Lumipas ang ilang araw ngunit nanatili lang sa loob ng bahay si Cali. Nangangamba ang babae na baka naririyan lang sa tabi-tabi ang pinagtataguang lalaki. Ibinuhos na lang niya ang kaniyang buong panahon sa pagrerepaso ng mga nakatingga niyang mga kuwento. Mabuti na lang at mabait sa kaniya ang mga boss niya at maging ang editor nila ay hinayaan siyang magkaroon nang mahabang oras upang magsulat sa kundisyon na magpapasa siya ng limang manuscripts sa loob ng tatlong buwan.
'Haist! Ang hirap pala nito. Nauubosan ako ng ideas para sa stories ko... Pahamak kasi ang lalaking iyon!' Inis na napasalumbaba si Cali.
Nakasalampak sa sahig ang dalaga na nasasapinan nang maliit na carpet. Naka-indian sit siya habang kaharap ang laptop. Binigyan niya muna nang break ang sarili dahil nagsisimula nang humapdi ang kaniyang mga mata. Nasa ganoon siyang ayos nang tumunog ang kaniyang cellphone na agad niya namang sinagot.
"Hello, Rhon, napatawag ka?" Sandali niyang pinakinggan ang kausap at halos maliyo siya sa pagtayo niya nang biglaan, mabuti na lang at napahawak siya sa maliit na mesa na kinapapatungan ng laptop niya. Dali-dali niyang tinungo ang bintana na nakaharap sa kalsada at doon niya napagtanto na hindi nga nagbibiro ang lalaki. Nasa labas si Rhon at nakatingin sa bahay niya habang kausap siya nito sa cellphone.
"Sandali lang, give me ten minutes at mag-aayos lang ako. Bye!" Taranta niyang paalam dito at tumakbo na siya sa kaniyang silid.
Makaraan ang kulang-kulang kinse minutos ay iniluwa ng pinto ang dalaga. Bahagya pa siyang hinihingal nang lapitan niya si Rhon na noon ay nakaupo sa waiting shed at panay ang tampal sa mga braso nito na mukhang pinagpiyestahan ng mga lamok.
"Sorry! Bakit naman kasi biglaan ang pag-iimbita mo?" Magkahalong pagtataka at pagkakunsensiya ang naramdaman ng dalaga. Natagalan kasi siya sa pagpili ng isusuot, idagdag pa na nagdalawang-isip siya kung ano ang mas mainam na ayos ang gagawin sa buhok niya.
Nakaputing bestida siya na off-shoulder at may kulay pulang ruffles sa neckline. Lampas tuhod ito at tinernohan niya ng flat red shoes. Nakaheadband lang siya ng kulay pula bilang palamuti sa kaniyang mahabang buhok. Tanging red lipstick lang at kaunting pulbo ang inilagay niya sa kaniyang makinis na mukha. Simple ngunit nakakahalinang tingnan ang ayos ng dalaga. Nagwisik rin siya ng kaunting pabango sa sarili matapos ang mabilisang half-bath kanina.
"Ako dapat ang humingi sa iyo ng despensa. Birthday kasi ni Mama at gusto ka raw niya makilala." Napapakamot sa batok na anito.
Ang totoo niyan ay alanganin ang binata na imbitahin si Cali dahil alam niyang kukulitin lang ito ni Aling Cecilia ngunit sa huli ay napapayag din ito ng ina na isama ang dalaga sa kaarawan nito.
Kumunot ang noo ni Cali sa tinuran nito.
'Bakit naman ako gustong makilala ng mama niya?'
Lumarawan ang pagtataka sa magandang mukha ng dalaga. Hindi naman napigilan ni Rhon ang humanga sa babae sa napakagandang transformation nito ngayong gabi.
"Rhon?" Tawag ng dalaga sa binata na agad naman nakabawi sa pagkatulala. Napapalunok pa ito at muling napakamot sa batok bago makapagsalitang muli.
"Pasensiya ka na talaga, Cali... Ano kasi, palagi ka naming napag-uusapan sa bahay lalo na nang bigla kang nawala. Panay ang tambay ni Archee sa amin at hinahanap ka nga naming dalawa." Napapabuntonghiningang anito. "Kilala mo naman ang isang iyon, napakadaldal kaya nalaman nila mama ang tungkol sa iyo."
Hindi man kumbinsido ay hindi na muli pang nagtanong si Cali at tumango na lamang matapos bigyan ng tipid na ngiti ang lalaki. Nagpapasalamat din siya ng lihim sa pag-imbita nito sa kaniya. Matagal na rin siyang naburo sa bahay at makakatulong sa kaniya ang okasyong ito.
BINABASA MO ANG
You are My Forever
General FictionIto ay kuwento ng pag-ibig na magpapatunay o magpapawalang katotohanan kung mayroon nga bang'forever' o walang hanggang pagmamahalan...