"Isuot mo 'yan sa loob ng isang oras kung gusto mong mawala na ang tampo ko," ani Cali na agad naman sinang-ayonan ng nobyo. Lihim siyang napangiti.
Matapos no'n ay nagpaalam si Cali na uuwi na muna ng bahay. Idinahilan na lang niya na may gagawin pa siyang importanteng bagay kahit wala naman. Nai-imagine pa lang kasi ng dalaga ang itsura mamaya ni Rhon ay naluluha na siya sa pagpipigil na mapabunghalit nang tawa.
'Hmm... Matingnan nga si Mokong kung talagang tinupad niya ang pangako niya.' Aniya na tinutukoy ang parusang ibinigay sa nobyo bilang kapalit nang pagkalimot nito sa usapan nila kanina. May ngiti sa labi na binuksan niya ang pinto para lang salubongin ng hindi inaasahang bisita.
"Hi!" malikot ang mga mata at hindi makatingin ng diretso na bati ni Kelvin.
"H-hello..."
"May lakad ka?" anito na tila pinipilit ang sariling tumitig sa mukha ng dalaga.
"Ano ang ginagawa mo rito?"
"It's been a while. Hindi mo man lang ba ako na-miss?" seryosong anito. Hindi naman makapagsalita agad ang dalaga. Hindi niya inaasahang muli pang makikita si Kelvin matapos ang mga nangyari nitong nakaraan.
"Kelvin, patahimikin mo na ako, please." mahina ngunit may diin ang pagkakasaad ng dalaga.
"Hey! Biro lang 'yon, Cali," nakikiusap ang mga matang anito. Pasulyap-sulyap sa dalagang kaharap at panay buntong-hininga nito. Ang guilt at hiya ay hindi mawala sa sistema nito. Tila ba nahimasmasan mula sa masamang panaginip si Kelvin.
Saglit na namayani ang katahimikan. Seryosong nakatutok sa unexpected visitor niya si Cali habang si Kelvin naman ay tensyunadong lumilingon sa paligid kapagdaka ay ibabalik din sa dalaga ang paningin.
"Pumunta ako rito para makausap ka nang masinsinan."
"Pero--"
"Please, Cali. Wala akong ibang gagawin maliban sa kausapin ka," muli ay saad ng lalaki bago pa man makapagprotesta ang dalaga.
Ilang sandali rin ang dumaan saka dahan-dahang binuksan nang maluwang ng dalaga ang pinto. Sa umpisa ay nagtatanong pa ang mga mata ni Kelvin ngunit tinanguan lang ito ng dalaga.
"Maupo ka," aniya. "Ano ang gusto mong inumin?"
"Huwag na, salamat. Hindi naman ako nauuhaw," bantulot na tanggi ng lalaki. Napakunot ang noo nito nang umalis sa harap nito ang dalaga at tumungo sa kusina. "Okay ka lang ba?" Tawag nito sa dalaga.
"A-ayos lang ako. Nauhaw lang ako bigla," tugon ng dalaga. Halos napangalahati niya ang isang pitsel ng malamig na tubig. May konting basa ang harapan ng t-shirt niya dahil sa panginginig ng kanyang kamay ay bahagyang tumapon ang laman no'n sa suot niya.
'God, sana naman matapos na 'to agad at wala naman po sana siyang gawing masama.' Nakapikit na umusal siya ng dasal. Nang mahamig ang sarili ay bumalik na siya sa harap ng lalaki.
"Alam ko marami akong ginawa na hindi ko dapat ginawa sa 'yo." Nakatitig sa sariling mga palad si Kelvin. Nakikinig lang ang dalaga. Nakatayo isang metro ang layo rito. "Pumunta ako rito para humingi nang paumanhin at kapatawaran." May himig nang pagsisi na anito.
"Hindi madaling magpatawad." ani Cali.
"Alam ko. At hindi ko hihilingin na patawarin mo ako agad. Ang sa akin lang ay makahingi man lang ako nang despensa sa lahat-lahat." Doon tumitig ng diretso sa mga mata ni Cali si Kelvin. "Aalis na kami mamayang madaling araw. Hindi ko alam kung hanggang kailan kami mananatili sa ibang bansa."
"Alam ba ng asawa mo na nakipagkita ka sa akin?"
"Oo, alam niya. Ang totoo niyan ay magkasama sila ni Naomi ngayon," maagap na tugon ng lalaki.
"May sasabihin ka pa ba? May pupuntahan pa kasi ako," Naiinip kunwari na ani Cali ngunit hindi lang talaga siya kumportable na kasama ang lalaki.
"Cali, sandali lang. Kakapalan ko na ang mukha ko. Hihingi sana ako nang pabor kung maari?"
Kunot-noong napatitig sa lalaki ang dalaga at hindi niya napigilan ang pagtaasan ng kilay ito matapos na may ilabas na papel mula sa bulsa nang kupasing pantalon nito si Kelvin.
Napahalakhak nang malakas si Cali nang mabasa ang nilalaman ng nandidilaw sa kalumaang piraso ng papel.
"Teka nga, huwag mo pagtawanan 'yan," hindi napigilan ng lalaki ang pagkayamot. namumula pa ito dahil sa hiya.
"Sorry naman, hindi ko lang inaasahan na may ganitong side ka pala..." aniya na sumeryoso na at mayamaya ay niyakap ang papel sabay saad nang... "Oh, Naomi kong iniirog! Gagawin ko ang lahat kahit ang tumalon sa ilog!"
"Cali!" hiyaw ng lalaki.
Tatawa-tawang tumingin ang dalaga sa lalaki.
"Makata ka pala," nanunukso ang mga matang aniya.
"Oo na, ako na ang korni!" asar na pagsuko ng lalaki.
"Corny yet sweet. Naks! Pagsintang pururot nga naman!" at muling humalakhak ang dalaga pero imbis na mainis ay hindi napigilan ni Kelvin ang bumangong saya sa dibdib nito.
'Ito ang Cali'ng kilala ko. Madaling patawanin; tatahi-tahimik pero may angking kakulitan kapag maganda ang mood. Salamat Po, Panginoon. Hindi ako nagsisisi na nakilala ko siya. At sana mabura na ang masamang alaala na naibigay ko at manatili na lang ang masasayang sandali na pinagsaluhan namin.'
"Akina na 'yan," hinablot ng lalaki ang papel ngunit mabilis iyong nabawi ng dalaga.
"Para sa babaeng pinakamahalaga sa buhay ko bukod sa aking pamilya...
Nang una kitang mapagmasdan,
Aking puso ay nabihag mo wala pa man isang segundo na maglapat ating mga mata't magkatitigan,
Oo, ikaw ang tanging laman yaring aking isipan,
Maswerte ako at kahit kailan ay hindi ko pinagsisihan na ikaw ang pinili kong mahalin,
Ikaw lang walang iba ang ihaharap ko sa dambana upang makasama magpakailanman.
...Mahal kita.
Muling namasa ang mga mata ni Cali matapos sariwain ang nangyari kahapon.
'Sa dinami-rami nang maririnig niya bakit iyong parteng iyon pa?' Himutok niya sa sarili. Pilit niyang hinabol si Rhon. Iniwan na nga niyang bukas ang pinto ng bahay ngunit hindi niya ito naabutan. Wala ang lalaki sa bahay ng mga ito kahit pa naghintay siya sa bahay nila hanggang madaling araw.
"Hello, Archee... Nakita mo na ba siya?" aniya nang sumagot sa tawag niya ang kaibigan pero hindi raw nito nakikita pa ang binata. "Sige, salamat. Tawagan mo na lang ako kapag may balita ka na sa kanya."
'Nasaan ka na ba, Rhon? Hanggang dito na lang ba tayo?' Dumaosdos ang butil ng mga luha sa pisngi niya sa naisip.
'Kung kailangan kong ipakausap sa 'yo sila Naomi at Kelvin ay gagawin ko... Magpakita ka na, oh!'
BINABASA MO ANG
You are My Forever
General FictionIto ay kuwento ng pag-ibig na magpapatunay o magpapawalang katotohanan kung mayroon nga bang'forever' o walang hanggang pagmamahalan...