Chapter 2

226 18 24
                                    

Nang marating ni Cali ang kanilang bahay ay parang nauupos na kandila ang dalaga. Basang-basa siya ng pawis at uhaw na uhaw kaya naman dumiretso siya sa kusina upang kumuha ng tubig.

Nanginginig ang mga kamay ng dalaga habang pilit na inuubos ang malamig na likido na gumuguhit sa kanyang lalamunan ang bawat patak nito. Kasabay ng pagkasaid ng tubig sa babasaging baso ay ang pagbuhos ng luha sa pisnge ng dalaga.

Galing siya sa mall kanina upang mamili sana ng mga pocket books. Ito lang ang libangan niya kapag wala siyang ginagawa. Napakatahimik niyang tao at mas nanaisin niya pang mapag-isa at magsulat o kaya magbasa kaysa makipagbarkada. Simple lang ang buhay niya; paaralan-bahay lang lagi ang kanyang routine at ni hindi siya mahilig magliwaliw maliban na lang kung may nais siyang bilhin gaya ng groceries o materyales na gagamitin niya sa mga proyekto o para may pagkaabalahan.

Sa edad na desi-nuebe ay namumuhay na mag-isa si Cali. Pinapadalhan na lang siya ng bunsong kapatid ng Ina niya upang may pangtustos siya sa pag-aaral at iba pang pangangailangan.

Muling nanumbalik ang hapdi ng nakaraan sa kanyang nasaksihan kanina sa mall.

--
"Sino ang babae mo? Umamin ka na dahil huling-huli na kita!" Garalgal at nanggigigil boses ni Carla na siyang naging dahilan upang maalimpungatan sa Cali na noon ay sampung taon pa lamang.

"Mama, Papa, bakit po?" Inosenteng tanong ng paslit habang kinukusot ang mga mata ng dalawang mga kamay.

Mabilis na lumabas ng kanilang silid si Carla dahil ayaw nitong makita ng anak ang pagtangis niya. Si Liam naman ay niyakap ang anak at binantayan hanggang sa muli itong makatulog.

Iyon ang una at huling yakap at pagkikita ng mag-ama dahil kinabukasan ay wala na ang Papa niya. Kahit ano ang pangungulit niya ay nanatiling tikom ang bibig ng ginang. Ayaw nitong sabihin sa anak ang naging pagtataksil ng kabiyak sa pag-aalala na baka maapektuhan ng husto ang bata.

Ngunit... Ang lahat ay nabunyag rin dahil sa matatabil na dila ng kanilang mga kapitbahay. Sa kanila nalaman ng musmos ang dahilan kung bakit hindi na umuuwi sa kanila ang kanyang Papa.

Sa bata niyang isipan ay naipangako ni Cali sa sarili na hinding-hindi siya papatol sa lalaking may pananagutan na kapag siya ay lumaki. Alam niya at naging saksi siya sa pinagdaanang hirap ng Ina.

--

Napapitlag siya ng tumunog ang kanyang mobile kung kaya't dahan-dahan na tumayo ang dalaga. Hindi man lang niya namalayan na napaupo na siya sa sahig habang nagbabalik sa kanyang alaala ang huling gabi na kasama ang ama.

Sumisinghot na kinuha niya sa bag na nakapatong sa mesa ang kanyang cellphone at lalo lang bumilis ang pagpatak ng mapapait na luha sa kanyang mga mata ng makita kung sino ang tumatawag. Tuloyan na siyang napahagulhol at parang puputok na sa galit at hinanakit ang dibdib niyang umaalon sa halo-halong nararamdaman niya ng mga oras na iyon.

Maya-maya lang ay naikuyom niya ang kanyang mga palad. Napagdesisyonan niyang lisanin ang pook na iyon at magsimula ulit ng bagong buhay. Tinungo niya ang kanyang silid at dinampot ang kwadradong picture frame bago naupo sa kanyang kama dahil pakiramdam niya ay naubos ang kanyang lakas at enerhiya, hinang-hina siya. Napakalaking daguk nito sa buhay niya. Tanging karamay niya lang sa ngayon ay ang letratong hawak-hawak ng nanginginig niya kamay.

"Pagsubok lang ito, kaya ko 'to, hindi ba, Mama?" Aniya habang hawak ang litrato nilang mag-ina bago ito pumanaw dalawang taon na ang nakakalipas. Hinaplos niya ng daliri ang naka-frame na imahe ng Ina at humihikbing hinalikan niya ito saka inilapag sa tabi niya.

Miss na miss niya ang kanyang Mama at ngayon pakiramdam niya may pagkakasala rin siya dito. Makalipas ang ilang minuto ay naihanda na niya ang kanyang maleta. Pinagsasalpak niya lang ang kanyang mga gamit habang walang humpay ang pagluha. Milagro nga at natapos niya ito ng wala pang isang oras.

"...ang tanga ko lang at naniwala ako sa mga magagandang ipinakita niya. Hindi man lang ako nagduda na may sabit na siya. Mama, sorry po! Hindi ko po alam! Hindi ko po iyon sinasadya!" Muling pagtangis ni Cali, yakap-yakap niya ang kanyang tuhod at ngayon ay muling nakaupo sa kama, titig na titig sa letratong nasa kanyang tabi.

Dalawang buwan na mahigit rin ang pagiging 'kabit' niya ng hindi niya nalalaman. At ang katotohang iyon ay tila bumabaliw sa kanya.

Tapos na siyang mag-impake at hinihintay niya lang na lumalim ang gabi bago niya lisanin ang lugar na iyon. Naipagpaalam na rin niya sa kanyang tiyahin ang kanyang gagawing paglipat ng tirahan. Tumawag pa nga ito at nag-aalala sa biglaan niyang desisyon ngunit hikbi lang ang narinig nito sa dalaga. Hinayaan na muna siya nito at alam naman ng Tita niya na sa tamang oras ay magpapaliwanag rin naman siya.

You are My ForeverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon