili nilang buhay.

Dahil sa record na ito, nagkaroon na ako ng ideya kung saan pumunta ang tatay ko. Pinuntahan ko ang lugar na nakita ko sa record at nakita ko ang daan-daang mortal na katawan na nakahilera papunta sa makinang magpapadala sa buhay na planeta. Nakita ko na ang isang lagayan ay walang laman. Ginamit siguro ito ng tatay ko para magamit ang makina na nakakapaglipat ng mortal.

Nilapitan ko ang isang katawan, nagbabakasakali na may record na nagsasabi kung paano ko maililipat ang sarili ko sa loob nito. Habang naghahanap ako ng record, hindi ko sinasadyang nadikitan ang katawan.

Ang dilim, hindi ako makahiga. Anong nangyayari. Ano itong nararamdaman ko sa paligid ko. Hindi ako makagalaw. Akala ko ay katapusan ko na nang bigla akong nalaglag. Alam ko na kung bakit madilim, nakapikit pala ako. Kaya pala hindi ako nakakahinga, nasa loob pala ako ng lalagyan kanina. Nakita ko ang sarili ko sa salamin ng lalagyan. Kahawig ko na ang aking mga ninuno. Naglakad-lakad ako at nag-masid sa paligid. Nakakapanibago sa pakiramdam.

Nararamdaman ko ang lamig ng lapag at ng paligid, nakikita ko ang paligid gamit ang sarili kong mga mata, humihinga ako gamit ang sarili kong ilong at bibig, naririnig ko ang malakas na hangin sa labas gamit ang tenga ko. Naalala ko sa mga record ay may saplot ang aking mga ninuno, kaya't nag-hanap ako sa paligid ko. Nakakakita ako ng isang damit na katulad ng sinusuot ng mga ninuno ko. Nang nailagay ko na ito, halos hindi ko na ramdam ang lamig ng paligid.

Naglakad ako papalapit sa makinang panglipat ng mortal. Malapit dito ay isang record. Nakita ko dito ang isang mortal na ginagamit ang makina ngunit hindi ko makita ang kanyang mukha. Umilaw ng malakas ang makina at nang mawala ang ilaw, wala na din ang mortal. Sigurado ako na tatay ko ang gumamit ng makina.

Ginaya ko ang nakita ko sa record at umilaw ang makina ng malakas. Pinikit ko ang aking mga mata at pagdilat ko, may isang mortal na nakatayo sa harap ko. Siya ang mortal na magbibigay ng palayaw ko na Eli. Siya ang mortal na tinatawag na Dom.

Medyo Weird StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon