Chapter XXXI - Talisay

2.3K 116 8
                                    

Nakatulog pala ako kagabi, hindi ko man lang nalaman. Nagising nalang ako sa lamig ng hanging kanina pa ako pinangangatal sa lamig.

"Brr..." Dahan-dahan akong tumayo na yakap-yakap ang sarili at mabilis na iniiling ang ulo na parang asong bagong ligo. "Ang lameeeg!" Nag-unat-unat ako at naghikab.

Kasalukuyan namang abala sa paghigop ng mainit na tsokolate itong sina Kuya Gayle at Paolo na nauna na palang nagising sa akin at ngayon ay nakaupo sa harap ng hapag-kainan.

"Si Lerting?" Tanong ko habang naghihikab. "Aga n'yo ah."

"Nasa itaas, may tsokolate s'yang ginawa--uminom ka muna."
Anyaya ni Kuya Gayle.

Hindi na ako nagsalita, dumiretso nalang ako sa lababo nitong silid at naghilamos, nakakapagtaka talagang isipin kung papaano nagkakaroon ng tubig ang gripo nitong lababo--pero hindi ko na para isipin pa 'yun. Nasa ibang mundo kami.

Gamit ang suot kong t-shirt eh pinunasan ko ang bagong hilamos kong mukha, nagmumog ako, kumuha ng tasa mula sa lababo at dumiretso na sa hapag-kainan para samahan ang mga pinsan ko sa paghigop ng mainit sa tsokolate.

Sinilip ko ang oras mula sa suot kong relo--alas diyes na, pero sadyang napakadilim pa dito, ah--oo nga pala, naka-set nga pala itong orasan ko base sa oras namin sa mundo namin. Ibang-iba ang oras ng mundong ito kaysa sa amin.

"Kanina pa kayo nagising?" Simula ko habang dahan-dahan kong pinupunuan ng tsokolate ang tasa ko. "Nasaan na raw tayo?" Dagdag ko.

"Hindi ko alam, pero ang sabi ni Lerting malapit na raw tayo." Saad ni Kuya Gayle.

"May portal daw tayong pupuntahan sabi ni Lerting, para daw mapabilis ang dating natin sa Talisay." Saan naman ni Paolo.

"Oh? Ibig sabihin hindi s'ya makakasama sa atin?" Tanong ko.

"Syempre hindi. Una't una palang hindi naman talaga s'ya kasali sa misyon natin. Maswerte na lang talaga tayo at mabait itong si Lerting." Bulalas ni Kuya Gayle.

"At kakilala natin si Tatang." Dagdag naman ni Paolo.

Oo nga naman, kung tutuusin--sino ba naman sa amin ang mag-aakalang magiging ganito kabilis angmga pangyayari? Parang noong isa araw lang sinabi sa amin ni Tatang na magpunta kami ng Bakokoy--tapos hintayin namin siya--pero wala naman siyang sinabi na gagawin namin kung sakaling hindi s'ya dumating.

Wala rin siyang sinabi na bumalik kami ng Arentis. Ang sabi lang niya magpunta kami sa nayon ng Bakokoy. Wala ng iba.

Tama kaya ang desisyon naming dumiretso na ng Talisay?

"Ah, Kuya." Panimula ko. "Sure na bang sa Talisay ang punta natin? Ang ibig kong sabihin... Hindi ba wala namang sinasabi si Tatang sa atin na pumunta na tayo ng Talisay?" Tanong ko.

Tinitigan lang ako ni Kuya Gayle. "Pero hindi ba, bago tayo umalis ng Arentis--ng palasyo, eh alam na nating simula na 'yon ng ating misyon?" Humigop muli siya sa kanyang tasa.

"Oo nga, pero hindi naman natin alam kung saang lupalop ng Talisay natin mahahanap ang Orakulo. Wala namang sinasabi si Tatang--wala tayong impormasyon, ang sabi lang niya magpapalit ng pera--" Naudlot ako sa pagsasalita.

"Oh 'di magtanong tayo! Anong gusto mong gawin natin--bumalik ng Arentis?" Kalmadong tanong ni Kuya Gayle.

"Sows... Magtatalo pa e." Gitna ni Paolo. "Nandito na tayo, kesa magtalo pa kayo--mag-isip nalang tayo ng paraan kung paaano mahahanap ang Orakulo."

Nanahimik nalang ako bumuntong hininga. Letse--bakit ba kasi nagpa ura-urada kami sa pagdedesisyon na pumunta na kami kaagad ng Talisay ng wala man lang kaming sapat na impormasyon tungkol sa misyon namin? Ang punto ko lang naman wala kaming ka ide-ideya kung saan kami maguumpisa.

Letse talaga, umagang umaga ganito.

"Ganito nalang Kuya." Mungkahi ni Paolo. "Magtanong nalang tayo."

"Kanino? Eh mukhang wala namang nakakaalam sa atin ng tungkol sa Orakulo."
Tanong ko.

"Susubukan lang naman e--tanungin natin si Lerting." Mungkahi ni Paolo.

Bumuntong hinginga na lang ako, wala rin namang mangyayari kung nakikipag-talo pa ako. Tama rin naman sila--nandito na rin lang naman kami, bakit pa kami babalik sa Arentis? Mag-aaksaya lang kami ng oras.

Naalala ko na naman 'yung sinasabi ni Tatang at ni Acacia sa tuwing pinag-uusapan namin 'yung tungkol sa misyon naming ito.

Kailangang magmadali, kailangang maunahan ninyo sa Bakunawa sa paghahanap sa Orakulo.

Tsk. Bwisit talaga.

Nang mga oras na 'yon ay dali-dali kaming umakyat pabalik sa kubyerta kung saan naroon si Lerting at abala sa pagmamani-obra nitong barkong panghimpapawid.

"Lerting!" Bati ni Kuya Gayle. "May gusto sana kaming itanong."

Tumaas lamang ang mga kilay nitong si Lerting habang dahan-dahan niya kaming nilingon.

"Ano 'yon?" Tanong niya.

"Gusto sana naming malaman, kung may alam ka ba tungkol sa Orakulo? Kung ano itsura nito? Kung saan ito makikita?" Bulalas ni Kuya Gayle.

"Ang totoo n'yan, wala talaga kaming alam tungkol sa itsura ng Orakulo." Nahihiya kong sagot.

"Pasensya na..." Gitna ulit ni Paolo.

Marahang binaling ni Lerting ang tingin niya sa malawak na kalangitan at tila ba nag-isip. Maya-maya ay nagsimula na itong sumagot.

"Wala akong masyadong alam na impormasyon, pero may natatandaan akong alamat tungkol sa Orakulo." Simula nito.

Hindi naman kami sumagot. Nanatili kaming tahimik at hinihintay si Lerting na magkwento tungkol sa Orakulo. Pwede na rin siguro 'to--kung ano man 'tong alamat na sinasabi niya. Pwede na rin siguro naming panghawakan 'yon bilang impormasyon.

"Ang sabi sa Alamat, ang Orakulo raw ay isang nilalang na nilikha ng mga diyos upang maging mata nila dito sa lupa. isang nilalang na ang kapangyarihan ay napakalakas, kaya nitong pabagalin o pabalikin ang takbo ng oras at panahon--ngunit isang beses lamang niya ito magagawa--" Malumanay na kwento sa amin ni Lerting.

"Ang galing naman pala niyang Orakulo na 'yan." Bulalas ko.

"So, ang ibig sabihin--hindi bagay kung hindi tao ang Orakulo?" Tanong naman ni Kuya Gayle.

Umiling lamang si Lerting. "Wala namang sinasabi sa alamat kung ano ang itsura talaga ng Orakulo--pero sinasabing kadalasan ay babae ito. Siguro nga ay tama kayo--baka nga tao siya. Kung naatasan kayong hanapin ang Orakulo sa Talisay ay hindi pwedeng hindi ninyo ito kamukha--marahil ay nabuhay na muli ang Orakulo bilang isang taga-lupa."

"Nabuhay na muli?"
Tanong ni Paolo.

"Oo! Wala namang nilalang na walang kamatayan--pero ang mabuhay muli sa ibang panahon ay maaari, ako--dwende ako ngayon pero walang nakakaalam kung dwende nga ba ako noong nabubuhay ako sa ibang panahon--parang kayo." Saad ni Lerting.

"Ah! Parang past life?" Tanong ko.

"Hindi ko alam kung ano ang tinutukoy mo, pero kung ganoon nga ang pagkakaintindi mo ay baka iyon na nga." Ngumiti sa amin si Lerting.

Ganoon naman pala! Ang buong akala ko eh bagay or parang bolang kristal 'tong hahanapin naming Orakulo--akala ko e mamumundok kami o papasok sa mga kweba. Tao pala 'tong hahanapin namin.

Ang problema na lang namin n'yan eh saan sa Talisay namin hahanapin ang taong 'yon.

"Salamat Lerting."  Yumuyukong sambit ni Kuya Gayle. "Hindi man kami makaganti ngayon, pero asahan mong sa susunod ay mababayaran rin namin itong tulong na ibibigay mo sa amin."

"Hihihi! Naku! Huwag na kayong mag-abala pa! Mga kaibigan ko na kayo--at ang lahat ng magkakaibigan ay nagtutulungan!" Nagagalak na sambit ni Lerting.

Ngumiti naman kami ni Paolo kay Lerting. Napakabait talaga nitong siLerting, kahit na halos upakan na namin siya ni Kuya Gayle sa Lukbanon eh heto s'ya ngayon at nakangiti kaming tinutulungan.

"Humanda na kayo. Malapit na tayo sa portal." Mariin na wika ni Lerting.

Sa isang napakahabang ilog sa pagitan ng dalawang naglalakihang mga bundok dumaan ang barkong panghimpapapawid na sinasakyan namin; medyo bumaba ng kaunti ang lipad nitong barko dahilan upang makita namin ng malapitan ang yabong at ganda ng mga kagubatan ng dalawang bundok.

Naririnig rin namin ang ingay at lakas ng hampas ng rumagasang tubig ng ilog sa mga naglalakihang mga bato na dinadaanan nito sa ibaba--ang ganda pagmasdan ng paligid. Lalo na ng marating namin ang dulo nitong ilog.

"Ay shete--ang ganda." Bukambibig ko.

Isang napakalaking estatwa na nakatayo sa dulo nitong ilog ang nakita naming matayog na nakatayo at tila ba binabati kami sa aming pagdating; napakalaki ng estatwang ito, halos kasing taas ito ng mga bundok na nakatayo sa pagitan nitong ilog.

Ang estatwang ito ay hawig sa isang ibon na kahit sa mga libro eh hindi ko pa nakikita, malaki ang estatwang ibon na ito; nakaladlad ang mga bagwis nitong halos takpan ang sinag ng araw at ang ganda ng karagatan na bahagya ko na lamang na nasisilip sa likod nitong estatwa, naka-buka ang malalaki nitong tuka. Nilulumot na rin ang estatwang ito at halatang napakatanda na; ngunit kapansin pansin ang asul na mga mata nito na parang yari sa mamahaling bato.

"Nakikita n'yo yung tuka nitong estatwa ng sarimanok na 'to?" Tanong ni Lerting habang itinuturo sa amin ang napakalaki at nakangangang tuka nitong estatwa. "Naroon ang portal."

"Do'n?" Tanong ni Kuya Gayle.

"Ang taas a--kahit ako hindi ko abot 'yan." Bulong namin ni Paolo.

"Sino bang may sabing aakyat kayo? Nakasakay kayo sa barko ko!" Natatawang saad ni Lerting.

At ganoon na nga ang ginawa ni Lerting, pinataas pa niya ang lipad nitong barko hanggang sa maabot nito ang tuka ng higanteng estatwa. Napakalaki pala talaga nito lalo na sa malapitan, pwede kang magpatayo ng lima o higit pang bahay sa loob mismo ng tuka nitong estatwa.

"Humayo na kayo! Sa loob ng tuka nitong estatwa ay may makikita kayong isang lagusan--yung katulad nang sa bahay namin? Pumasok kayo roon at siguradong makakarating kayo sa Talisay ng mabilis--mga ilang minuto lang." Nakangiting saad ni Lerting.

Naalala ko na naman 'yung lagusan sa bahay nina Lerting. Naku naman--magpapadulas na naman? Parang gusto ko na 'atang mag back-out.

"Lerting..." Wika ni Kuya Gayle. "Saan ka pupunta pagkatapos nito?" Tanong niya.

"Uuwi na ako ng Bakokoy." Saad ni Lerting.

"Pero hindi ba inatake kayo ng mga Undin? Ni--sino 'yon? Nakuayen? Papaano kung pag-uwi mo doon ay wala na ang nayon ninyo?" Mariin na tanong ni Kuya Gayle na napansin kong bahagya itong yumuyuko.

"Ah! Huwag kayong mag-alala. Siguradong walang nangyari sa nayon namin! Siguradong nakatakas na sina Itay at ang ilan pa naming mga ka-nayon mula sa mga kampon ni Nakuayen. Huwag n'yo na akong alalahanin, mag-iingat naman ako sa pag-uwi--kung sakaling wala na akong maratnan sa Bakokoy ay siguradong sa manukan nagtungo sina Itay." Nakangiting sambit ni Lerting.

Hindi na nagawang sumagot ni Kuya Gayle. Kahit ako hindi na rin--ang hirap kasing magbigay ng simpatya sa taong nahirapan lalo na kung isa ka sa mga nagdulot sa kanya ng paghihirap kahit aksidente o hindi mo ito ginusto.

Sa lagay naming magpipinsan, hindi naman namin alam na masusundan pala kami ni Nakuayen sa Bakokoy, hindi namin alam na matutunton nila kami--ni hindi nga namin alam na pinaghahahanap pala nila kami e.

Kaya hindi namin alam ang sasabihin kay Lerting. Nagpapasalamat nalang kami at napakabait nitong kaibigan naming dwende.

"Dali na! Humayo na kayo!" Mariin na utos ni Lerting.

Tumango na lamang kami at dali-daling pumasok sa tuka nitong estatwa; hindi nga kami nagkakamali, napalaki nga nito--halos kasing laki ito no'ng kweba sa Maranawi.

"Nakita n'yo na ba 'yung lagusan?" Sigaw ni Lerting sa amin mula sa lumilipad na barko.

"Ito ba?" Turo ni Paolo.

Isang lagusan ang nasa dulong bahagi nitong tuka na parang daan patungo sa lalamunan nitong estatwa. Nilingon muli namin si Lerting para magpaalam.

"Humayo na kayo mga kaibigan! Mag-iingat kayo!" Paalam ni Lerting.

"Ikaw rin! Mag-iingat ka rin. Salamat sa napakasarap na pagkain at sa tulong mo Lerting." Sigaw namin habang kinakawayan ang munting dwende.

Hindi na sumagot si Lerting at nagpatuloy na lamang sa pagkaway.

"Tara na." Sambit ni Kuya Gayle.

Tumango na lamang si Paolo.

"Parang ayoko na yata..." Napalunok na lang ako.

"Napaka-duwagin naman nito e." Pabirong saad ni Kuya Gayle na dahan-dahang papalapit sa akin at akmang itutulak ako.

"Hoy! Walang ganyana--AAHH!!"

At gaya ng inaasahan, itinulak nga ako ni Kuya Gayle papasok sa lagusan na nasa loob nitong estatwa--hindi nga ako dumulas, nagpagulong-gulong ako.

Nakakainis.

"Aaahh!!"

Walang humpay na pagsigaw ang ginawa ko habang pagulong-gulong akong bumaba sa lagusan, kagaya rin ng lagusan kina Lerting patungo sa Maranawi; madilim din ang lagusang ito--katulad rin ng lagusan kina Lerting. Ang pinagkaiba lang, mas maikli ang isang ito.

Buti na lang talaga. Kung hindi baka mabali ang mga buto-buto ko kakagulong. Ang kipot pa naman dito.

"Aray. Ungh. Susme--Aray!" Daing ko ng marating ko na ang dulo nitong lagusan, nakahiga akong humihingal sa may damuhan habang pinapanood ang ganda ng takipsilim sa kalangitan.

Pagabi na pala dito.

Dahan-dahan akong tumayo upang pagmasdan ang paligid; pamilyar ang tanawin--ang mga bahay dito ay yari sa semento at hollow blocks na may yerong bubungan, ang iba eh may mga tindahan pa, may nag sosoftdrinks pa nga e, tapos 'yung iba nanonood ng tv--tanaw ko e, nakabukas kasi 'yung mga bintana nila.

Nakabalik na kami ulit sa mundo namin. Hindi ako pwedeng magkamali. Wala namang nagkalat na plastic bags at supot sa Arentis e--wala ring upos at sunog na filter ng sigarilyo na nagkalat sa daan. Hindi madumi.

Tama nakabalik na nga ako.

"Welcome hooome---ARAY!"

Biglang may sumipa sa likuran ko na naging dahilan ng mabilis kong pagdapa. Lumingon ako at nakita si Kuya Gayle na nagpapagpag ng dumi sa katawan.

"Ang sakit no'n ah! Kanina ka pa!" Napipikon kong banggit habang hinihimas ang noon ay masakit kong gulugod.

"Hara-hara ka kasi d'yan e. Hehe..." Pabirong sagot ni Kuya Gayle sa akin.

Sumunod naman na lumabas mula sa lagusan si Paolo, doon ko namalayan na hindi pala ordinaryong lagusan 'yung nilabasan namin. Lumabas pala kami mula sa hukay sa ilalim ng puno ng mangga.

Nakakapagtaka 'no? Pero gaya nga ng sinabi ni Tatang--may mga portal talagang nagkalat sa mundo namin at sa mundo ng Arentis. Isa na siguro 'to sa mga sinasabing portal ni Tatang.

Nakakamangha lang talagang isipin na kahit simpleng puno e maaari palang maging pintuan patungo sa isang mundong ni isa ay walang nakakaalam.

"Tss... Kung hindi lang kita Kuya." Pagmamaktol ko.

"Oh kung hindi mo ako Kuya ano? Susuntok ka?" Natatawang pang-aasar ni Kuya Gayle.

"Sooos! Nagtalo na naman 'tong mga 'to." Gitna ni Paolo. "Itigil n'yo na nga 'yan." Dagdag niya.

"Eh kanina pa 'to eh! Nakakapikon na! Ikaw kaya sipain ko sa likod, gusto mo?" Naiinis na talaga ako.

"Kalma naman aba! Hindi tayo nagpunta dito para mag-away!" Nagsimula na ring tumaas ang boses ni Paolo.

"Ano, sumisigaw ka? Gusto mo tayo nalang mag-away oh!?" Sobrang inis na inis na ako, malapit na akong manapak.

Nagsimula na kaming magbangayan. Ang iingay namin--buti nalang talaga walang nakakapansin. Pikon na pikon na kasi ako, kung hindi ako uutusan, pagtitripan ako--nakakainis. Paulit-ulit.

"Tara panuntok na lang!" Hamon ko.

Sandali namang lumabas mula sa likod ng puno ng mangga ang isang pamilyar na nilalang. Matipuno ang katawan nito at nakasuot ng mahabang bahag, may suot din itong belo sa ulo at tela na makapal na nakapalupot sa kanyang leeg. May buntot ang nilalang na ito.

At may balbas na parang sa pusa.

"Ang iingay n'yo." Nakangiting sambit ng nilalang.

"Anong ginagawa n'yo dito?" Sabay sabay naming tanong.

Hindi naman kami natakot, ang totoo nga niyan eh halos napunit ang mga labi namin ng makita namin ang nilalang na ito.

Dahan-dahang naglakad papalapit sa amin ang nilalang, huminto ito sa aming harapan.

"Kanina ko pa kayo hinihintay. Ano bang ginawa n'yo at ang tagal n'yo?" Tanong ng nilalang.

Hindi kami nakapagsalita, napunan ng tuwa ang aming mga damdamin. Sa wakas, mukhang may makakasama kami sa paglalakbay namin dito sa Talisay.

Buti nalang talaga at nandito na si Batluni.

                                                                ***








Arentis I | Ang Orakulo | Completed | Currently EditingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon