"Hija, nasaan ka na naman ba? Pinag-aalala mo kaming lahat dito, e!" Pumipiyok ang boses ng Lola Siling ng dalaga nang makausap niya ito sa telepono.
Isang malalim na buntonghininga muna ang pinakawalan ng dalaga saka nagsalita. "Ipagpaumanhin ninyo, Lola Siling, hindi ko po masasabi sa inyo kung nasaan ako ngayon pero sinisiguro ko po sa inyo na nasa maayos akong kalagayan." Kagat-labi na aniya. Mahirap para sa kaniya na maging abala sa kahit na sino maging mga kamag-anak man niya ang mga ito o hindi.
Dalawang linggo na rin ang nakalipas at maging siya ay aminadong naging padalus-dalos sa kaniyang desisyon ngunit ng mga oras na iyon ay wala siyang naisip na mas magandang gawin, ang tumakas!
Ganoon naman yata talaga ang inisyal na reaksyon ng isang tao na hindi handa sa pagharap sa mga multo ng nakaraan, mga pangyayari na hindi mo man sadya ay naging daan pa rin upang ikaw ay magkasala. At naniniwala ang dalaga na ano mang pagkakamali ay hindi maitatama ng isa pang pagkakamali.
'Tama ba itong ginagawa ko?' Makailang beses na niyang tinanong ang sarili ukol sa mga hakbang na ginawa niya at kahit alam niya ang kasagutan, wala siyang sapat na lakas nang loob upang gawin ang tamang hakbang. Nasasaklawan ng takot ang kaniyang isipan.
"Apo, Cali, ingatan mo ang iyong sarili. Tandaan mo na ano man ang mangyari ay naririto lamang kami na handang tumulong at umagapay sa iyo." Madamdamin na anito habang tuluyan nang napapahikbi si Cali sa kabilang linya. "Mahal na mahal ka namin, hija, pakatandaan mo iyan." Huling mga salitang sinambit ni Lola Siling bago nito ibinaba ang telepono sapagkat tigmak na rin ito ng luha ngunit ayaw ipahalata sa apo.
"Sorry po..." Paulit-ulit na usal ng dalaga habang nanginginig ang buong katawan sa pagkalito at guilt na nararamdaman.
Naikuyom niya ang kaniyang mga kamao pagkatapos ilapag sa lalagyan nito ang telepono.
'Kelvin, patahimikin mo na ako!' Magkahalong kawalan ng pag-asa at galit na aniya sa kaniyang isip. Muling nanariwa ang nangyari noong bago siya nagtungo sa pinakasulok na bayan ng Monteverde, ang kinalakihan niyang lugar.
Katanghaliang tapat ng araw na iyon kung saan nagpalipas oras siya sa internet cafè nila Rhon. Kakapasok niya pa lang sa bahay ng may kumatok sa kaniyang pintuan na kaagad niya namang pinagbuksan ngunit namutla siya sa tumambad sa kaniya. Si Kelvin! Akma siyang yayakapin nito ngunit naging alisto siya at naitulak ito nang malakas saka isinara ang pinto.
Isa. Dalawa. Apat na oras mahigit na paulit-ulit siyang kinatok ni Kelvin bagay na nagbigay sa kaniya ng sari-saring alalahanin. Paano kung may makakilala sa lalaki? Ano ang iisipin ng mga ito? Malalaman ng lahat na minsan siyang naging babae nito bagay na isinumpa niya noon pa mang kaniyang natuklasan! Pandidiri sa sarili at pagkuwistiyon kung saan siya nagkamali at paanong nalagay siya sa ganoong nakakapanghilakbot na sitwasyon. Tanging pag-iyak na lang ang kaniyang nagagawa sa mga oras na iyon.
Nang mga oras na nasigurado niyang wala na nga ang lalaki ay nagmamadali niyang hinila ang kaniyang maleta at kagaya noong minsang pag-alis niya ay wala sa ayos na basta na lamang niya isinilid rito ang kaniyang mga gamit at iba pang mahahalagang dokumento.
Napukaw ang kaniyang pagbabaliktanaw nang umihip ang malakas na hangin na may maalat-alat na samyo. Animo ito mga bisig na yumayakap sa kaniyang nagdurusang puso at tila siya bata na pinapatahan ng kaniyang ina.
'Isang-isa na lang, Kelvin. Ilalagay kita sa dapat mong kalagyan kapag hindi mo pa ako tinigilan.' Tiimbagang na aniya sa isip.
Muling tumunog ang kaniyang telepono at natigilan siya nang malaman kung sino ang nasa kabilang linya na walang iba kung hindi ang pinsan niyang si Gellie. Sa kawalan ng mapagsabihan ay nagawa niyang ikuwento sa dalaga ang tunay niyang sitwasyon at maging ito ay nagagalit sa hindi pa kilalang lalaki. Ayaw niya nang banggitin rito na nakasalamuha na nito ang lalaki at baka kung ano ang gawin ng pinsan ay mapahamak pa sila pareho.
BINABASA MO ANG
You are My Forever
Ficción GeneralIto ay kuwento ng pag-ibig na magpapatunay o magpapawalang katotohanan kung mayroon nga bang'forever' o walang hanggang pagmamahalan...